NAGDESISYON ang Pilipinas na hindi na palawigin pa ang travel restrictions sa mga dayuhan mula sa mahigit 30 bansa na nakapagtala ng kaso ng bagong coronavirus variants.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mananatili na lamang ng hanggang Enero 31, 2021 ang nasabing travel restriction at nakatakdang magtapos sa nasabing petsa.
Gayunpaman, sinabi pa ni Sec. Roque, na ang lahat ng mga dayuhan na hindi papayagang pumasok ng bansa kabilang na ang may hawak ng tourist visas ay mananatiling bawal pa rin na pumasok ng bansa.
Habang ang mga papayagan lamang na makapasok ng bansa ay kailangan na kumpletuhin ang kanilang 14-day quarantine.
Matatandaang, unang nagpatupad ng travel restrictions ang Pilipinas noong Disyembre 24 kung saan tanging ang sakop lamang nito ay ang United Kingdom, kung saan pa rin ay mayroong “more transmissible variant” na unang na-detect.
Lumawig na lamang ang nabanggit na trave restrictions sa 34 na bansa kabilang na ang Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, The Netherlands, China ( kabilang na ang Hong Kon), Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada, Spain, United States, Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, Brazil, Austria, Pakistan, Jamaica, Luxembourg, Oman, UAE, Hungary at Czech Republic.
Samantala, sa hiwalay na kalatas ay sinabi ni Sec. Roque na ang lahat ng mga dayuhan na papayagang pumasok sa Pilipinas ay kailangan na sumunod sa ilang alituntunin na magsisimula sa Lunes, Enero 31.
” Arriving foreigners should have valid and existing visas at the time of entry, except for those qualified under the Balikbayan program of the government,” ayon kay Sec. Roque.
“Incoming foreigners should also have a pre-booked accommodation for at least seven nights in an accredited quarantine hotel or facility and be subject to COVID-19 testing at the quarantine hotel or facility on the sixth day from the date of their arrival, ” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sinabi pa ni Sec. Roque na ang pagpasok ng mga foreign nationals ay “subject to the maximum capacity of inbound passengers at the port and date of entry.”
Inaprubahan naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ang bagong guidelines o alituntunin na napagkayarian sa naging pulong nito, araw ng Huwebes. (Daris Jose)