• April 21, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 7th, 2025

5 wanted na ‘rapist’, nalambat sa manhunt ops Caloocan

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments

HIMAS-REHAS ang limang lalaki na pawang akusado sa kaso ng panggagahasa matapos masakote ng pulisya sa pinaigting na manhunt operations kontra wanted persons sa Caloocan City.

Dakong alas-11:20 ng gabi nang makorner ng tumutugis na mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals sa Jasmin St., Bicol Area, Brgy., 175, ang 20-anyos na construction worker na akusado at nakatala bilang Top 6 Most Wanted Person sa lungsod.

Hindi na nakapalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng pinagsamang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section at Sub-Station 11 ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ma. Teresa De Guzman Alvarez, ng Caloocan City RTC Branch 131, para sa two counts of rape noong February 17, 2025 na walang inirekomendang piyansa

Alas-12:10 ng tanghali nang bitbitin ng mga operatiba ng NPD-DIDMD sa pangunguna ni PCMS Fernando Cortez Jr ang 24-anyos na akusado sa Brgy., 176, Bagong Silang sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Glenda K. Cabello-Marin, ng Branch 124, RTC ng Caloocan City, noong November 7, 2019 para sa kasong Rape na may inirekomendang piyansa na P200,000.

Sa Brgy., 176, Bagong Silang parin, inaresto ng mga tauhan ng SS12 ng CCPS ang 24-anyos na lalaki bandang alas-11:00 ng gabi, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape na inisyu ni Presiding Judge Lyn L. Llamanares-Gonzalez, ng RTC Branch 120, San Jose Del Monte, Bulacan, noong January 3, 2024, na walang inirekomendang piyansa.

Dinampot ng pinagsamang mga tauhan ng WSS at SS5 ng CCPS sa Brgy. 146, Bagong Barrio dakong alas-11:10 ng gabi ang 24-anyos na lalaki na nakatala bilang Top 5 MWP sa lungsod sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Caloocan City RTC Branch 124 noong December 27, 2024 para sa two counts of sexual assault in relation to Section 5(B) of RA 7610 at rape.

May inirekomendang piyansa ang korte na P360,000 para sa sexual assault subalit, walang inirekomendang piyansa para sa rape.

Habang nadakip sa joint operation ng mga operatiba ng DSOU-NPD, DID-NPD at RIU-NCR sa Kabatuhan Road, Deparo dakong alas-8:00 ng gabi ang 52-anyos na mister sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Caloocan City RTC Branch 131 noong January 27, 2025 para sa four counts of rape na walang inirekomendang piyansa.

Pinuri ni P/Col. Si Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang hindi natitinag na pangako ng mga operatiba sa pagsubaybay at paghuli sa mga akusado, na nagpapatibay sa dedikasyon ng NPD sa pagtataguyod ng hustisya at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. (Richard Mesa)

‘DEMON’ CHILD SEX TRAFFICKER NA SI TEDDY MEJIA, CONVICTED NA

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments

IKINAGALAK ni dating kalihim at ngayo’y tumatakbo sa pagka-senador Atty. Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang conviction ng tinagurian niyang “demon” child sex trafficker na nanggahasa ng may 111 menor de edad.

 

Ayon kay Brig. Gen. Portia Manalad, direktor ng Women and Children Protection Center (WCPC), na kasama ni Abalos sa United Arab Emirates noong Setyembre ng nakaraang taon para arestuhin si Teddy Jay Mojeca Mejia, na umaming guilty ang child trafficker sa naging paglilitis ng Branch 88 ng Nueva Ecija at Branch 29 ng Nueva Vizcaya.

 

Ikinuwento ni Manalad na sinimulan ng WCPC noong panahon ni dating kalihim Abalos ang imbestigasyon laban kay Mejia noong 2023 matapos matuklasan ang isang Telegram channel na nagbebenta ng child exploitation materials. Kalaunan, natunton si Mejia sa United Arab Emirates (UAE), ngunit naging hamon ang kanyang paghuli dahil sa internasyonal na saklaw ng kaso.

