• November 7, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 10th, 2021

BEA, sasagutin ang ilan sa mga pinakamahihirap na tanong sa ‘TBATS’; guestings muna habang hinihintay si ALDEN

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SIMULA na ng bagong Kapuso actress na si Bea Alonzo ng pagtatrabaho sa GMA Network, pagkatapos niyang pumirma ng exclusive contract  last July 1. 

 

 

Miss na rin daw magtrabaho ni Bea after nilang bumalik sa short US vacation kasama ang boyfriend na si Dominic Roque.

 

 

Kaya humanda na sa good vibes sa Sunday, September 12, sa first TV guesting ni Bea sa The Boobay and Tekla Show. No holds barred ang interview nina Boobay at Tekla sa “May Pa-Presscon” segment ng show na sasagutin lahat ni Bea ang ilan sa mga pinakamahihirap na questions mula sa kanyang heartbreak, ang relationship status nila ni Dominic at ang career plans sa kanya ng GMA.

 

 

Game na game din si Bea sa pagkanta sa “Birit Showdown” na she will sing ng mga top hits ni Adele.

 

 

Ang TBATS ay napapanood every Sunday after Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA-7.

 

 

Malamang hindi ito ang unang paggi-guest ni Bea sa GMA shows, habang hinihintay niyang matapos ni Asia’s Multimedia Star Alden Richards ang lock-in taping nito ng teleseryeng The World Between Us nila nina Tom Rodriguez at Jasmine Curtis-Smith.

 

 

Magtatambal sina Bea at Alden sa Philippine adaptation ng isang top Korean movie.

 

 

***

 

 

THANKFUL si Kapuso Drama Actor Dennis Trillo at ang bumubuo ng GMA Primetime series na Legal Wives dahil sa patuloy na mataas na rating na natatanggap nila mula sa mga televiewers na sumusubaybay sa serye.

 

 

Last Tuesday, September 7, nakatanggap sila ng 16.0 percent mula sa Nielsem Philippines NUTAM People’s Ratings (Combined) laban sa katapat nilang FPJ’s Ang Probinsyano, na nakakuha ng 12.7 percent.

 

 

“Shukran” o salamat, ang ipinaabot ng serye sa lahat ng sumusubaybay sa kanila.

 

 

Matitindi na kasi ang mga eksenang napapanood ngayon sa Legal Wives, dahil may tension na sa dalawang legal wives ni Ismael (Dennis) na sina Diane (Andea Torres) at Amirah (Alice Dixson) at papasok pa ang problema ni Farrah (Bianca Umali) na nag-offer na rin si Ismael na pakasalan niya.

 

 

Mas maagang napapanood ngayon ang Legal Wives, gabi-gabi after 24 Oras.

 

 

***

 

 

SUNUD-SUNOD ang blessings na dumarating kay Kapuso actress-host Camille Prats.

 

 

Bukod kasi sa daily morning show nila ni Iya Villania, ang Mars Pa More, at ang Makulay ang Buhay napapanood every Saturday at 9:45 am at Tuesday, 8:00 am, sa GMA-7, si Camille din ang kinuhang mag-host ng “Knorr Nutri-Sarap Kitchen,” nang mag-partner ang GMA Network at Knorr para magpakita kung paano mag-serve ng nutritious and delicious meals.

 

 

Magsisimula ang show sa Sunday, September 12, 10:05 am sa GMA-7, na magpi-feature si Camille ng success stories ng mga Pinoy na “laki sa Knorr” tulad nina Marc Pingris, Doc Jeoffrey ‘Otit’ Mambucon, Teacher Fe Matullano Lustanas and comedienne-entrepreneur Marietta “Pokwang” Subong.

 

 

Meanwhile, sa virtual interview ng Knorr, Camille shared na malamang daw ay mag-celebrate na sila ng Christmas sa 5-storey dream house nila ng husband na si VJ Yambao at mga anak nilang sina Nathan (sa first husband niya), Nolan at Nala.

(NORA V. CALDERON)

Boxing legend Oscar De la Hoya nakalabas na sa pagamutan matapos dapuan ng COVID-19

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Nakalabas na sa pagamutan si boxing legend Oscar De la Hoya matapos na magpositibo ito sa COVID-19.

 

 

Sa kaniyang social media account, nag-post ito ng video sa kaniyang pinagdaanan.

 

 

Sinabi nito na tatlong araw siyang nanatili sa pagamutan matapos na tamaan siya ng nasabing virus.

 

 

Nasa magandang kalusugan na raw ito at hindi na siya makapaghintay na makabalik muli sa boxing ring.

