• December 27, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 29th, 2020

CCTV SA TRANSPO VS KRIMEN

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

ISINUSULONG ang paglalagay ng dashboard camera, closed circuit television (CCTV) at global positioning system (GPS) sa lahat ng pampublikong transportasyon.

 

Bagama’t, may iba na boluntaryo nang nagkabit nito, marami pa rin ang wala. Unang-una ay ang paniwalang dagdag-gastos lang ito.

 

Pero, kapag nakalusot na ang nasabing panukalang-batas, hindi na papayagang bumiyahe ang public utility vehicle (PUV), school transport service, government service vehicle, gayundin ang transport network vehicle service (TNVS) na walang dashboard camera, CCTV at GPS.

 

Layon nitong magkaroon ng maaasahan at ligtas na public transportation system ang bansa.

 

Sa kaliwa’t kanan ba namang krimen at aksidenteng nagaganap sa mga lansangan ay tiyak na napakalaking tulong nitong mga nabanggit na equipment hindi lang para sa dokumentasyon kundi puwede ring kontra kriminal.

 

Kung lahat ng pampublikong sasakyan ay may CCTV na namo-monitor ng kinauukulan, uulitin natin, namo-monitor o nababantayan ng kinauukulan, siguradong magdadalawang-isip ang sinuman na gumawa ng masama.

 

Sa mga naunang panukala, ang mga video footage at impormasyon na makukuha mula sa dashcam, CCTV at GPS ay maaari raw tingnan at gamitin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), government personnel, legal body at korte na siyang aatasan na mag-imbestiga at maglitis sa kriminal na aktibidad at mga paglabag. Bukod dito, mananatili umanong confidential ang footages.

 

Gayunman, hindi lang naman ito responsibilidad ng mga nasa gobyerno, higit kaninuman, ito ay obligasyon nating mga drayber at operator — ang makapagbigay ng serbisyo sa mga mananakay, ang maisakay at maibaba sila nang ligtas sa kanilang destinasyon.

Kotse sumalpok sa trak: 4 patay, 1 kritikal

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

APAT katao ang nasawi at isa pa ang malubhang nasugatan nang sumalpok ang sinakyan nilang kotse sa isang trak sa bahagi ng Maharlika Highway na nasa Gumaca, Quezon, kahapon (Biyernes) ng umaga.

 

Kabilang sa mga nasawi si Joseph Dumlao, 33, residente ng Pasig City, na nagmaneho ng kotseng Mitsubishi Mirage (NCS-5879), ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

 

Nasawi rin ang mga sakay niyang sina Rozalie Soldevilla, 35; Raquel Soldevilla, 42; at Rodolfo Soldevilla, 70, pawang mga residente ng Tabuk City, Kalinga.

 

Malubhang nasugatan ang isa pang pasahero, na nakilala bilang si Roxanne Soldevilla, 25, residente din ng Tabuk City.

 

Minamaneho ni Dumlao ang kotse sa bahagi ng highway na sakop ng Brgy. Panikihan dakong alas-4:30, nang sumalpok itoo sa kasalubong na Isuzu truck (RGC-417), na noo’y minamaneho ni William Pelareja, 34, patungo sa direksyon ng Maynila.

 

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na lumipat sa kabilang lane ang kotse kaya ito sumalpok sa trak.
Dinala lahat ng sakay ng trak sa Gumaca District Hospital, pero di na umabot nang buhay si Dumlao at tatlo sa kanyang mga pasahero, ayon sa ulat.

 

Naka-confine pa sa naturang pagamutan ang ikaapat na pasaherong si Roxanne, habang isinusulat ang istoryang ito.
Hindi nasugatan si Pelareja sa insidente, ayon sa pulisya.

Abueva out pa rin sa PBA, misis nagngitngit sa galit sa socmed

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

HINDI pa rin makababalik sa hardcourt si Calvin ‘The Beast’ Abueva ng Phoenix Pulse para sa 45th Philipine Basketball Association (PBA) Philippine Cup 2020 na papailanlang sa darating na Marso 8.

 

Ayon kay PBA Commissioner Wilfrido ‘Willie’ Marcial, may mga dapat pang tapusing gawin ang basketbolista para tuluyang ma-lift ang kanyang suspension sa pro league.

 

“Nag-uusap kami. May pinag-uusapan pa kami. May pinapagawa pa ako,” dagdag ng opisyal ng propesyonal na liga.
Pinag-ensayo pa lang ng liga si Abueva para sa Fuel Masters simula pa noong Setyembre, ngunit pinagbabawalan pa sa mga tune-up game.

 

“Kapag naayos agad ‘yun at okay na, ie-elevate ko sa board kung ano ang recommendation ko,” panapos saad ni Marcial.