 

Binigyang-diin ni Manalad ang mahalagang papel ni Abalos sa matagumpay na operasyon laban kay Mejia.

 

“Humingi kami ng tulong sa DILG, at sa kabutihang-palad, si Sec. Abalos ay nagbigay ng suporta gamit ang kanyang koneksyon sa Ministry of Interior ng UAE,” ani Manalad.

 

“Malaking bagay ang kanyang direktang pakikipag-ugnayan sa kanila upang maisakatuparan ang operasyon.”

 

Ayon kay Manalad, matagal ng adbokasiya ni Abalos ang proteksyon ng mga bata laban sa online exploitation.

 

“Binigyan ko ng utos ang ating mga ahensya na tutukan ang online exploitation and abuse of children. Naging prayoridad ito ng gobyerno, lalo na sa DILG,” ani Manalad.

 

Nasakote si Mejia sa UAE noong Setyembre at inuwi sa Pilipinas sa tulong ni Abalos at ni Gen. Manalad matapos ang koordinasyon sa UAE at Interpol. Nahaharap siya sa mga kasong qualified trafficking, statutory rape, at paglabag sa Republic Act No. 9802 at Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

 

Natukoy na 111 menor de edad, kabilang ang mga bata mula sa Taguig City na nailigtas noong Setyembre 9, 2024, ang naging biktima ni Mejia. Lumabas din sa imbestigasyon na mayroong 9 na bansa na nagkaroon ng access sa kanyang ilegal na materyales

 

Tinawag ni Abalos si Mejia na isang “demonyo” na sadyang nagta-target ng mga batang matatalino at mahiyain. “Isipin mo, 9 years old, 10, 11 musmos na musmos ang mga batang ito. Kapag ayaw na ng bata, tinatakot niya sila gamit ang mga pekeng hubad na larawan,” ani Abalos.

 

Dahil sa insidenteng ito, muling nanawagan si Abalos sa mga bansa na magpasa ng batas na magpaparusa hindi lamang sa mga gumagawa ng ganitong materyales kundi pati na rin sa mga nanonood at nagda-download ng child exploitation materials.

 

“Ang hindi alam ng marami, ang bawat click sa ganitong materyales ay isang paglapastangan at panggagahasa ng maituturing. Ang bawat bansa ay may responsibilidad na protektahan ang mga bata at dapat tayong makiisa sa pagpasa ng batas na magbabawal sa ganitong gawain,” aniya.

 

Bilang bahagi ng kanyang kampanya laban sa online child exploitation bago umalis sa puwesto upang tumakbo sa pagkasenador, naglabas si Abalos ng Memorandum Circular 2024-140 na nag-aatas sa lahat ng local government units na bumuo ng kanilang sariling ordinansa laban sa online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC) at child sexual abuse or exploitation materials (CSAEM), alinsunod sa Republic Act 11930.

 

Sinabi naman ni Manalad na dahil sa ginawang pagkaaresto kay Mejia, nagkaroon na ng malinaw na programa ang mga lokal na pamahalaan kasama ang mga barangay. “Mas naging aktibo sila upang mabigyan ng awareness at magkaroon ng mga referral mechanism kung saan pwedeng mag-report sa mga barangay. Kasi sa barangay, mas komportable at mas kilala ng mga bata kaya mas komportable silang magbigay ng impormasyon,” ayon kay Manalad. (PAUL JOHN REYES)

Jobless Pinoy sumirit sa 2.16 milyon

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments

TUMAAS nang may 2.16 milyon ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa pagsisimula pa lamang ng 2025 o nitong Enero, batay sa Philippine Statistics Authority’s (PSA) Labor Force Survey.

Sinabi ni Deputy National Statistician at PSA Assistant Secretary Divina Gracia del Prado, ang mga jobless individual ay may edad 15 pataas. Mas mataas ito sa 1.63 million unemployed individuals noong December 2024.

