Ilalabas ng Commission on Elections (Comelec) sa huling quarter ng 2021 ang final guidelines para sa 2022 national elections.
Ayon kay Comelec Chairman Sheriff Abas, binabalangkas pa nila ang mga guidelines na ihahanay sa umiiral na sitwasyon ng COVID-19 pandemic, na inaasahang tatagal pa hanggang sa halalan.
“Ongoing pa yung aming proseso dahil hinihimay pa yung halos lahat ng protocols from canvassing, filing, from bilangan [ng boto], lahat. So siguro end or last qurater ng taong ito [ire-release],” wika ni Abas sa isang public briefing.
Wala pa ring pasya ang poll body sa ngayon kung ipagbabawal nila ang face-to-face na pangangampanya.
Isa rin aniya sa ikinokonsidera para sa 2022 elections ay ang paglilimita sa bilang ng mga botante sa kada presinto ng hanggang lima lamang.
Paglalahad ni Abas, ganito ang gagawin sa plebisito sa Palawan na itinakda sa Marso 13 at titingnan nila kung magiging epektibo ang ganitong protocol.
Maliban dito, ipatutupad din nila ang health and safety protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shields, at pagsunod sa social distancing.
“Marami tayong ilalatag d’yan but depende yan sa magiging assessment ng ating health experts lalo na ‘yung IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases). Susunod kami sa mungkahi ng health experts,” anang poll official. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)