 

Multang P70,000 at ban sapul noong Hunyo si Calvin nang i-clothesline si TNT import Terrence Jones sa Commissioner’s Cup at pambabastos sa dyowa ni Bobby Ray Parks, Jr. ng Talk ‘N Text na si Maika Reyes.
Samantala, sumabog naman ang ngitngit sa social media ng asawa ni Abueva, na si Salome Alejandra ‘Sam’ Abueva dahil sa hindi pa rin pagpayag ng PBA na makabalik ang kanyang mister sa paglalaro para sa Phoenix Pulse sa pagbubukas ng ika-45 edisyon ng liga.

 

“Para sa lahat! Sana makarating sayo kung sino man ikaw? Kayo? Gusto ko lang sana malaman kung ano po ba ang basehan kung bakit hangang ngayon hindi pa rin nakalalaro ang asawa ko,” himutok ni Sam sa kanyang Instagram. “Hindi pa ba sapat ang siyam na buwan para sa parusa na binigay ninyo? Hindi pa ba sapat na lahat naapektuhan dahil sa pangyayari na ito? ‘Di pa ba sapat na pati limang anak namin naapektuhan sa pangyayari na ito? ‘Di pa ba sapat na pati pamilya ng asawa ko sa Pampanga nagsasakripisyo para rito?” (REC)

Ban sa marijuana alisin, parang kape lang – Durant

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

KUNG si Brooklyn Nets star Kevin Durant ang tatanungin, ang paghithit ng marijuana ay kaparehas lang ng pag-inom ng kape.

 

Kaya naman dapat aniya ay tanggalin na ito sa banned substance list ng NBA, dahil hindi naman umano ito nakakasama sa kahit sino.

 

“Everybody on my team drinks coffee every day. Taking caffeine every day. Or guys go out to have wine after games or have a little drink here and there. Marijuana should be in that tone,” ayon kay Durant sa panayam sa kanya sa ‘All The Smoke’ sa Showtime.

 

Aniya pa, kung hindi trip ng iba ang marijuana ay huwag nila itong gamitin, at giniit na nakabubuti umano ito sa katawan kaya’t marapat lang na gawing ligal.

 

“It’s just like, marijuana is marijuana. It’s not harmful to anybody. It can only help and enhance and do good things. I feel like it shouldn’t even be a huge topic around it anymore,” aniya pa. “Why are we even talking about? It shouldn’t even be a conversation now. So hopefully we can get past that and the stigma around it and know that it does nothing but make people have a good time, make people hungry, bring people together — that plant brings us all together.”
Noong Nobyembre nang nakaraang taon ay nakipag-partner si Durant sa Canopy Rivers – isang firm na tumatangkilik sa cannabis o marijuana.

Travel ban pinalawak pa

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PINALAWAK ng Bureau of Immigration ang pagpapatupad ng travel ban kabilang na ang North Gyeongsang Province, Daegu at Cheongdo sa South Korea sa gitna ng Covid-2019 outbreak.

 

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang nasabing pagpapalawak ng travel ban ay kasunod ng rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (EID) na isama sa pagbabawal ang inbound at outbound travel mula sa nasabing rehiyon.

 

Gayunman, nilinaw ni Morente na hindi ito total ban para sa mga travelers mula South Korea ngunit para lamang sa mga travelers na nagmula sa North Gyeongsang Province, Daeugu at Cheongdo .

 

Ayon pa kay Morente, ang nasabing mga dayuhan mula sa South Korea ay i-screen upang malaman kung saan sila galing sa nasabing rehiyon.

 

Sinabi naman ni BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, nangako ang gobyerno ng Korea na mag-isyu ng isang sertipikasyon upang malaman kung mula sa mga apektadong rehiyon ang mga pasahero.

 

Inatasan naman ang mga IOs na maingat na suriin ang mga darating na pasahero mula sa Timog Korea at hilingin ang Resident Registration Certificate (RRC) at kanilang National ID na masuri.

 

Ayon pa sa BI, una nang nangako ang gobyerno ng Korea na magsagawa ng maximum quarantine steps sa Daegu at sa nakapalibot nitong lalawigan upang mapigilan ang virus.

 

“We have also sought the assistance of airlines, requiring them to collect and disclose to immigration authorities the full itineraries of passengers with a travel history to Korea within the last 14 days.

 

“Similar to earlier bans, airlines have been advised not to board said passengers in flights to the Philippines,” ani Medina

 

Hindi naman kasama sa travel ban ang mga dumarating na Pinoy , mga asawa at anak, Philippine permanent resident , visa holders, at miyembro ng diplomatic corps.

 

“What’s different in this ban is that transiting passengers are allowed, as recommended by the task force, as long as they do not pass through North Gyeongsang Province, Daegu, and Cheongdo.