Sa naturang percentage, nasa 50.65 million Filipino sa labor force ang aktibong humahanap ng trabaho at pagkakakitaan sa naturang period. Ang bilang ng jobless persons para sa unemployment rate ay 4.3%, mas mataas sa 3.1% month-on-month.

Sa unemployment rate na 4.3% ay nangangahulugan na 43 sa bawat 1,000 indibidwal ay walang trabaho o walang pinagkakakitaan noong Enero 2025.

Bumaba rin ang mga taong may hanapbuhay sa nasabing panahon sa 48.49 milyon mula sa 50.19 milyon noong Disyembre 2024.

Sinabi naman ni Del Prado na karaniwang tumataas ang employment rate tuwing Disyembre dahil sa panahon ng Kapaskuhan at bumababa pagsapit ng Enero dahil sa pagbaba ng demand para sa mga manggagawa.

Obiena tututok sa outdoor tilt

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments

SESENTRO ang atensiyon ni two-time Olympian EJ Obiena sa outdoor tournaments matapos mabigong makapasok sa 2025 World Indoor Championships na idaraos sa Marso 21 hanggang 23 sa Nanjing, China.

May ilang torneo pa na qualifying tournament para sa World Indoor Cham­pionships subalit wala na ito sa kalendaryo ni Obiena.

“Even though there is still time to qualify for the World Indoor Championships, there are no more competitions left for me to participate,” ani Obiena.

Kaya naman nais na lamang ni Obiena na itutok ang kanyang preparasyon para sa outdoor events.

Sasabak pa si O­biena sa Mondo Classic sa Marso 13 subalit hindi na ito pasok sa qualifying tournament para sa World Indoor Championships na magsisimula sa Marso 12.

“The last competition was on the 16th of F­ebruary in Torun, Poland and the next one that I got is Mondo Classic on the 13th of March, which is already outside the qualification period. I can promise you all that my team and I have scoured the calendar for possible competitions but no luck. With this I would inevitably miss the cham­pionships,” ani Obiena.

Huling nasilayan sa aksyon si Obiena sa Orlen Copernicus Cup sa Torun, Poland kung saan nasungkit nito ang ginto tangan ang 5.80 metro na naitala nito.

Importante rin para kay Obiena ang outdoor tournaments dahil sasabak ito sa World Championships, Asian Championships at SEA Games

James gumawa ng NBA history

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments

TUMAPOS si LeBron James na may 34 points at naging unang player sa NBA history na umiskor ng 50,000 combined points sa regular season at playoffs sa 136-115 paggiba ng Lakers sa New Orleans Pelicans.

Iniskor ng 40-anyos na si James ang kanyang ika-50,000 points matapos isalpak ang isang three-pointer sa first quarter kasunod ang standing ovation ng kanyang mga fans.

Patuloy ang pagbandera ni James sa all-time scoring list kasunod si le­gend Abdul-Jabbar na may 44,149 combined points.

Humakot si Luka Doncic ng 30 points, 15 assists at 8 rebounds para sa ika-17 panalo ng Los Angeles (39-21) sa huling 20 laro para sa second place sa Western Conference.

Sa Chicago, nagsalpak si Donovan Mitchell ng 28 points at kumolekta si Jarrett Allen ng 25 points at 17 rebounds sa 139-117 pagmasaker ng NBA-best Cleveland Cavaliers (51-10) sa Bulls (24-38).

Sa Phoenix, bumira si Kevin Durant ng 34 points at may 17 markers si Devin Booker sa 119-117 paglusot ng Suns (29-33) sa LA Clippers (32-29).

Sa New York, tumirada si Stephen Curry ng 28 points sa 114-102 panalo ng Golden State Warriors (34-28) sa Knicks (40-21).

Sa Atlanta, humakot si Giannis Antetokounmpo ng triple-double na 26 points, 12 rebounds at 10 assists sa 127-121 pagdakma ng Milwaukee Buck (35-25) sa Hawks (28-34).

