• December 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 12th, 2020

Ads September 12, 2020

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Walang kalawang si Patong Patong

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MAY ilan ding buwang garahe sa karera ng mga kabayo ang stakes race campaigner na si Patong Patong na nirendahan ni JD Flores.

 

Pero hindi kinakitaan ng kalawang  ang dalawanang matikas na pamayagpagan ang Philippine Racing Commission o PHILRACOM Rating Based Handicap System 2020 nitong Linggo, Setyembre 6 sa Metro Manila Turn Club sa Malvar-Tanuan City, Batangas.

 

Lumagay lang munang  pangatlo sa largahan, pero hinablot  ang bandera sa unang 100 metro ng hagaran hanggang meta, at nanalong may 10 kabayo ang poste laban sa sumegundong si Calle Loreta. Tumersero si Alonzo Hall.

 

“Mahusay talaga, hindi nagbago ang takbo.  Baka ‘yung mga tumatalo sa kanya dati ay puwede na niyang matsambahan ngayon dahil matagal na walang karera,” post ni Rudy De Leon sa Facebook page ng karera. (REC)

PH Cup kaya ng 60 araw – Marcial

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

DADAMIHAN ng mga laro kada linggo para mas mabilis matapos ang ang 45th Philippine Basketball Association (PBA) 2020 Philippine Cup.

 

Isang opsiyon pa ng unang Asia’s pay-for-pay hoop ang magkaroon ng apat hanggang limang araw na laro bawat linggo, isa’y may triple-header pa. Kaya maski masagad ang playoffs, hindi abot ng Enero 2021 ang all-Pilipino conference.

 

“Kasama sa mga kino-consider namin ‘yun para mapadali,” siwalat nitong Biyernes ni pro league commissioner Wilfrido ‘Willie’ Marcial. “That way, p’wedeng mag-umpisa ng games as early as Oct. 9, at matapos ng Dec. 10 or 15.”

 

Mas mabuti ring alternatibo kung maagang makapag-umpisa para mapaglaanan din ng oras kung may delay.  Sumulat na sa nakalipas na linggo’y si Marcial, hiniling sa Inter-Agency Task Force ( IATF) na payagan na ang teams na magsagawa ng full scrimmages. Kung may green light na, makakapag-umpisa na ang torneo na tinigil noong March 11 dahil sa coronavirus disease 2019.

 

“Depende lahat ‘yan sa sagot ng IATF,” wakas na dada ni Marcial. “Kung papayagan tayo na mag-full scrimmages, dalawa hanggang tatlong linggo lang ‘yun and we could play games, hopefully, ng Oct. 9 ang pinakamaaga.” (REC)

Uusok na talakan sa pulong ng POC

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

TIYAK ang walang puknat na balitaktakan na naman para sa sa darating na halalan Nobyembre sa Philippine Olympic Committee (POC) sa executive board meeting ngayon Sabado, Setyembre 12  ng alas-10:00 nang umaga via Zoom.

 

May ilang beses  nang walang nabuo matinong usapan para sa eleksiyon dahil sa pagtutol ng mayorya sa pinipilit ni POC president Abraham Tolentino na age limit para sa mga tatakbo sa posisyon sa nakatakdang termino para sa 2021-24.

 

Pero may dalawang mahalagang tatalakayin sa pulong ang mga ang opisyal na kabibilangan ng paglahok ng bansa sa 32nd Summer Olympic Games sa Tokyo, Japan sa Hulyo 2021 at 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam 2021.

 

Kasamang bumubuo sa POC board sina chairman Stephen Hontiveros, at members Jose Romasanta (first vice president), Antonio Tamayo Jr. (second vice president), Edwin Gastanes (secretary general), Julian Camacho (treasurer), Jonne Go (auditor), Victorico Vargas, Cynthia Carrion, Jesus Clint Aranas, Roberto Mananquil, Prospero Pichay Jr., Mikaela Maria Antonia Cojuangco-Jaworski, at Nikko Bryan Huelgas. (REC)

‘2 Asian females ang suicide bomber sa Jolo, Sulu’ – PNP

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Kinumpirma ngayon ng PNP na suicide bombers ang naging sanhi ng pagsabog sa Jolo, Sulu noong August 24 na ikinamatay ng 15 katao.

 

Ayon sa PNP, dawalang female Asians ang nagsagawa ng suicide bombing.

