Tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw ni Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) president at CEO Ricardo Morales, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
“Tinanggap po natin at ni Pangulo ang kanyang pagbibitiw sa pwesto dahil po sa kanyang kalusugan. Alam po ng lahat na siya po ay may cancer, ito pong lymphoma,” saad ni Duque sa isang press conference sa Calamba, Laguna.
Nabatid na ipinasa ni Morales ang kanyang pagbibitiw sa puweto nitong Miyerkules, Agosto 26 na kinumpirma naman ni presidential spokesperson Harry Roque at Senator Christopher “Bong” Go.
Matatandaang sinisisi si Morales ng mga whistleblower sa pag-apruba ng mga overpriced na IT system maging ang pagbibigay ng pondo sa mga pinapaborang ospital.
Samantala,hindi pa rin abswelto sa imbestigasyon si Philhealth president at CEO Ricardo Morales kahit nagbitiw na ito sa pwesto.
Mismong si Justice Sec. Menardo Guevarra ang nagtiyak na tuloy-tuloy ang imbestigasyon ng Task Force Philhealth ukol sa sinasabing talamak na katiwalian sa Philhealth.
Ayon kay Guevarra, sa pangunguna ng Department of Justice katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan ay umuusad pa rin ang pagsisiyasat ng Task Force Philhealth.
Sa katunayan, ang aniya’y “quiet investigation” ng task force ay maayos ang itinatakbo bagama’t may ilang resource persons sila na hindi nagsasabi ng buong katotohanan o hindi kumpleto ang pahayag.
Sa kabila nito, umaasa ang task force na makakabuo sila ng mga kaso laban sa mga taong responsable o may pananagutan.
Ito ay kahit nananatili pa sa posisyon o wala na sa pwesto ang mga taong sangkot sa isyu ng korapsyon sa Philhealth.
Samantala, naniniwala si Guevarra na ang taong may sapat na karanasan sa “financial management” at malalim na kaalaman sa batas ang nararapat na mamuno sa Philhealth, kapalit ni Morales.
Mainam din aniya na ang magiging bagong pinuno ng Philhealth ay may “charisma” para maka-inspire ng mga tao sa Philhealth upang muling maibalik ang tiwala at respeto ng publiko sa ahensya.
Inihayag din ng Malacañang na simple lang ang kuwalipikasyong hinahanap para mapamunuan ang PhilHealth na nababalot ng kontrobersya kaugnay sa umano’y mafia ng korupsyon.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos magsumite na ng resignation letter si Morales.
Sinabi ni Sec. Roque, dapat ay may kasanayan sa pamamalakad ng isang tanggapan o managerial skills ang sinumang mamumuno sa PhilHealth.
Ayon kay Sec. Roque, maliban sa naturang kuwalipikasyon, mahalaga din na ang lider ng tanggapan ay marunong magbantay sa kaban ng bayan.
Kung hindi hindi umano ito magagawa, talagang mauubos ang resources ng PhilHealth dahil na rin sa personal na interes.
“Wala pa naman pong vacancy diyan. Pag-usapan lang natin pag nagkaroon na ng vacancy. Pero ang Presidente dati ko na sinasabi zero tolerance po ‘yan para sa korapsyon. Dapat malinis, walang bahid ang pagkatao. Dapat po may managerial skills at dapat marunong magbantay ng kaban ng bayan dahil kung hindi babantayan talagang pong napakalakas ng tempasyon para ubusin yang kaban ng bayan para sa personal na interes,” ani Sec. Roque. (Daris Jose)