• November 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 20th, 2020

‘Pasyang ibenta ang Blackwater franchise, irekonsidera sana’ – PBA chief

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Umaasa si PBA Commissioner Willie Marcial na irerekonsidera ni Blackwater owner Dioceldo Sy ang pasya nito na ibenta ang franchise ng Elite.

 

Ayon kay Marcial, sakaling buo na ang pasya ni Sy na ibenta ang prangkisa, dadaan daw ang interesadong buyer sa mahaba at masalimuot na proseso bago maangkin ang koponan.

 

“Hindi ko pa siya nakausap tungkol diyan, pero kung may plano siyang ganun, he has to make it formal by putting it in a letter addressed sa PBA board,” wika ni Marcial.

 

Nitong Miyerkules nang ianunsyo ng team owner ng Blackwater na nais na nitong ibenta ang team sa halagang P150-milyon.

 

Posibleng nag-udyok sa nasabing pasya ang babala ng PBA at ng Games and Amusement Board na sanction dahil sa umano’y pag-eensayo ng Blackwater.

 

Wala pa kasing itinatakdang petsa ang liga kung kailan maaaring makapagpraktis na ang mga teams, kahit na nagbigay na ng go signal ang Inter-Agency Task Force.

 

“I’m still studying the case as well as Mr. Sy’s statements,” ani Marcial.

 

Giit din ni Marcial, si Sy daw ang dapat na maghanap ng buyer ng franchise, at hindi ang PBA.

 

“Siya ang maghahanap. Kung meron na siyang kakilala na ready bumili, sila ang mag-uusap,” dagdag nito.

72 NFL players nagpositibo sa coronavirus

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Umaabot sa 72 mga US football players ang nagpositibo sa COVID-19.

 

Kinumpirma ito ng National Football League palyer’s union matapos ang isinagawang malawakang pagsusuri sa mga manlalaro.

 

Hindi naman nila binanggit kung ilan sa halos 2,900 na manlalaro ng NFL ang natapos na sumailalim sa pagsusuri.

 

Ang nasabing test results ay lumabas sa kasagsagan ng negosasyon ng NFL sa terms and condition ng pre-season trainnig at exhibition games.

 

Nais kasi ng mga manlalaro na simulan na ang mga laro sa buwan ng Agosto.

Mga dayuhan na may long-term visa, papayagan nang pumasok ng Phl simula Agosto 1

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Simula sa unang araw ng Agosto ay papayagan na ng Inter-Agency Task Force na pumasok sa bansa ang mga foreign nationals na mayroong long-term visa.

 

Ibig sabihin nito ay hindi makakapasok ang mga indibidwal na bago pa lamang ang visa.

 

Ito ay bilang isa sa mga hakbang ng gobyerno upang muling buhayin ang sumadsad na ekonomiya ng Pilipinas dahil sa coronavirus pandemic.

 

Ang mga banyaga na magnanais pumunta sa ating bansa ay kakailanganing magkaroon ng valid at existing visa, Dapat din nilang siguraduhin na mayroon silang pre-bookes accredited quarantine facility maging ang pre-booked coronavirus disease testing provider.

 

Ayon pa sa IATF, mayroon lamang maximum capacity ng mga inbound passengers ang papayagan sa mga paliparan at magiging prayoridad pa rin ng mga ito ang mga returning overseas Filipino workers (OFWs).

 

Dagdag pa nito na mahigpit din nilang ipagbabawal ang mga spectators o usisero sa lahat ng outdoor non-contact spost at pati na rin ang pag-eehersisyo sa mga lugar na nananatiling nasa ilalim ng general community quarantine gayundin ang mga lugar na nasa modified general community quarantine.

Rider todas sa araro ng SUV sa Bulacan

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Patay ang isang 24-anyos binatang motorcycle rider matapos masagasaan at araruhin pa ng humaharurot na sports utility vehicle sa bayan ng Guiguinto.

 

Sa report ni Guiguinto acting chief of police, P/Maj. Rolando Geronimo, kinilala ang biktima na si EhdGlenn Fajardo, residente ng Wawa St. Bagong Barrio, Balagtas.

 

Tumakas ang driver ng puting Kia Sorento (UIL- 643) at inabandona ang sasakyan.

 

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente habang lulan sa motorsiklong Yamaha Nouvo Z ang biktima, bago maghatinggabi nitong Biyernes sa crossing ng Brgy. Poblacion, Guiguinto.

 

Base sa ibinahaging CCTV footage ni Michaela Alano, bandang 11:09 p.m. ay dahan-dahang paliko sa kaliwa ang rider mula sa Southbound nang banggain ng humaharurot na SUV.

 

Kita sa CCTV footage ang pagtilapon nang ilang metro ng biktima habang kinakaladkad ang kumikislap na motorsiklo.
Iniwan ng driver ang SUV sa Sitio Recoleto Uno, Brgy. Sta Rita na posibleng tumirik dahil sa tindi ng pagkakabangga sa motorsiklo.