Mandaon Pamasayan Festival 2025

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments
NAGPAKITA ng kanilang galing at talinto sa street dance competition habang nakasuot ng makukulay na costumes ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan na sakop ng Munisipalidad ng Mandaon, sa lalawigan ng Masbate, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ‘Pamasayan Festival 2025’ sa ilalim ng pamumuno ni Mayor TinTin Hao-Kho kung saan nagwagi dito ang CAAMSH.
          Ang Pamasayan Festival ay sumisimbolo sa umuunlad na industriya ng pangingisda ng Mandaon, na nakatuon sa pagsasaka ng hipon at sugpo, kung saan itinatampok ang mayamang aquatic resources ng bayan at ang kahalagahan ng mga seafood staple na ito sa lokal na ekonomiya at kultura nito. (Richard Mesa)

PBBM, nangako na magtatayo ng bagong tulay sa Isabela, lumang disenyo ‘very weak’

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments
NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magtatayo ng bagong tulay sa Isabela province, kasunod ng pagguho ng Cabagan-Sta. Maria Bridge kamakailan.
Ang commitment na ito ni Pangulong Marcos ay matapos inspeksyunin ang gumuhong tulay, sabay sabing ang lumang disenyo ay “poor” at “really weak.”
Aniya, ang original budget para sa konstruksyon ng tulay ay P900 milyon subalit tumaas sa P1.2 bilyon dahil sa ‘retrofitting.’
“Ang puno’t dulo nito design flaw. It is a design flaw. Mali ang design. Ang history kasi nito, dapat ang funding nito was supposed to be ang project cost nito is PHP1.8 billion. So, binawasan under PHP1 billion para makamura. Ayan, inayos ngayon, ginawa ngayon ‘yung detail design. Design is basically really weak,” ang sinabi ng Pangulo.
“We have no choice. We have to go back. So, nung nagtitipid tayo, tinipid natin sa PHP1.8 billion, useless. Ngayon, babalik na naman tayo. Gagastos na naman tayo. Papalitan na naman natin. Parang nagtayo na naman tayo ng bago,” aniya pa rin.
At nang tanungin kung sino ang dapat na managot sa pagguho ng tulay, winika ng Pangulo na pagtutuunan muna niya ng pansin na ayusin ang problema.
“You know, I always have the saying: Fix the problem, not the blame. Ayusin muna natin ‘yung problema. Believe me, you’ll find out who is responsible. Who is responsible is basically who made the design because the design is poor. And then also, those trucks should never have been on the bridge,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Sa ulat, ang Cabagan-Santa Maria Bridge ay sinimulan ng DPWH noong Nobyembre 2014 at natapos nito lamang Pebrero 2025, kung saan ang kabuuang halaga ng proyekto mula sa tulay at approaches ito ay may pondong P1,225,537,087.92.
Ang contractor ng tulay ay ang R.D. Interior, Jr. Construction.
Ayon kay Pangulong Marcos, sinunod naman ng contractor ang plano at ang construction work ay ginawa alinsunod sa libro, hanggang sa specification.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na mayroong problema sa disenyo dahil mali ang specification.
“Ito lang ang suspension bridge na nakita ko sa buong mundo na hindi kable at iyan na mismo ang bumigay. Bumigay ang bakal. Kung kable iyan, hindi dapat bumigay iyan. Tapos yung pag-anchor ng support, tignan niyo, doon lang sa baba. Dapat sa taas iyan., hanggang sa taas,” ang sinabi ng Pangulo. ( Daris Jose)