 

Pero inabi ni Police Lieutenant Colonel Kris Conrad Gutierrez, spokesperson ng special investigation task group na ang hindi naman nakumpirma sa resulta ng DNA tests kung Pinay ang dalawang suspek.

 

Aniya, hindi raw madedetermina kung Pinay ang mga ito dahil Aisan o Caucasian lamang umano ang puwede nilang madetermina.

 

Maging ang edad daw ng mga suicide bombers ay hindi rin madetermina ng Crime Laboratory.

 

Lumalabas din umanong walang blood relation ang mga suspek sa naganap namang Jolo Cathedral bombing noong January 27, 2019.  (ARA ROMERO)

Suspensiyon sa deliberasyon sa pondo ng PCOO, pinalagan ni PCOO Usec. Badoy

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Unfair!

 

Ito ang naging pahayag  ni PCOO Undersecretary Lorraine Badoy matapos suspendihin ang budget hearing na may kinalaman sa proposed budget ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

 

Ayon kay Badoy, hindi makatuwiran  na nagkaroon ng delay sa budget deliberation na ayon sa Makabayan bloc ay dapat lang na isisi sa kanya.

 

Giit ni Badoy, hindi naman dapat na madamay ang PCOO sa usapin ng red tagging sa mga kongresistang kabilang sa Makabayan bloc.

 

Ang kanyang tindig aniya kontra sa mga mambabatas na binigyan niya ng red tagging ay kanyang posisyon bilang tagapag- salita ng National Task force to End Local Communist Armed Conflict na nasa ilalim ng National Security Council (NSC).

 

Kaya ang sabi ni Badoy,  hindi naman patas na pati ang pagtalakay sa budget ng PCOO ay nadamay sa isyu lalot ang pokus ng Communications office ay nasa information dissemination.

 

Kung may maaapektuhan aniya ng deliberasyon sa pondo, ito ay sa hanay dapat ng NSC. (Daris Jose)

CLEARING OPERATION SA PORT AREA, NAGING MAAYOS

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NAGSAGAWA ng clearing operation ang mga tauhan ng Department of Public Safety, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Manila Police District (MPD), ang mga iligal na tindahan sa kahabaan ng Roberto Oca St. Kahapon ng umaga sa Port Area, Maynila.

 

Dakong 10:30 ng umaga nang dumating ang grupo sa lugar para tanggalin ang mga tindahan na nagsisilbing obstruction sa mga kalsada.

 

Puntirya rito ang mga tindahan ng mga bisikleta, mga second hand na mga aircon, washing machine at iba pang surplus machine.

 

Ilang struktura ang minaso, dahil nasa kalsada.

 

Naging maayos naman ang clearing operation ng mga awtoridad sa lugar.

 

Ayon sa isang tindera sa lugar malamang na umuwi na lamang sila sa probinsiya.

 

Nasa lugar lamang naman sila para makapaghanap buhay dahil wala namang ayuda kanila ang lokal na pamahalaan ng Maynila. (GENE ADSUARA)

BAGONG BASECO ESPLANADE BUBUKSAN

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

BUBUKSAN sa Maynila ang bagong “Baseco Esplanade” matapos ang tuloy-tuloy na total make over sa “Basura Beach” sa Maynila.

 

Sinabi ni Manila Mayor Frqncisco “Isko Moreno” Domagoso ,ang dating bay na puno ng Basura sa Baseco ay malinis na ngayon at hindi na “eyesore”, gayundin ang coastal area nito.

 

“Tulong-tulong po ang Department of Public Services (DPS) Baseco Beach Warriors, Metropolitan Manila Development Authority at Department of Environment and Natural Resources sa cleaning operations. Hindi po tayo matatapos dito. Tuloy-tuloy lang ang ating pagkilos hanggang sa makamit natin ang isang maunlad, maganda at panatag na Maynila. Soon, we will develop the new Baseco Esplanade,” paniniyak ni Moreno sa residente ng Baseco.

 

Nabatid na nilagyan na rin ng lampposts ang baywalk area para maging maliwanag sa gabi at maging ligtas ang mga namamasyal sa bisinidad ng Baseco beach.

 

Nalaman ba inatasan ni Moreno  si city engineer Armand Andres at city electrician Engr. Randy Sadac para i-recycle ang mga lampposts na tinanggal sa kahabaan ng Espana Boulevard sa Sampaloc.

