“WALANG PAGSISISI.”
Ito ang naging tugon ni Presidential Communications Secretary Jay Ruiz nang tanungin sa isang press briefing sa Malakanyang kung nagsisisi na ba ito ngayon na tinanggap ang nasabing posisyon matapos na paratangan na nakasungkit siya ng P206-million deal sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa page-ere ng lotto draws sa state-run IBC 13.
Ang usaping ito kasi ayon kay Ruiz na malinaw na ‘demolition job’ ay nagdulot ng epekto sa kanyang pamilya.
“Walang pagsisisi. Ako po ay nandito para magsilbi, to serve our people, iyon lang,” aniya pa rin na ang tinutukoy ay pagtanggap niya ng posisyon bilang PCO Secretary sabay sabing “totoo po iyan, wala naman akong—ano ang makukuha ko dito? Pagpasok ko dito ang unang gagawin, reform, streamline, eh di magkakaroon ka ng maraming kaaway, iyong mga mawawalan ng posisyon. Iyong mga maapektuhan, mahirap. Tinanong nga ako, kaya mo ba, Jay? Inisip ko, gusto ko ba ito? Nanahimik ako eh, I live a stress-free life already, then I was focus on the business.”
Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Ruiz hindi na nakarating sa kaalaman pa ni Pangulong Marcos ang isyung ito. Iyon nga lamang ay nakarating ito sa kaalaman ng kanyang nanay na 78 taong gulang, may heart disease at na-high blood pa at sa kanyang pamilya.
“Ito lang po, nakarating lang sa nanay ko, nakarating sa asawa ko at nakarating sa anak ko, iyon iyong mahalaga. Kaya ginagawa ko ito, para sa kanila, I owe it to them to explain. Kasi ang hirap naman, baka ma-bully sa school eh ‘di ba? Kasi, wala naman silang kinalaman dito, kaya please lang ha, ito na talaga, kapag pinakita iyong mga mukha ng anak ko, please huwag isasama iyon ha, okay lang ako, walang problema. Pero not my family, please lang, hindi sila kasama dito,” ang pahayag ni Ruiz.
“Kasi iyon nga iyong security concern ko lang, iyong security concern, huwag na iyon, hindi pupuwede iyon,” ang diing pahayag ni Ruiz. (Daris Jose)