 

“This is a result of the relatively lower confirmed cases of the Covid-19 in Korea,” dagdag pa ni Medina.

 

Habang ang mga outbound Filipinos naman ay pansa-mantalang hindi pinapayagang bumiyahe sa buong South Korea.
Tanging ang Korean permanent resident visa holders, overseas Filipino workers at student visa holders ay pinapayagang bumalik sa nasabing bansa.

 

Ang mga dayuhan mula sa South Korea ay nanatiling nangunguna sa mga foreign arrivals kung saan noong 2019 ay mahigit sa 2.1 milyon Korean national ang pumasok sa Pilipinas.

 

Nilinaw ni Morente na hindi nila inantala ang implementasyon ng nasabing travel ban.

 

“We had to thresh out implementation issues, as this travel ban is different compared to the previous ones issued.
“We are one with the government in ensuring that this health scare does not spread in the country, by implementing policies properly and effi-ciently,”dagdag pa ng opisyal. (Gene Adsuara)

Ads February 29, 2020

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

TORCH RELAY POSIBLENG IKANSELA VS COVID-19 OUTBREAK

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PAG-IISIPAN umano ni Organizing committee Director General Toshiro Muto ang pansamantalang pagkansela sa 2020 Tokyo Olympics torch relay na nakatakdang gawin sa Marso.

 

Nagbunsod ang desisyon na ito matapos manawagan ng Japanese government na kung maaari lamang ay kanselahain ang malalaking gatherings, tulad ng sporting at cultural events o ‘di kaya naman ay ilipat ng ibang petsa.

 

Ayon kay Muto, iniisip din daw nilang magpatupad ng bagong patakaran para kahit papaano ay maisagawa pa rin ang relay.

 

Nakatakdang dalahin ang Olympic flame sa Japan sa Marso 20 matapos itong sindihan sa Olympia, Greece habang sa Marso 26 naman sisimulang iikot ang naturang torch sa Fukushima Prefecture.

 

Sinabi pa ni Muto na pagdedesisyunan din ng komite kung hindi muna itutuloy ang mga nakatakdang events pagkatapos nilang aralin kung gaano kalaki ang magiging epekto ng coronavirus outbreak sa mga sporting events.
Dagdag pa nito na bumubuo na rin sila ng iba’t ibang guidelines na ipatutupad kung sakali man na ituloy ang 2020 Tokyo Olympics.

 

Wala namang sunod na plano o plan B ang bansang Japan habang nagbabanta pa rin ang nasabing virus ilang buwan bago sumipa ang 2020 Tokyo Olympics.

 

“There will not be one bit of change in holding the Games as planned,” pahayag ni 2020 Tokyo Olympic deputy director Katsura Enyo sa isang panayam.

 

Pangamba nito, malaki at marami ang masasayang kung hindi ito matutuloy dahil matagal nila itong pinaghandaan.
Sa katunayan ay ginastusan umano ito ng halos $12 bilyon maisakatuparan lang ang quadrennial event.

 

“We are not even thinking of when or in what contingency we might decide things. There is no thought of change at all in my mind,” aniya.

 

Sa ngayon ay wala pang tiyak na kasagutan kung ikakansela ba ang event. “No such debate is going on,” sambit nito.
Gayunman tiniyak na handa pa rin ang International Olympic Committee na hawakan ang 2020 Games sa Tokyo sa kabila ng patuloy na paglaki ng kaso ng coronavirus.

 

“The IOC is fully committed to a successful Olympic Games in Tokyo starting July 24,” pahayag ni Thomas Bach sa Japanese media ayon sa Kyodo News.

 

Naglatag na rin si Japanese Prime Minister Shinzo Abe ng mga national measures para masupil ang naturang outbreak katulad na lang ng pansamantalang pagpapasara ng ilang paaralan.

 

Hindi naman pinahagingan ni Bach sa kanyang komento sa senior IOC member na Dick Pound na nagsabi ng posibleng kanselasyon ng laro.

 

Samantala, nilinaw naman ni Pound na wala pang pormal na diskusyon kasama ang miyembro ng IOC kaugnay ng usapin sa kanselasyon.

Gilas ‘Pinas ni Dickel, ‘di mababalasa – SBP

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MAAARING ang komposisyon ng Gilas Pilipinas na naglaro kontra Indonesia ang gagamitin din ng Samahang Basketbol ng Pilipinas kapag natuloy na ang na-postpone na game kontra Thailand.

 

Itataguyod dapat ng mga Pinoy ang Thais sa Araneta Coliseum noong Pebrero 20 sa first window ng 2021 FIBA (International Basketball Federation) Asia Cup. Pero kinansela ng world governing body dahil sa outbreak nang nakamamatay na COVID-19 ng China.