 

Ayon sa report ng pulisya, nakarehistro ang sasakyan sa nagngangalang Bon Edralin Gulapa na naninirahan sa Sabang, Baliuag.

 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang driver ng SUV.
Humihingi naman ng hustisya ang kaanak ng biktima. Dick Mirasol III.

DSWD: 3.2M nakakuha na ng 2nd tranche ng SAP

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Tinatayang natanggap na ng 3.2 milyong benepisyaryo ang second tranche ng social amelioration program o SAP, batay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

 

“As of July 16, the DSWD has disbursed the emergency subsidy for 3.2 million beneficiaries with an equivalent amount of P19.4 billion,” ani DSWD Undersecretary Danilo Pamonag.

 

“This is an additional 1.8 million beneficiaries from the 1.3 million we reported to this Congress last week,” paliwanag pa nito.

 

Target aniyang makumpleto ang distribusyon sa katapusan ng Hulyo.

 

Samantala, iginiit din ng opisyal na posible itong mapalawig hanggang Agosto dahil pa rin sa delay sa pamamahagi ng pondo. (Daris Jose)

Hopkins pinayuhan ang mga retiradong boksingero na magpahinga na

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Pinayuhan ni dating boxing champion Bernard Hopkins ang kapwa niyang mga retiradong boksingero na huwag ng bumalik pa sa boxing ring.

 

Sinabi ng 51-anyos na boksingero na mahihirapan na ang mga ito na maghanap pa ng mga makakalaban.

 

Pagtatawanan na lamang ang mga ito dahil sa mabagal na paggalaw at mahinang pagsuntok dahil na rin sa edad.

 

Magugunitang ilan sa mga boksingerong nagpahayag na bumalik muli ay sina Mike Tyson, Evander Holyfield at Oscar dela Hoya.

CA Justice Priscilla Baltazar-Padilla itinalagang bagong SC Associate Justice

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Associate Justice ng Korte Suprema si Court of Appeals Justice Priscilla Baltazar-Padilla.

 

Ito mismo ang kinumpirma ni Presidential spokesperson Harry Roque nitong Huwebes ng gabi.

 

Papalitan ni Padilla si Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr, na nagretiro na noong Mayor.

 

Magugunitang ilan sa mga nomiado sa posisyon ay sina Court Administrator Jose Midas Marquez, mga kapwa nitong CA Justices na sina Ricardo Rosario, Japar Dimaampa, Jhosep Lopez, Ramon Cruz at Manuel Barrios. (Daris Jose)

Paglilinaw sa mga bahagi ng implementasyon ng SAP

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Upang masiguro na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan sa panahon ng pandaigdigang krisis dulot ng pandemya, ang pambansang pamahalaan ay nagpatupad ng Social Amelioration Program (SAP). Ito ay nahahati sa dalawang bahagi- ang Relief at and Recovery. Bawat ahensya ng pamahalaan ay inatasan na tukuyin at ipatupad ang kanilang mga programa at serbisyo sa dalawang bahagi ng SAP para natukoy na 18 milyong pamilyang benepisyaryo.

 

Sa bahagi ng relief, ang ayudang ipinamamahagi ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay nakalaan para tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilya at indibidwal na lubhang naapektuhan ng malawakang implementasyon ng community quarantine. Sinisiguro nito na ang mga sektor ay may matibay at sapat na suporta upang sila ay makapag-adjust sa kasalukuyang sitwasyon. Ilan sa mga programang kabilang dito ay ang Emergency Subsidy Program (ESP), pagbibigay ng Food and non-Food Items, COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers Barangay Ko, Bahay Ko Disinfection/Sanitation Project (TUPAD #BKBK), alternatibong setup ng pagtatrabaho, price freeze atbp. Ilan sa mga programang ito ay natapos na maliban sa Emergency Subsidy Program (ESP) na ipinatutupad ng DSWD hanggang sa kasalukuyan.

 

Sa ikalawang bahagi naman o Recovery Phase, ang mga programa at serbisyo ay naglalayon na tulungang makapagsimula ulit at makabangon ang mga pamilya at indibidwal na benepisyaryo ng SAP sa pamamagitan ng pag-alalay sa kanilang kabuhayan. Ang mga programa at serbisyong kabilang dito ay para naman sa mga maliliit na negosyo, at sa suporta para sa mga magsasaka at mangingisda.

 

Ang kabuuang disenyo ng SAP ay batay sa karapatan at kapakanan ng bawat sektor nang may layunin na tulungan ang mga apektadong pamilya na malampasan ang kinakaharap na krisis.

 

Sa pagpapatuloy ng ikalawang bugso ng pagbibigay ng ayuda para sa relief phase ng SAP, karagdagang limang milyong pamilya pa ang isinama bilang benepisyaryo ng nasabing programa. Patuloy na pinagbubuti ng mga ahensya ng pamahalaan ang kani-kanilang mga proseso upang matiyak na ang inilalaang ayuda ay angkop, sapat at patas.

