• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 18th, 2020

Siklista ng GFG, papadyak sa 10th Ronda Pilipinas 2020

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MASISILAYAN ang tikas ng Go for Gold Cycling Team sa pagpedal sa LBC Ronda Pilipinas 10th Anniversary Race na magsisimula sa Pebero 23 sa Sorsogon at matatapos sa Marso 4 sa Vigan, Ilocos Sur.

 

Irarrampa ng GFG ang mga batang siklista upang harapin ang hamon ng mga beterano buhat sa mga tigasing kaponan katulad ng Standard Insurance Navy at 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines.

 

Gagabay sa ‘Go ..’ si skipper at veteran cyclist Ronnel Hualda kasama ang mga batang sina Daniel Ven Carino, Jonel Carcueva, Isamel Grospe, Jr., Jericho Jay Lucero, Marc Ryan Lago, Ronnilan Quita at Rex Luis Krog.

 

“The guys have improved since we first took them and while our target is modest this year, I will not be surprised if we will give the favored teams serious challenge,” sambit sa OD ni Go For Gold coach at team manager Eds Hualda.
Ayon kay Hualda, nakapokus ang team sa misyong makatuklas at makahubog ng mga bagong talento na maaring maging parte ng national cycling team sa hinaharap.

 

“That has been the goal by GFG since the team was first formed. And we will never stop until we find and make them champions,” wakas na pahayag ani Hualda.

 

Ihahatid ang 10-stage race ng LBC at sa mga pagsuporta ng Manuel V. Pangilinan Sports Foundation, Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX/SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling. (REC)

Nierba sasakmal, pangil ng NU Lady Bulldogs

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

HANDA na ang National University Lady Bulldogs sa pagtrangka nina Jennifer Nierva at Ivy Lacsina sa UAAP Season 82 Women’s Indoor Volleyball Tournament na nakatakda na sanang nagsimula nitong Sabado pero naatras sanhi nang panganib ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

 

Magiging lider na ang dalawang veteran volleybelle na nahasa na sa mga naging karanasan sa larangan ng ilang taon at nakasungkit na rin ng kampeonato nang nasa junior team pa lang sa liga.

 

May kislap ang rotation ng team ngayong taon, pero namemeligrong maudlot dahil sa pagliban ni setter Joyme Cagande sa ACL tear. Natengga na siya sa nakaraang edisyon sa high-grade ACL.

 

May butas man ang koponan, puwedeng pasakan nang nagbabalik na beteranang si Risa Sato bakanteng posisyon ni Roselyn Doria. Puntos din sa koponan ang Fil-Japanese middle blocker sa pagiging isang high-caliber player.

 

Bukod dito’y sariwa pa siya sa mga sinalihang volleyball club gaya ng BaliPure Purest Water Defenders at Creamline Cool Smashers sa nakaraang Nobyembre sa 3rd Premier Volleyball League Open Conference.

 

“With the NU women’s volleyball team naman we’re very excited to play the second day of UAAP,” reaksyon ni NU assistant coach Regine Diego. “Na-experience na ng mga rookie namin last year iyong laro, so hopefully they play better now specially they have a 14th-man line-up.”

 

“Also we just want to enjoy this eh kasi hindi naman kami nag-eexpect a lot, kung saan kami abutin at kung saan iyong prinactice namin at naghanda – dun sana kami umabot,” wakas niya. (REC)

Social Services One-Stop Shop, binuksan sa Navotas

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PARA mapadali ang pagkuha at pagbibigay ng social services o mga serbisyong tumutugon sa kapakanan ng publiko, pinasinayaan ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang social services one-stop shop sa Navotas City Hall compound.

 

Pinangunahan ni Mayor Toby Tiangco, kasama sina Congressman John Rey Tiangco at iba pang opisyal ng lungsod at barangay, ang pagbabasbas at ribbon-cutting ng NavoServe sa Navotas City Hall Annex.

 

“Ang mga taong dumudulog sa city hall at kumukuha ng social services ay mula sa mahihirap na sektor ng ating komunidad. Upang maibsan kahit kaunti ang kanilang mga pasanin, kailangan nating siguruhin na nakukuha nila ang tulong na kanilang kailangan sa komportable, madali at maginahawang paraan,” ani Mayor Tiangco.

 

Sa kabilang banda, pinaalalahanan ni Cong. Tiangco ang mga kawani ng pamahalaang lungsod na palagiang maglingkod nang may pagmamalasakit at pagkalinga.

