SINABIHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga manggagawa ng pamahalaan na tiyakin na magiging maayos ang delivery ng COVID-19 vaccines sa oras na dumating na ito sa bansa.
Sa public address ng Pangulo, Lunes ng gabi ay sinabi nito na hindi dapat buksan ng Bureau of Customs ang containers na may lamang bakuna.
Idinagdag pa ng Punong Ehekutibo na kailangan na mag-provide ang PNP ng police escorts upang masiguro na mabilis ang delivery sa storage facilities.
“Ang trabaho ninyo Customs is magtingin. You have no business na buksan yan. I am not allowing anybody there sa airport na magbukas,” diing pahayag ni Pangulong Duterte.
“Then ‘yung loading, transport… The PNP should provide escorts to ensure the fastest way for the vaccines to arrive in their storage at saka even in the matter of transporting it form one facility to the other,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na pangungunahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang pagtiyak ng “smooth transport” at distribusyon ng bakuna sa mga mamamayan.
Samantala, siniguro naman ni Galvez kay Pangulong Duterte na mayroong police escort kapag dumating na ang COVID-19 vaccines sa bansa at nai-byahe sa ibang lugar.
“From aircraft, dadalhin sa naghihintay na truck then from there, we already coordinated with the (Department of the Interior and Local Government) and chief (Philippine National Police) na talagang mayroon pong mobile escort,” anito.
“At gagawa po tayo ng special lane para at least pagpunta po sa (Research Institute for Tropical Medicine), very minimal po ‘yong time and then doon na po i-inspect sa storage facility so ‘yong stability po ng mga vaccine will be maintained,” aniya pa rin.
Sinabi pa ni Galvez na magsasagawa sila ng dry run upang makita kung may depekto sa pamamahagi ng mga bakuna.
Samantala, umaapela naman si Pangulong Duterte sa Communist Party of the Philippines (CPP) na payagan ang libre at ligtas na pagbyahe o pagdadala ng mga bakuna partikular na sa mga lugarr kung saan mayroong “degree of influence” ang mga ito.
“As I have said, the money belongs to the Filipino people. The credit goes to no one. Sa inyo ‘tong mga Pilipino. Pera ninyo ito so natural lang na kayong mga members ng CPP and the allied NPA, NDF, or whatever, kindly observe the rules of humanity,” ayon sa Pangulo.
Tinitingnan naman ng Pilipinas na pangasiwaan ang COVID-19 vaccines sa frontline healthcare workers sa susunod na Lunes, Pebrero 15 lalo pa’t target ng pamahalaan na mabukanahan ang 1.4 million indibiduwal sa isang buwan.
“We did our assignment and we are waiting for vaccines to arrive and to immediately implement the required mandate and that is pabakunahan lahat, we will do it as fast as the vaccines would come in,” ang pahayag ni Pangulong Duterte.
“As fast as we receive them we distribute them, but you must have the facility to ensure the integrity of the vaccines,” dagdag na pahayag nito.
Minaliit naman ni Pangulong Duterte ang pangamba ng publiko hinggil sa posibleng korapsyon sa pagbili ng bakuna.
Giit ng Pangulo, ang perag gagamitin na pambili ng bakuna ay hawak ng lending institutions gaya ng World Bank.
“I would like to repeat, itong pambayad natin sa bakuna hiniram natin ito sa . . . World Bank wala kasi tayong pera. Ngayon pagdating sa bayaran kung tapos na lahat, ang manufacturers like Pfizer magkolekta sila hindi sa atin, dun sila magkuha ng pera sa World Bank, so walang corruption dito kasi walang hinahawakan kung sinuman dito na bilyon,” paliwanag ng Pangulo.
“Ganun ang sitwasyon kaya masakit sa amin na basta na lang sweeping allegations about corruption, ‘yun ang pakiusap ko lang din sa members ng Congress,” aniya pa rin. (Daris Jose)