 

 

Magugunitang hindi na natuloy ang laban nito kay UFC fighter Vitor Belfort sa Setyembre 11 matapos na madapuan siya ng virus.

 

 

Papalit na lamang sa kaniya para labanan si Belfort ay si dating boxing champion Evander Holyfield.

PDu30, inatake ang Senado sa ginagawa nitong imbestigasyon ukol sa multibilyong pisong halaga ng COVID-19 pandemic na binili ng Pilipinas

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

MULING inatake ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Senate blue ribbon committee sa gitna ng isinasagawa nitong imbestigasyon hinggil sa multibilyong pisong halaga ng COVID-19 pandemic na binili ng Pilipinas.

 

Sa kanyang Talk to the People, araw ng Miyerkules, muling kinastigo ni Pangulong Duterte si Senator Richard Gordon, chairman ng nasabing komite at tinawag pa niya itong “adversarial.”

 

“You cannot tell the truth in the Senate. Gordon is adversarial. Tingin sa ‘yo, kalaban ka,” ayon kay Pangulong Duterte.

 

Aniya, kapuwa umaakto si Gordon bilang judge at prosecutor.

 

“Anong totoo ang lalabas diyan,” ani Pangulong Duterte.

 

Para sa Punong Ehekutibo, ang Senate inquiry ay isang uri ng pamumulitika.

 

“Did you see a good law that was able to help the country? What they are doing is politicking,” anito.

 

“We have done so much that the fight cannot be done based on merit,” ayon sa Chief Executive.

 

Kahapon ay nag-isyu na ang Senado ng warrant of arrest laban kina dating presidential economic adviser Michael Yang at limang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.

 

Kinumpirma ito ni Senate President Vicente Sotto III at ipinakita pa sa mga Senate reporter ang kopya ng nilagdaan nitong warrant of arrest laban kina Yang at limang opisyal ng Pharmally.

 

Ang Pharmally ang nakakuha ng P8.6 bilyong kontrata sa gobyerno para sa suplay ng personal protective equipment (PPE), face mask at face shield noong 20220.

 

Bukod kay yang ang mga sumusunod ng opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation executives na inisyuhan ng arrest warrant ay sina: Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Linconn Ong, Krizle Grace Mago at Justine Garado.

 

Una rito, na-cited for contempt gn Senate blue ribbon committee sina Yang at limang opisyal ng Pharmally at inirekomendang isyuhan ng arrest warrant dahil sa pagtangging humarap sa pagdinig ng Senado sa pagbili ng gobyerno sa diumano’y overpriced na COVID-19 equipment. (Daris Jose)

Asian Youth Games sa China iniurong na sa 2022

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Ipinagpaliban ng organizers ang Asian Youth Games sa Disyembre 2022 dahil sa COVID-19 pandemic.

 

 

Gaganapin sana sa buwan ng Nobyembre ngayong tao sa Shantou City, Guangdong province.

 

 

Ayon sa Shantou government department na siyang nangangasiwa sa nasabing sports affairs na pinapahalagahan nila ang kaligtasan ng mga dadalo kaya minabuti na iurong na lamang ito sa susunod na taon.

 

 

Inilabas ang desisyon ng pagpaliban matapos ang ginawang pagpupulong ng kasama ng Olympic Council of Asia, Chinese Olympic Committee at mga local committee.

 

 

Hindi lamang ito ang unang sports event sa China na kinansela dahil nakansela na rin ang Grand Prix ng Figure Skating na gaganapin din sa Nobyembre sa Chongqing City.

Congressional Medal of Excellence iginawad kay Diaz

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbigay ang House of Representatives ng Congressional Medal of Excellence.

 

 

Ito ang iginawad ng Kongreso kay national weightlifter Hidilyn Diaz na tumapos sa 97-taong paghihintay ng Pilipinas para sa kauna-unahang Olympic Games gold medal nang manalo sa Tokyo Games.

 

 

Nang buhatin ni Diaz ang silver medal noong 2016 Rio de Janeiro Olympics ay iginawad ng Kongreso sa tubong Zamboanga City ang Congressional Medal of Distinction.

 

 

Ang nasabing medalya ang ibinigay naman kina Tokyo Olympics silver me­dal winners Nesthy Petecio, Carlo Paalam at bronze medalist Eumir Felix Marcial.

 

 

Ang Congressional Medal of Distinction ay ibinibigay sa mga Filipino achievers sa sports, business, medicine, science at iba pang larangan.

 

 

“You have shown the world what Filipinos can achieve, despite facing the most difficult of circumstan­ces,” ani House Speaker Lord Allan Velasco sa apat na Olympic medalists.