 

“Karaniwan sa mga taong pumupunta dito upang humingi ng tulong ay hirap sa buhay. Sikapin natin na mapaglingkuran sila nang may respeto at pagkalinga,” aniya.

 

Sa NavoServe pinoproseso ang mga dokumentong kailangan sa pagkuha ng tulong mula sa pamahalaan, kasama dito ang sertipikasyon mula sa City Information and Communications Technology Office (ICTO), certificate of indigency, at social case study.

 

Makukuha din dito ang mga serbisyong tulad ng Navotas Hospitalization Program (NHP); medical assistance mula kay Mayor Tiangco; Commission on Higher Education (CHED) educational assistance and medical assistance mula kay Cong. Tiangco; pagproseso ng senior citizens and persons with disability (PWD) ID at booklet; at burial assistance.

 

Ang one-stop shop ay tumutugon din sa mga senior citizen na kumukuha ng kanilang P500 NavoRegalo at sa mga PWD na mag-aaral na kumukuha ng kanilang educational assistance. (Richard Mesa)

KAHIRAPAN, MALALA SA VIRUS

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MAHIGIT limang milyong manggagawa sa bansa ang apektado ng coronavirus disease (COVID-19), kabilang sila sa mga nagtatrabaho sa in-dustriya ng turismo.

 

Napag-alaman na marami na ang nagkansela ng hotel bookings sa iba’t ibang tourism destination sa Pilipinas. Pinakamatinding apektado ang isla ng Boracay kung saan aabot nang hanggang 60 porsiyento sa mga hotel booking ang kinansela ng mga turista.

 

Pumapangalawa ang Bohol, na isa sa mga lugar na binisita ng ikalawang confirmed case ng COVID-19 sa bansa.
Ang mga hotel naman sa Cebu ay lugi na umano ng P100 milyon mula nang ipinatupad ang travel ban sa China, Hong Kong, Macau at Taiwan.

 

Samantala, may mga kumpanyang specialized sa China markets ang pansamantalang hindi muna nag-o-operate habang may ilan naman na tuluyan nang nagsara.

 

At sa mahigit limang milyong manggagawa, isipin na lang natin kung gaano pa karami ang pamilyang apektado. Paano na ang pang-araw-araw na pagkain, gastos sa eskuwela at iba pang pangangailangan?

 

Malinaw na hindi lang COVID-19 ang dapat nating labanan kundi maging ang banta ng kahirapan.

 

Kailangan nang makaisip ng mga alternatibong mapag-kakakitaan. Hindi naman problema ang abilidad dahil likas sa ating mga Pinoy ang pagiging madiskarte. Ang kailangan lang sa ngayon ay oportunidad at suporta mula sa ating gobyerno.

Babae binastos ng manyak, nilamas ang dibdib sa bus

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Pinatunayan ng video na kuha ng isang netizen na kahit anong suot ng isang babae ay hindi ito ligtas sa mga manyak na naglipana sa mga public vehicle.

 

Sa tweet ni @tabanats, ipinakita nito ang panghihipo ng isang lalaking nakatabi niya sa bus habang binabagtas ang kalsada sa Pala-Pala, Dasmariñas, Cavite.

 

Papunta ng Tagaytay ang babae nang biglang tumabi sa kanya ang isang lalaki kahit maluwag ang mga upuan sa likuran.

 

Dito na niya naramdaman na sinasanggi ng manyak ang kanyang kaliwang dibdib, na pilit iniwasan ng babae, ngunit hindi rin nagpapigil ang lalaki na hinawakan na ang dibdib nito.

 

Kaya naman niya ito binidyuhan at pinakita sa konduktor na sasapakin na sana ang manyak ngunit napigilan.
“…so dun nagsisigaw na ako and pinahiya ko na siya sa bus with my cracky voice. Pinanood ko sa konduktor yung video,, at ayun muntikan na siyang bugbugin nung konduktor at nung mga lalaki don sa loob, pero napigilan,” ayon sa biktima.

 

Dinala ang babae kasama ang manyak sa police station sa Dasmariñas, at habang nasa mobile ay nagmamakaawa ang lalaki dahil may anak daw ito na may sakit at hindi siya pwedeng makulong.