 

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan lamang sa DSWD.. (Daris Jose)

Pelicans star Williamson umalis sa “Bubble”

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Nilisan ni New Orleans Pelicans rookie Zion Williamson ang “Bubble” sa Walt Disney sa Orlando, Florida upang umano’y tugunan ang problemang medical ng kanyang pamilya.

 

Ayon sa ulat, suportado ni Pelicans executive vice president of basketball David Griffin ang ginagawang pag-alis ni Williamson sa Orlando upang makasama ang kanyang pamilya.

 

“Tama lamang na unahin muna nito ang emergency ng pamilya sa ngayon at inaasahan naming babalik ito  para maglaro at muling sasailalim sa COVID-19 testing bago magsimula ang National Basketball Association (NBA),” ani Griffin.

 

Bilang respeto umano kay Williamson, hindi muna isiniwalat ng NBA ang detalye sa tunay na dahilan sa paglabas  ng rookie player sa “Bubble.”

 

Sinabi ng NBA na muling sasailalim ang manlalaro sa 10 araw na quarantine kapag bumalik sa Orlando upang masiguro na hindi ito naghawahan ng coronavirus disease.

 

Itinuturing na susunod sa yapak ni NBA star LeBron James, ang 20-anyos na si Williamson ay kumakamada ng average na 23.6 points, 6.8 rebounds at 2.2 assists.

Jeepney drivers umaangal sa bagong patakaran ng LTFRB

Posted on: July 20th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Umaangal ang mga hanay ng Public Utility Jeepney (PUJ) drivers at operators dahil sa ipinatutupad na mga bagong patakaran ng Land Transportation Franchising (LTFRB) ngayon panahon ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

 

Matapos payagan na muling bumalik ang operasyon ng mga PUJs noong narakaang July 3 sa kanilang operasyon, may  30 percent lamang ng 6,000 authorized traditional jeepneys ang nakabalik matapos ang tatlong buwan walang operasyon.

 

Kung kayat, kulang sa 1,800 na jeepney drivers lamang ang nakabalik sa kanilang operasyon.

 

Ayon sa mga jeepney drivers nakita nila na ang mga guidelines na ipinatutupad ng LTFRB ay mahirap gawin tulad ng voluntary surrender ng kanilang franchise.

 

“What’s painful is that surrendering our franchise – no one would easily do that because if we do, we wouldn’t be operators but rather individuals dreaming of having a livelihood,” ayon kay ACTO president Efren de Luna.

 

Hindi rin sila makabalik sa operasyon dahil wala silang internet access at smartphones upang gamitin sa quick response sa QR codes na hinihingi ng LTFRB.

 

Ang QR code ay isang special barcode na maaaring i-download sa LTFRB website na kanilang gagamitin upang mapatunayan na ang kanilang jeepney units ay isa sa mga 6,000 jeepneys na pinayagan magsakay ng mga pasahero ngayon GCQ.

 

Hinihingi rin ng LTFRB na magkaron sila ng personal passenger insurance policy at ang kanilang mga sasakyan ay sumailalim sa roadworthiness test.

 

Kung kaya’t madami sa mga jeepney drivers ay nanatiling walang pasada at ginagawa simula pa noong buksan ang piling routes sa Metro Manila.

 

Pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang partial operation ng mga public utility jeepneys (PUJs) sa mga piling lugar sa National Capital Region (NCR).

 

Binuksan ng LTFRB ang may 49 na routes sa Metro Manila upang simulan nila ang kanilang operasyon.

 

Ang mga piling routes ay sa Novaliches, Valenzuela, Malabon, Monumento, Cubao, Marikina, Pasig, Quezon City, Pateros, Makati, Manila, Caloocan, Mandaluyong, at Alabang.

 

Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular 2020-026, ang traditional jeepneys ay papayagan nang bumbalik sa kalsada habang may general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

 

“They will be given corresponding QR codes that will be displayed on their units to serve as special permits for their operations,” wika ng LTFRB.

 

Ang mga traditional jeepneys na mga “roadworthy” ang papayagan muling makabalik sa kanilang operasyon. Kinakailangan din na sumunod sila sa mga safety measures katulad ng checking ng temperature ng pasahero, pagsuot ng mask at gloves at ang pagkakaron lamang ng 50 percent seating capacity upang magkaroon ng social distancing.

 

Hinihikayat din ang mga drivers na maglagay ng fare dropbox upang mabasan ang physical contact sa mga pasahero.

 

Ang mga pasahero ay kailangan din mag fill out ng passenger contact forms para sa contact tracing ng mga pasahero.

 

Mananatili namang P9 ang pamasahe sa unang apat na kilometro at P1.50 sa susunod ng kada kilometro.  (LASACMAR)