UMAPELA si AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na palakasin pa ang pagsusumikap nito na magdagdag ng accredited service providers para sa Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) Package na magbibigay ng access saprimary health care services sa mga miyembro ng PhilHealth.
Nangangamba ang mambabatas sa mababang bilang ng accredited service providers na nakalista sa programa na hindi sapat para tugunan ang pangangailangan ng mga PhilHealth members na nagnanais kumuha ng package.
“Kulang na kulang pa po ang mga providers para maserbisyuhan ang dami ng ating mga PhilHealth members. Sana po paigtingin pa ng Philhealth ang paghikayat sa mga providers na magpa-accredit at maging bahagi ng Konsulta Package program,” ani Reyes.
Batay aniya sa datos mula sa PhilHealth, hanggang nitong March 31, 2023, tanging 1,931 ang kasama sa Accredited Konsulta Providers na kabilang sa the programa na nangangailangan ng 5,014.
“Napakahalaga po ng proyektong ito ng PhilHealth dahil sa pamamagitan nito mabibigyan natin ng serbisyo ang ating mga kababayan lalo na sa mga lugar na hindi madali ang access sa primary healthcare,” dagdag ng mambabatas.
Sa ilalim ng PhilHealth Circular 2020-0022, sakop ng Konsulta Package ang individual-based health services tulad ng initial at follow-up primary care consultations, health screening and assessment, at access sa ilang diagnostic services at gamot.
Una nang naghain ang kongresista, vice chairman ng House Committee on Health, ng House Bill 430 na nagsusulong sa pagbibigay ng libreng annual medical checkups sa mga Pilipino kabilang na ang blood sugar at cholesterol tests (Ara Romero)