 

 

Binigyan din sina Diaz, Petecio, Paalam at Marcial pati na ang kanilang mga coaches ng cash incentives na galing sa “pass the hat” drive ni Velasco.

 

 

Samantala, binigyan ng Kongreso si 1996 Atlanta Olympics silver medalist Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Jr. ng cash incentives.

 

 

Sa kanyang pagbabalik sa bansa matapos ang Atlanta Games ay pina­ngakuan si Velasco ng ilang miyembro ng Kongreso ng cash incentives na P2.5 milyon na hindi niya nakolekta sa paglipas ng panahon.

SCHOOL SERVICE OPERATORS, DRIVERS, KAILANGAN DIN NG AYUDA!

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Dahil walang face-to-face classes sa mga paaralan, isa sa pinaka-apektadong sektor ay mga school service providers.  Tahimik na bahagi ng transport sector pero napakahalaga ang role nila sa pangangalaga ng mga estudyante, sa pagsundo sa bahay at paghatid sa mga paaralan, at pabalik.  Malaking tulong din sila sa pagtitipid ng mga magulang sa gastos sa pamasahe o gasolina dahil sila na at hindi na gagamit ng sariling sasakyan. Malaking kabawasan din sa traffic dahil imbes sariling sasakyan pa ang gagamitin sa paghatid sa isa o dalawang bata lang ay school service na lang. Istrikto rin ang polisiya ng LTFRB sa kanila – tulad ng kailangan ang accreditation mula sa paaralan, paglalagay ng fire extinguisher, seatbelt, at may helper pa o assistant ang driver sa pagasikaso sa mga estudyante. Kailangan ang mga ito dahil sa ipinagkakatiwala ng magulang ang kanilang anak sa mga school service providers. Buhat nang nasuspinde ang face-to-face class ay nalugmok at nawalan ng hanapbuhay ang libu-libong mga umaasa sa sektor ng school service providers.  Hindi lang operators, pati mga drivers at helpers nila.  Kaya dapat rin sila mabigyan ng ayuda tulad ng sa mga jeepney, UV express, mga bus, atbp. Kung naisama na sila sa bigayan ng ayuda ay isa na ako sa taus-pusong nagpapasalamat. Pero kung hindi pa, sana ay mabigyan na sila.

 

 

 

Isa rin sa dapat maihanda ay ang kanilang pagbabalik serbisyo lalo na ngayon at pinagaaralan na ng IATF at DepEd ang pagbabalik ng face-to-face classes.  Sana ay maisama sila sa consultation ng pagpaplano tungkol sa pagbabalik ng face-to-face classes.

 

 

 

Ang mungkahi rin ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ay matulungan sila sa pagbabayad ng monthly installment ng kanilang mga unit dahil sa halos dalawang taon nga ay wala silang kita at para kahit papano ay makabawi muna sila at huwag iremata ang mga units nila. Mapalawig din sana ang panahon para sa pag-renew ng kanilang mga prangkisa kung ma-e-expire na ito.

 

 

 

Tahimik na sektor ang mga taga school service kaya kailangan na maparating din sa kinauukulan ang kanilang mga pangangailangan.

PAOLO, nag-sorry sa lahat ng nadamay, lalo na kina LJ, AKI at SUMMER; YEN, inabswelto bilang ‘third party’

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

ANG haba ng naging paliwanag ni Paolo Contis sa side of his story sa naging hiwalayan nila ni LJ Reyes.

 

 

Sa Instagram account nga niya at kinailangan pang 2 parts ang naging statement niya.

 

 

Inabswelto niya lalo na si Yen Santos na nababalitang third party. Humingi naman siya ng sorry sa lahat, lalo na kay LJ, sa anak nito na si Aki at kay Summer. Gayundin sa estranged wife niya na si Lian Paz at dalawang anak nila. At sa iba pang nakapaligid sa kanya na nadadamay nga raw at nagugulo.

 

 

Ayon kay Paolo, walang ibang pwedeng i-bash at pagbuntunan ng galit kung hindi siya.

 

 

Narito ang mahabang paliwanag ni Paolo.

 

 

“After lumabas ang interview ni LJ, katakot takot na pang aalipusta at pambabatikos ang natanggap ko. I can’t say I don’t deserve it kaya tinatanggap ko lang ito. I understand all your frustrations. Gusto ko sana manahimik kaya lang marami nang mga nadadamay na hindi dapat kaya mas mabuti sigurong sagutin ko ang ilan sa mga ito…

 

1. Drugs – Merong nagsasabi na meron siyang reliable source that I take drugs and as a result, sinasaktan ko si LJ at ang mga bata. This is NOT true. Minahal at inalagaan ko sila. I never laid a finger on them.