Busway, mananatiling operational sa gitna ng Edsa rehab

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments
MANANATILING operational ang Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) Busway habang isinasagawa ang rehabilitasyon ng mga daanan na magsisimula ngayong buwan.
Tiniyak ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa mga mananakay na magpapatuloy ang pagtakbo ng bus carousel sa kabila ng ‘roadworks at pagkukumpuni.
“Iyon pong bus carousel po natin, tuluy-tuloy pa rin po iyan. Ang mangyayari lang po ay aayusin kung papaano ito hindi maka-cause ng traffic, pero tuluy-tuloy po iyan, hindi po iyan ihihinto para sa ating mga commuters,”ang sinabi ni Castro.
Samantala, ang EDSA rehabilitiation project na kinabibilangan ng ‘road repairs at drainage improvements’ ay bahagi ng solusyon ng pamahalaan na pagaanin ang traffic congestion at pagbaha sa kahabaan ng isa sa pinaka-abalang daanan sa Kalakhang Maynila.
Nangako naman ang mga awtoridad na tatapusin ang proyekto bago ang nakatakdang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit sa taong 2026. ( Daris Jose)

PBBM, hindi mag-aatubiling i-ban ang PIGO’s kung matutuklasan na magiging sanhi ng kahalintulad na problema dala ng POGOs

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments
HINDI MAG-AATUBILI si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipag-utos ang ‘total ban’ sa Philippine inland gaming operators (PIGOs) kung matutuklasan na magiging sanhi ng kahalintulad na problema ang dahilan ng pagsasara ng Philippine offshore gaming operators (POGOs).
Tiniyak ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa publiko na mahigpit na nakamonitor ang gobyerno sa situwasyon at nagsasagawa ng pag-aaral para i- assess ang epekto ng PIGOs o local online gambling sa bansa.
“As of now, napag-aralan po and may continuing study po ang ginagawa natin patungkol po sa PIGO,” ang sinabi ni Castro.
Nagsasagawa na rin ng pagkukumpara sa pagitan ng POGOs at PIGOs para madetermina kung may mga usapin na umuusbong sa huli na kahalintulad ng sa una.
“Pero as of now, lumalabas po sa pag-aaral ay hindi po ito nakakagawa ng krimen – hindi siya nagiging cause or hindi siya iyong nagiging dahilan iyong PIGO para makagawa ng krimen,” ayon pa rin kay Castro.
Tinukoy naman ni Castro ang ilang mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng POGOs at PIGOs, sabay sabing ang POGOs ay tipikal na nagha-hire ng mga foreign workers habang karamihan sa nagta-trabaho sa PIGOs ay mga Filipino, may 90% ng kanilang mga trabahador ay pawang mga lokal.
Binigyang diin ni Castro ang economic benefits ng PIGOs, sabay sabing hindi kagaya ng POGOs, mayroong mga isyu ukol sa tax compliance, ang PIGOs ay may mahalagang kontribusyon sa Philippine economy sa pamamagitan ng mga buwis at marketing expenditure sa loob ng bansa.
Gayunman, nilinaw ni Castro kung ang PIGOs ay nakagawa na sa simula pa lamang ng mga isyu na nag-uugnay sa POGOs, hindi aniya mag-aatubili ang Pangulo na magpatupad ng total ban.
“Kung mangyayari ulit iyong nangyari sa POGO dito sa PIGO, hindi po mag-aatubili ang Pangulo na magkaroon din po nang total ban sa PIGO pero siyempre kakailanganin po natin ng data patungkol dito ,” aniya pa rin.
Matatandaang, Hulyo ng nakaraang taon ay naging malakas ang hiyawan sa Batasang Pambansa nang opisyal nang ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa PAGCOPR ang pag-ban ng mga POGO sa bansa.
Sa kanyang naging talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na naririnig nila ang malakas na hiyaw ng taumbayan pagdating sa POGO.
Aniya, kailangan nang tuluyan nang itigil ang paglalkapastangan nito sa bansa.
Kaugnay nito – inanunsyo na ng Pangulo ang pagpapatigil sa operasyon ng mga POGO.
Kasabay ng kautusan na busisiin ang baho na mayroon ang POGO, inatasan din niya ang DOLE na i-assist ang mga Pilipinong mawawalan ng trabaho dahil sa hakbang na ito. ( Daris Jose)