 

“Ayoko pong sayangin ang pera niyong pinambili dito. May value pa naman po, sayang kung itatapon lang. Kaya po ini-atas ko na ayusin ang mga nasabing mga poste ng ilaw,” ayon kay Moreno.

 

Nabatid na ang Baseco area ay ginamit bilang dockyard ng National Shipyards and Steel Corp. Noong 1960’s.

 

Ang NASSCO ay binili ng Romualdez family via Bataan Shipping and Engineering Co. kung saan nagmula ang tawag sa lugar na Baseco.

 

Noong 1980’s,  ang Baseco ay naging barangay ar rinirhan ng mga informal settlers hanggang dumagsa ang malaking bilang ng tao sa lugar na mga nagtayo ng mga barung barong kahit sa bundok ng basura.

 

Bago ang isinagawang reclamation ng kahabaan ng Roxas Boulevard na dati ay beach at ang Baseco beach na lamang ang natira sa dating beach na ibinabalik naman ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila.  (GENE ADSUARA)

1st phase ng operasyon ng Metro Manila subway project, sisikaping habulin sa Disyembre sa 2021

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

TARGET ng gobyernong Duterte na mas mapaaga pa ang 1st phase ng operasyon ng Manila subway Project.

 

Ayon kay  Presidential Chief Legal Counsel Atty Salvador Panelo, sa halip na February 2022 simulan ang unang yugto ng operasyon ng Manila Subway, pipilitin aniyang makapag- operate na ito ng December 2021.

 

Sinasabing taong 2025 naman inaasahang magiging fully operational ang proyekto na nagkakahalaga ng P355.6 bilyong piso.

 

Ang underground railway project ay bubuuin ng 17 istasyon na inaasahang makakabawas ng malaking oras sa biyahe halimbawa mula Valenzuela hanggang sa NAIA 3.

 

Ang dati aniyang mahigit sa dalawang  oras na biyahe mula sa Valenzuela depot hanggang NAIA 3 ay kakayaning makuha na lamang ng 45 minuto at itoy sa sandaling matapos na ang proyekto. (Daris Jose)

Fernando, ipinag-utos na pag-ibayuhin ang istratehiya kontra COVID-19

Posted on: September 12th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Sa ginanap na Joint PDRRMC and C/MDRRMOs’ 3rd Quarter Meeting via Zoom kahapon, iniutos ni Gob. Daniel R. Fernando na sundin ang kanyang direktiba na pag-ibayuhing maiigi ang istratehiya ng lalawigan laban sa COVID-19 kabilang ang prevention, detection, isolation or quarantine, testing at treatment.

 

Partikular niyang tinukoy ang koordinasyon sa lahat ng lokal na yunit ng pamahalaan sa lalawigan para sa contact tracing at isolation o quarantine.

 

Aniya, “kailangan ko ang aktibong paggawa ng bawat isa sa kanilang tungkulin”.

 

Inatasan din niya ang Provincial Task Force COVID-19 partikular na ang Health, Response at Law and Order Clusters na tukuyin ang anumang kakulangan o posibleng magiging problema sa mga ipinatutupad na protocols upang agarang masolusyunan.

 

Dagdag niya, napakahalaga din ang paggabay at pagtulong sa mga kababayan ng pagkakaisang gagawin ng mga lokal na ehekutibo, PNP, C/MDRRMO, MHO at ng mga pamahalaang barangay.

 

Kabilang sa tinalakay ang pagkakaroon ng bawat bayan at lungsod ng operational quaratine o isolation na pasilidad.

 

Tinawag niya ang atensyon ng mga punong lungsod at bayan hinggil sa pagtatalaga ng kanilang sariling quarantine na pasilidad. Ayon pa kay Fernando, pabor din siya sa “No Home Quarantine” dahil mas maiiwasan nito ang hawahan sa pamilya ngunit kung puno na ang mga pasilidad, tsaka lamang maaaring mag-isolate sa bahay.

 

“Makatutulong po ng malaki ang pagkakaroon ng pasilidad para sa mga pasyente ng COVID-19 sa pagpigil sa paglobo ng mga positibong kaso. Gayundin, katuwang po ninyo kami sa paghahatidng mga asymptomatic na pasyente ng COVID-19 sa mga quarantine facilities,” ani Fernando.