 

Isinagawa ang laro sa Jakarta noong Linggo, Pebrero 23 at dinurog ng ‘Pinas ang Indonesia 100-70.
Hindi pa nagbibigay ng abiso ang FIBA kung kailan itutuloy ang Thailand game ng national men’s cage team.

 

Tinatayang si Mark Dickel pa rin ang mamando sa Gilas kontra Thai. Ninombrahan ng SBP si Dickel bilang interim coach ng national team. Kasalukuyan din siyang active consultant ng Talk ‘N Text sa Philippine Basketball Association (PBA).

 

Bumuo sa PH 5 lineup sa first window ng Asia Cup qualifiers ang pitong PBA player at limang amateur.

 

Sila ay sina skipper Kiefer Isaac Ravena, John Paul Erram, Jeth Troy Rosario, Roger Ray Pogoy, Christian Jaymar Perez, Abu Tratter at Justin Chua mula sa professional cage league, at sina Ferdinand ‘Thirdy’ Ravena III, Isaac Go, Matt Nieto, Juan Gomez De Liano at Dwight Ramos.

 

Posibleng ito na rin ang sumagupa laban sa Thai.

 

“I believe so,” pahayag ni Dickel sa komposisyon ng koponan. “Obviously, that depends on when the game is. Right now, I would imagine so.”

 

Si Thirdy ang sinasabing bumalikat sa Gilas sa kinayod na 23 point, 8 rebound, 3 assist at 2 block. Nagsumite si Pogoy ng 16 point mula sa limang tres, may 11 si Perez at tig-10 sina Kiefer at Gomez De Liano.

Tokyo Disneyland sarado hanggang Marso 15

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

ISASARA sa loob na susunod na dalawang linggo ang Tokyo Disneyland at Tokyo DisneySea.
Ang closure ay magsisimula ngayong araw February 29 at tatagal hanggang sa March 15.

 

Sa pahayag ng operator ng Disneyland na Oriental Land, inaasahan nilang makapagre-resume sila ng operasyon sa March 16.

 

Kada taon ay umaabot sa 30 milyon ang nagtutungo sa Tokyo Disneyland.

 

Samantala, hinimok din ni Prime Minister Shinzo Abe ang mga paaralan sa Tokyo, Japan na huwag munang mag-klase sa loob ng isang buwan.. (Daris Jose)

Paggamit ng e-cigar/vapes sa pampublikong lugar, bawal na rin – EO 106

Posted on: February 29th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

INILABAS kahapon, Pebrero 28 ng Malacañang ang isang Executive Order (EO) na nagbabawal sa paggawa, pagbebenta at pag-advertise ng mga hindi rehistradong electronic cigarettes (e-cigar) o vapes at iba pang mga naglalabasang bagong uri ng tobacco products.

 

Ang Executive Order 106 ay nag-aamyenda sa nauna ng EO 26 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.

 

Nakapaloob sa EO 106 na iniulat ng Department of Health (DOH) na ang paggamit at pagkakalanghap ng usok mula sa e-cigarettes o vapes ay nagdu-dulot ng kahalintulad na respiratory illness, cardiovascular diseases, addiction, cancer, neurodegeneration, brain development retardation at iba pang sakit na dulot ng paninigarilyo.

 

Kaugnay nito, imbes na “No Smoking Zone” ang ipapaskil na babala, gagawin na itong “Non-Smoking/Vaping Buffer Zone.” Habang “Designated Smoking/Vaping Area” (DSVA) ang mga lugar sa isang gusali na itatalagang puwedeng mag-yosi o mag-vape.

 

Dapat ding iisa lamang ang DSVA sa isang gusali at dapat sarado ito upang hindi maka-kalabas ang usok sa open air.
“Non-Smoking/Vaping Buffer Zone” (Buffer Zone) is a ventilated area between the door of a DSVA not located in an open space and the smoke/vape-free area. There shall be no opening that will allow air to escape from such Non-Smoking/Vaping Buffer Zone to the smoke/vape-free area, except for a single door equipped with an automatic door closer. Such door is distinct from the door of the DSVA, which shall be at least two (2) meters away from the other,” bahagi ng EO 26.

 

Samantala, kung dati ay mula 18-anyos lamang ang puwedeng bumili o bentahan ng sigarilyo, itinaas na ito sa edad na 21.

 

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang EO 106 nitong Pebrero 26 at epektibo sa loob ng 15 makalipas ang publikasyon sa pahayagang may national circulation.

 

Inaatasan ng EO 106 ang Food and Drugs Administration (FDA) na bumuo ng implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng 30 araw matapos maging epektibo ang EO.