Pinas, nakatakdang makakuha ng $1-billion World Bank loan para sa agri

Posted on: March 7th, 2025 by Peoples Balita No Comments
INAASAHAN na lalagdaan ng Pilipinas ngayong Hulyo ang record-high $1-billion loan agreement (mahigit sa ₱57 billion) mula sa World Bank para pondohan ang agricultural transformation program.
Sa katunayan ayon sa Department of Agriculture (DA) ay nakipagdayalogo na si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel kay World Bank Country Director Zafer Mustafaoğlu noong nakaraang buwan para repasuhin ang progreso ng kasunduan.
Muling pinagtibay naman ni Mustafaoğlu ang commitment ng bangko na magbigay ng pondo para sa Philippine Sustainable Agricultural Transformation (PSAT) loan program.
Ang dokumentong inilathala sa website ng World Bank ay nagpapahiwatig na ang PSAT ay may pagtataya na gagastos ng $20 billion (mahigit sa ₱1.1 trillion), kung saan babalikatin ng Philippine government ang $11.895 billion (mahigit sa ₱683 billion) mula sa $12.8975 billion (mahigit sa ₱741 billion) operation cost.
Sa $1-billion funding ng World bank, nangangahulugan na magkakaroon ng financing gap na $2.5 million.
Sinabi pa ng Washington-based multilateral lender na noong nakaraang taon, nakatakdang aprubahan ng board ang loan sa Hunyo 5 ngayong taon.
Ang paglagda sa pagitan ng dalawang partido ay nakaplano ngayong Hulyo. Hindi naman nagbigay ng eksaktong petsa ang DA. Sinasabing dapat na sumabay ito sa 4th State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa oras na malagdaan, tanda na ito ng unang proyekto ng Pilipinas sa ilalim ng World Bank’s Program-for-Results (PforR) financing framework.
Sa kabilang dako, ang Department of Finance (DOF), ang ahensiya na responsable naman sa financial resources ng gobyerno ay manghihiram sa ngalan ng DA, implementing agency ng gobyerno.
Ang PSAT, na aabot ng limang taon ang operasyon, ay nakatakda namang ilunsad sa Agosto.
Sa kabilang dako, layon ng DA-led program na palakasin ang agri-fishery sector ng bansa sa pamamagitan ng “targeted support” sa agri-food systems, kabilang na ang ‘climate-responsive strategies, policy reforms, diversification, at palakasin ang fiscal management.’
“PSAT aims to improve the efficiency of government spending while ensuring sustainable outcomes by building institutional capacity and strengthening governance,” ang sinabi ng departamento.
Sa pakikipagpulong pa rin ni Tiu Laurel kay Mustafaoğlu, pinag-usapan din ng mga ito ang $15-million grant na popondohan ng United Kingdom (UK) sa ilalim naman ng Technical Assistance for Sustainable Agricultural Transformation (TASAT).
“TASAT will support the DA’s implementation of PSAT by enhancing internal audits, evaluating resource use alternatives, assessing sectoral transformation, and expanding the availability of improved planting materials for high-value crops,” ayon sa ulat.
Ang supplementary funding ay ie-endorso ng DOF at National Economic and Development Authority (NEDA) sa pamamagitan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Tiniyak naman ni Tiu Laurel na ipagpapatuloy ng departamento ang pakikipagtulungan sa World Bank upang matiyak ang napapanahong pagsasagawa ng PSAT.
“This multiyear loan from the World Bank will provide us with the critical resources needed to advance the government’s food security agenda and promote sustainable agriculture,” ang sinabi ni Tiu Laurel.
Sinabi pa niya na maisusulong ng PSAT ang mga pangunahing development sa mga lugar na makatutulong na iangat ang buhay ng milyong Filipino na umaasa lamang sa pagsasaka at pangisdaan.  (Daris Jose)