 

2. Third Party – Aaminin ko, naging marupok at gago ako sa ilang taon naming pagsasama. I’m not proud of it. For that, I’m sincerely sorry. I’m truly ashamed of my actions.

 

3. Yen Santos – She was never the reason of our break up. I was. Kung matagal na kaming hindi okay ni LJ, it was mainly because of me. Masyado niyo siyang diniin sa issue na to. Pati pag promote namin ng movie nabahiran na ng kung anu ano.

 

4. Baguio – When LJ left for the States with the kids, I went to Baguio for 3 days dahil ayaw ko sa Manila at gusto kong makapag isip isip. Naging insensitive ako about the possible effects nung issue and I invited Yen for a day para may makausap since malapit lang siya sa North din. She went there as a friend. Hindi ko naisip na madadamay siya ng ganito. I’m sorry for this.

 

5. Lolit – Please stop bashing her. Nanay ko si Lolit. Natural lang na ipagtanggol niya ako kahit mali ako. May nanay din kayo diba? Hindi niyo alam ang mga pagalit at pangaral niya sa akin pag kami lang ang naguusap. Sinabihan ko na siya to stop protecting me. Ang sinabi lang niya ay HINDI, ANAK KITA! HAYAAN MO AKO! For that, I’m sorry Nay. And thank you! Sa inyo pareho ni Nay Cristy.

 

“I was very clear to LJ when I told her I want to see and take care of Summer kahit hindi kami okay. But I understand and respect her decision to go to the States muna. Sana balang araw makapag usap kami ng maayos para sa bata. Madami pang kailangan pag usapan pero sa amin na lang ni LJ yun at sana respetuhin niyo yun.

 

 

“I’m sorry sa lahat ng nadamay sa issue na to. I want to apologize to Lian and the kids, na nagulo na naman ang tahimik na buhay dahil sa akin. I’m sorry to my Mom. Please don’t worry about me too much. I’m sorry to my team na hindi na nakakatulog dahil sa akin.

 

“To Summer, I’m sorry my Ganda. I love and miss you so much. Papa will do his best to be better. I will always be here for you. I promise.

“To Aki, I wish I could’ve done things differently and listened to you more. I’m sorry I failed you.

“To LJ, I’m very sorry. For everything. Sa lahat lahat.

“I will work on making myself a better person and learning from this. But for now, please respect our privacy and pray for us. Ngayon kung hindi pa po kayo pagod, please direct all your hate and bashings at me. No one else deserves it, ako lang. Thank you.”

 

Yun nga lang, sa mahabang paliwanag na ito ni Paolo, ang tila nagmarka lang lalo na sa mga netizen ay ang pag-iimbita raw niya kay Yen at friends lang sila.

 

 

Halos lahat ng comments kay Paolo, hindi naniniwala at sinasabihan pa itong “wag kami, Paolo!” at “Time is the ultimate storyteller” at “Friends pero holding hands?!”

 

 

***

 

 

HINDI na napigilan ni AiAi delas Alas ang pumatol sa Globe.

 

 

Matagal na raw siyang nagtitimpi sa serbisyo ng mga ito at lalo na kung paano maningil at biglang nagpuputol.

 

 

Sabi ni AiAi sa kanyang Instagram account, “GLOBE MATAGAL NAKONG NAGTITIMPI SA INYO,, NAIINTINDIHAN NYO BA YUNG MESSAGE NYO NGAYUN NYO PINADALA WITHIN 3 days TAPOS PUTOL NA AGAD NGAYUN..???? DAPAT WITHIN THE DAY ANG ILAGAY NYO !!!!!! buti nalang SMART endorser ako dati … ayoko na sa globe talaga!!!!!!”

 

 

At sinundan niya ng sunod-sunod na hashtags na, “agad agad putol,” “walang chance gumising muna saka bayaran,” “excited sa 5 thousand,” “pahirap sa mamamayan, “platinum pa ko nito,” “nega sa umaga.” At saka itinag niya talaga ang @enjoyglobe.

 

 

May pahabol pa ito in all bold letters na, “Palitan n’yo ‘yang enjoy Globe n’yo kasi ‘di naman ka-enjoy-enjoy ginagawa n’yo sa amin.”

 

 

Marami naman ang nag-comment sa post na ito ni AiAi at nag-share ng same experience nila sa isa sa leading internet at call provider sa banasa.  Sabi pa ni AiAi sa comment ni Mamalits na grabe maningil palpak naman palagi ang signal na, “partner sa totoo lang lumalabas pa kaya ako ng pinto namin kasi wala silang signal punyeta ang yayabang palpak naman. Ako naman gaga, nagtiis ng mahabang panahon.”