 

“VINERIFY DIN NAMIN KUNG MAY SAKIT BA TALAGA ANAK NIYA AND YES MERON NGA. Tinanong ako nung pulis kung ano gusto kong mangyari sabi ko wag na ikulong, ipa-blotter nalang,” saad pa ng netizen.
Hindi naman matanggap ng biktima kung papaano siya tingnan ng asawa ng manyak na tila siya pa umano ang may nagawa na mali.

7 sasakyan karambola sa NLEX

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Nagkabanggaan ang pitong sasakyan sa North Luzon Expressway (NLEX) nitong Linggo ng hapon. Nangyari ang banggaan sa Southbound lane patungong Metro Manila sa Mexico, Pampangan section ng NLEX.

 

Ayon kay NLEX traffic manager Robin Ignacio, nangyari umano ang karambola matapos na prumeno ang isang motorista dahilan para magkabangaan ang nakasunod dito.

 

Isang bus ang nadawit sa insidente, na naging dahilan ng kilometrong trapiko sa nasabing parte ng NLEX.

 

Makikitang yupi ang isang sasakyan na pumatong pa sa isang kotse dahil sa lakas ng impact.

 

Hindi pa batid kung ilan ang sugatan sa nasabing insidente. (Daris Jose)

Romano, 3 pabibo sa LGBA series

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

WALANG pang bahid ang kartada (3-0) ng apat na sabungero sa pagbubukas ng 2020 Luzon Gamecock Breeder Association Cocker of the Year series nitong Biyernes sa Pasay City Cockpit.

 

Mga miyembro naman ng LGBA ang pupupog sa round two sa darating na Biyernes, Pebrero 21 samantalang sa Pebrero 28 ang grand finals ng pasabong na ito.

 

Ipinahayag nitong Linggo ni LGBA president Nick Crisostomo, na isang seven-cock derby ang opening leg na mga inaayudahan ng Sagupaan Superfeeds at Complexor 3000.

 

Namamayagpag sina Mayor Rommel Romano ng RVR GF, Hector Magpantay ng Hammer Dewormer, Boy Tanyag ng CRB at Jimmy Junsay/Dennis Reyes/Ed Ladores/ ng Team Jared Guadalupe.

 

Humihinga sa batok nila sa 2.5 pts. ang RM San Vicente entry at may 2.0 markers naman sina Tony Antonio, Joseph Chua, Rey Magbuhos, Jimmy Junsay, Jimmy Gosiaco, Jun Sevilla, Doc Ayong Lorenzo, KMC brothers, Wilson Go, Bok de Jesus, Gerry Escalona at Rep. JB Bernos.

 

Makipag-ugnayan kina Erica at Ace sa 0945 4917474, 0939 4724206, 8843 1746 at sa 8816 6750 para sa iba pang mga detalye. (REC)

Ulat na 70K pupils ang ‘di nakakabasa, ‘exaggerated’ – Briones

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

“EKSAHERADO.” Ito ang naging tugon ni Education Secretary Leonor Briones sa ulat ng Philippine Daily Inquirer (PDI) na 70,000 na mga batang estudyante sa Bicol region ang hindi marunong magbasa ng English at Filipino.

 

Sa Laging Handa press briefing kahapon (Lunes), sinabi ni Briones na hindi nangangahulugang “no read, no write” o “illiterate” ang mga mag-aaral na sumailalim sa pag-aaral ng Bureau of Elementary Education.

 

Ayon kay Sec. Briones, ang mga sinasabing “non-readers” lalo mula Grade 1 at Grade 2 ay posibleng nakakabasa pero hindi nauunawaan ang binabasa.

 

Lumobo rin umano ang bilang dahil pinagsama ang mga “non-readers” sa English at Filipino.

 

Malaking insulto aniya ito sa mga Bikolano lalo’t isa sa kanilang paaralan ang nakakuha ng mataas na rating sa Philippine Informal Reading Inventory o Phil-Iri.

 

Maaari aniyang mayroong mga estudyante ang nahihirapan na makabasa subalit hindi lubos na nakaiintindi sa kanilang binabasa.

 

Sa kabila nito, tiniyak naman ng kalihim na magsisilbing leksyon sa DepEd ang inisyal na resulta ng Phil-Iri study para mapagbuti pa ang literacy rate sa bansa.

 

Kabilang daw dito ang assessment sa curriculum at pagsasaayos ng mga teaching equipment at materials, gayundin ang pagsasanay pa ng mga guro.

 

Bago nito, base sa pag-aaral ng PhilRi na isinagawa noong Hulyo at Agosto 2019, lumalabas na 70 percent sa mga batang estudyante ang hindi nakababasa.

