IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga ahensiya at local government units (LGUs) na simplehan lamang ang pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangan.
Sinabi nito na inabisuhan na niya ang mga ahensiya at LGUs na iwasan na ang pagkakaantala o delay.
“What I would like to happen is this: Simplify the giving of the money by asking for a proposal, then that proposal should not be studied by days or by months,” ayon sa Pangulo.
“You just review it and if it says that it’s for food, you give it because it’s for food, kakainin ‘yan. And all assistance connected with the health of a person o ano, ibigay ninyo,” dagdag na pahayag nito.
Binalaan naman ng Punong Ehekutibo ang mga opisyal na mahaharap sila sa parusa kapag nabigo silang gawin ang kanilang tungkulin o obligasyon.
“Pagka kayong may mga complaint, oras na dumating sa akin ‘yan, diretso na ‘yan sa Ombudsman. Bahala na kayo doon sa buhay ninyo. Because the Ombudsman can order you dismissed, order you [to] face charges, criminal or wala,” aniya pa rin.
Ang pamahalaan ay nakapagbigay na ng cash aid at iba pang uri ng tulong sa mga sektor na labis na tinamaan at naapektuhan ng COVID- 19 pandemic.
Napaulat na may 71 percent ng mga Pinoy noong Setyembre ang nagsabing nakatanggap sila ng cash aid mula sa pamahalaan nang sumiklab ang COVID-19 pandemic sa bansa.
Ito ay mas mababa sa 72 percent noong July 2020.
Ayon sa Social Weather Station (SWS) survey, 67% ay tumanggap ng subsidies ng isang beses habang 33% ay tumanggap ng cash aid ng dalawang beses.
Tumanggap naman ang pamilya ng average na P7,531 noong Setyembre at may average total na P6,588.17 cash aid noong July 2020.
Sa Metro Manila, 39% ng pamilya ang nakatanggap ng cash aid ng isang beses lamang, 48% ang dalawang beses, 6% ang tatlong beses, 4% apat na beses at 1% ang limang beses na cash aid.
Sa Metro Manila ang tumanggap ng mas malaking halaga ng cash aid na may average na P11,024, sa Balance Luzon ay P7,481 habang sa Visayas ay P6,6883.
Noong July 2020, ang average total cash aid ng pamahalaan sa bawat pamilya ay P2,670 sa Metro Manila, P845 sa Visayas, P780 sa Balance Luzon, at P222 sa Mindanao.
Ang SWS survey ay ginawa noong September 17-20, 2020 sa pamamagitan ng National Mobile Phone Survey.
Samantala, ang financial assistance program ng pamahalaan ay kinabibilangan ng Department of Social Welfare and Development’s Social Amelioration Program (SAP), Department of Labor and Employment’s Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) at maging ng Small Business Wage Subsidy. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)