KASUNOD ng marching order mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin pa ng Bureau of Customs (BOC) ang operasyon laban sa rice smugglers at hoarders.
Ito ay matapos ang kanilang pagkakasabat sa tinatayang P519 milyon halaga ng hinihinalang puslit na bigas sa ilang bodega sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Customs Commissioner Bien Rubio, nasa 154,000 sako ng imported rice grains at 60,000 sako ng palay ang nadiskubre sa ininspeksyong na apat na warehouse sa lalawigan.
Bukod kay Rubio, ang inspection team ay binubuo rin nina Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy, Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Verne Enciso, mga elemento ng CIIS sa Manila International Container Port (MICP) at Philippine Coast Guard (PCG) Task Force Aduana kasama sina House Speaker Martin Romualdez at Reps. Erwin Tulfo, Wilfrido Mark Enverga, at Ambrosio Cruz Jr.
Mismong si Commissioner Rubio ang lumagda at nag-otorisa ng inspeksiyon sa mga bodega sa Bulacan, na isinagawa isang linggo lamang matapos ang inspeksiyon sa isa pang batch ng mga bodega sa naturang lalawigan, kasama rin ang House Speaker at mga mambabatas.
Sinabi ni Uy na nakatanggap sila ng derogatory information hinggil sa mga bodega kaya’t mabilis na umaksiyon para beripikahin ito para sa kaukulang paglalabas ng LOAs.
Para naman kay Enciso, ang kahanga-hangang resulta ng mga naturang operasyon ay higit pang magpapasigla sa ahensiya upang tuluyan nang matuldukan ang rice smuggling sa bansa.