(ROSE GARCIA)

Jobless tumaas ng 1.8% nitong June – SWS

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Tumaas ng may 1.8 percent o may 13.5 milyong katao ang jobless noong nagdaang Hunyo dulot ng umano’y mahabang panahon ng pagpapatupad ng lockdown sa bansa sanhi ng Covid-19 pandemic.

 

 

Ito ay batay sa lumabas na SWS survey nitong June na may 27.6 percent o 13.5 milyon ang jobless mas mataas ng 1.8% kumpara sa 25.8% noong Mayo o may 12.2 milyong kataong walang trabaho.

 

 

Ayon sa SWS survey ang mga jobless ay mga taong boluntaryong umalis sa dating trabaho, mga naghahanap ng trabaho at mga natanggal sa trabaho dahil sa pandemic.

 

 

Ang jobless rate sa Metro Manila ay tumaas sa 40.9% noong June. Ang  unemployment rate sa nala-l­abing bahagi ng Luzon ay tumaas ng 7 points mula Mayo dahil umabot ito sa 30.9% noong Hunyo. Ang  jobless rate sa Visayas ay 21.3% at 19.2% sa  Mindanao.

 

 

Mas marami ang jobless sa hanay ng mga kababaihan na umaabot sa 38.3% noong June habang sa mga kalalakihan ay nasa 19.8%.

Gordon, bahag ang buntot na maging paksa nang pagsisiyasat ng COA ang PRC

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na takot si Senador Richard Gordon na maging paksa ang Philippine Red Cross (PRC) nang pagsisiyasat ng Commission on Audit (COA).

 

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee ukol sa P8-bilyong halaga ng pandemic supply na binili ng pamahalaan mula sa maliit na kumpanya na Pharmally corporation na pag-aari ng isang dakot na Chinese individuals.

 

Si Gordon, tumatayong PRC chair, ay siya ring chairman ng Senate blue ribbon panel.

 

“Takot ka [ma-audit] kasi marami kang atraso over the years,” ayon kay Pangulong Duterte.

 

“You won’t have the time to cover up everything,” dagdag na pahayag nito.

 

Nauna rito, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang pondo ng pamahalaan na ibinayad sa PRC para sa pagsasagawa ng RT-PCR COVID-19 test ay paksa sa COA audit.

 

Inulit ni Pangulong Duterte ang naunang sinabi ni Sec. Roque na mahaharap ang senador sa isang pagtutuos.

 

“We need to know nasaan na ang pera , Senator Gordon. I am demanding an answer, and we will go over it with COA report which is a public document,” giit ng Pangulo. (Daris Jose)

19 nawawala habang halos 80,000 apektado dahil sa bagyong Jolina — NDRRMC

Posted on: September 10th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Libu-libo ang apektado habang halos 20 naman ang patuloy na nawawala bilang epekto ng Tropical Storm Jolina, na siyang papalabas na ng Philippine area of responsibility ngayong hapon o gabi.

 

 

Ito ang lumalabas sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Huwebes ng umaga:

 

  • Nawawala (15)
  • Apektadong residente (79,062)
  • Nasa evacuation centers (6,397)
  • Na-displace pero wala sa evacuation center (1,470)
  • Evacuation centers (90)

 

 

Sa mga nawawala, sinasabing 15 dito ang kumpirmado na habang apat pa ang patuloy na vina-validate ng NDRRMC.

 

 

Ilan na sa mga lugar na talagang naapektuhan ng naturang bagyo ay ang Central Luzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas.

 

 

Wala pa namang naitatalang patay o sugatan dahil sa pagtawid ng bagyong Jolina sa kalupaan ng Pilipinas sa ngayon.

 

 

Pinsala ng bagyo

 

Sa ngayon, aabot na sa 193.79 milyong halaga ng pinsala na ang naitatamo ng Regions 5, 6, at 8:

 

  • Bicol (P13.79 milyon)
  • Western Visayas (P436,610)
  • Eastern Visayas (P179.56 milyon)

 

 

Aabot naman sa 3,058 kabahayan ang napinsala ng tropical storm sa kasalukuyan:

 

  • bahagyang nasira (2,900)
  • wasak na wasak (158)

 

 

Dating nasa typhoon category ang bagyong “Jolina” bago ito humina sa ngayon. Sa kabila nito, patuloy namang nananala ang Typhoon Kiko sa loob ng PAR na posible pang maging super typhoon dahil sa lakas nito.