SA Marites University na nagpaunlak ng kanyang unang interview si Yorme Isko Moreno simula nang siya ay maging regular host na ng revamped ‘Eat…Bulaga!’
Sinagot naman ni Yorme ang halos lahat ng tanong na ibinato namin sa kanya. At malinaw rin na nailahad niya na Tuesday last week, after sa unang araw na umere ang mga bagong host ng ‘Eat…Bulaga!’ siya nakatanggap ng tawag, nakipag-meeting sa mga Jalosjos.
Obviously, maganda ang naging pag-uusap nila kaya naman simula noong Sabado last week, napapanood na nga siya sa GMA noontime show, lalo na sa segment na “G sa Gedli.”
Nagpasintabi rin daw siya kina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon na siya ay magiging bahagi na ng revamped show sa pamamagitan ng kanilang common friend, bilang respeto rito.
Ayon kay Isko, “Well, I’m honored and I’m humbled with the opportunity,” simulang pahayag niya.
“Mahirap fill-up-an ang naibigay na legacy ng Tito (Sotto), Vic (Sotto) and Joey (de Leon) sa buhay nating mga Filipino, sa Pilipinas at sa 44 years, we have to give it to them. It’s really a big challenge na sumuot sa sapatos nila.
“Hindi man natin mapantayan, but ang importante, yung magpatuloy ang pagpapasaya sa tao at pagtulong sa tao through Eat… Bulaga!, GMA-7, Kapuso.”
Sa kabila ng mga negatibong komento na natatanggap ng ‘Eat… Bulaga!’ ngayon, yung naging pagpasok niya rito ay masasabing mas maraming tiningnan naman ito na positibo.
“Well, una, work is work,” sabi niya.
“Kahit naman ang mga kababayan nating Filipino, kapag binigyan ng opportunity na makapag-trabaho, magta-trabaho rin sila. It has nothing to do na mga personal na hindi pagkakaunawaan, that’s one.
“And hindi mo rin naman masisisi ang mga kababayan nating Filipino kasi, ano ‘yan, e, maraming adjustment. Maraming mga pagbabagong mangyayari, e, meron tayong nakasanayan. Yung adjustment, it takes time and I believe in that. That’s why, with TAPE, Incorporated, the Management team, the Creative team and the artists, we’re really trying to come-up with a good noontime show.”
Kung may mensahe man siya sa manonood, maging sa mga netizens, “hindi namin aagawin sa puso’t-damdamin ninyo ang TVJ, in every Filipino’s hearts, even abroad, nakasulat ‘yan. But I hope, you’ll give us a chance. In our little way, we’ll do our best.”
***
NAPAKA-BONGGA nang ginawang pag-welcome o pagkilala sa Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa ginanap na 40th anniversary event ng POLICE eyewear and watch sa Tokyo, Japan.
Nakita namin ang naging set-up at kung paano rin, rubbing elbows ito sa ibang mga Global Police ambassadors.
Si Dingdong nga ang una at nag-iisang Global Filipino ambassador ng naturang brand. At sa naturang event, ang isinama ng actor ay ang kanyang misis, ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Simula nang mag-pandemic, bihira na lang halos silang nakalalabas ng bansa, bilang proteksiyon pa rin sa kanilang dalawang anak na sina Zia at Sixto. Kaya parang breather na rin sa kanila ang nangyari. Lalo pa nga’t pareho na silang mga busy sa kanilang mga primetime series sa GMA-7.
Magsisimula na ang “Royal Blood” ni Dingdong sa Lunes sa GMA Telebabad at magsisimula naman si Marian ng taping sa kanyang pagbabalik primetime series na “Against All Odds.”
Bukod pa rito, though, wala pang official announcement, may lumabas na balita na sisimulan na rin ang shooting ng kanilang MMFF movie na ang title raw ay “Rewind” under ABS-CBN Films’ Star Cinema, APT Entertainment at Agosto Dos Pictures.
(ROSE GARCIA)