 

Aabot sa mahigit 18,000 na estudyante sa Grades 3 hanggang 6 ang hindi marunong magbasa habang ang natitira ay nasa Grades 1 hanggang 2.

Ads February 18, 2020

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

TEAM LEBRON, BINIGO ANG TEAM GIANNIS

Posted on: February 18th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

EMOSYUNAL ang kapaligiran bilang paggunita sa namayapang si Kobe Bryant, ngunit nang magsimula ang aksiyon, punong-puno ng tikas ang bawat galaw at bawat isa ang may matinding paghahangad na magtagumpay sa ginanap na makapigil-hiningang 69th NBA All-Star Game nitong Linggo (Lunes, Manila time).

 

Dati ay malamya ang depensa sa mga All-Star game at tila tinuturing lang na exhibition game lalo na kapag fourth quarter, na napupuno na ng highlights at nababawasan ang pagiging competitive ng mga manlalaro.

 

Sa bagong format ng nasabing laro, kung sino ang lamang ay magdaRagdag ang mga official ng 24 points bilang tribute kay Bryant, at ‘yon ang magiging target score sa fourth quarter, kapag naabot na ang nasabing score ay iyon ang mananalo.

 

124 points ang score ng koponan ni LeBron James, 133 naman ang kay Giannis Antetokounmpo, ibig sabihin ay 157 points ang kailangan maabot ng dalawang rival team para manalo sa event.

 

Dahil sa bagong format ay natuwa ang mga NBA player dahil tila NBA finals ang kanilang napapanood na lahat ay seryoso sa laro.

 

Ipinasok ni Anthony Davis ang game-winning free throw upang ilista ang 157-155 pagdomina ng Team LeBron sa Team Giannis sa ginanap na makapigil-hiningang labanan.

 

Dito na tila nag-iba ang tema ng laro, na sa isang punto pa nang tabla sa 152-all ang iskor ay napareklamo ang Team LeBron sa tawag ng referee.

 

Si Los Angeles Clippers star Kawhi Leonard, na itinanghal bilang kauna-unahang Kobe Bryant All-Star MVP awardee, ang siyang bumuhat sa Team LeBron na humakot ng 30 points.

 

Mistulang nag-init din ang kamay ni Leonard makaraang magpakawala ito ng walong three-pointers, na isa na lamang ang kulang upang mapantayan ang All-Star record ni Paul George noong 2016.

 

Habang si Giannis Antetokounmpo naman ang sinandalan ng kanyang koponan makaraang tumabo ng 25 points.
Ibinigay ni LeBron James, na tumipon ng 23 points, sa Team LeBron ang 156-153 abanse ngunit nagmintis ang pinukol na 3-pointer ni Chris Paul.

 

Natapyasan pa ng Team Giannis sa isa ang puntos na kailangan nilang habulin nang maipasok ni Joel Embiid ang dalawa nitong free throws, 156-155.

 

Kinailangan ng winning team na maabot ang 157 points makaraang irehistro ng Team Giannis ang 133-124 cumulative lead sa loob ng unang tatlong quarters.

 

Ang target na final score ay dinetermina sa pamamagitan ng pagdadagdag ng 24 points sa iskor ng koponan na lamang sa loob ng naturang yugto, bilang bahagi na rin ng tribute kay Bryant.

 

Maliban dito, kapansin-pansin din ang suot na kulay blue na jerseys ng Team LeBron na No. 2 ang nakalagay na numero, samantalang No. 24 naman sa Team Giannis.

 

Sinasabing pagpupugay din ito para kay Bryant, na isinuot ang No. 24, at sa anak nitong si Gianna, na ginamit ang No. 2, na kapwa nasawi sa pagbagsak ng sinakyan nilang helicopter sa Calabasas, California nitong Enero 26.
Samantala, ito rin ang kauna-unahang All-Star Game mula noong 2013 na hindi naglaro si Warriors guard Stephen Curry, na nagpapagaling pa mula sa injury nito sa daliri.

 

Maging si Nets forward Kevin Durant, na hinirang na 2019 All-Star Game MVP, ay hindi rin nakasama sa line-up dahil sumasailalim pa ito sa rehabilitation makaraang mapunit ang Achilles tendon.

 

Nakakuha rin ng kabuuang $400,000 ang Team LeBron, na ibibigay nila sa Chicago Scholars.