INIULAT ng National Electrification Administration ngayong Martes na umabot na sa P30.5 milyon ang inisyal na pinsala ng bagyong Rolly sa electric cooperatives sa mga apektadong lugar.
Ginawa ng NEA ang pahayag batay sa report ng kanilang Di- saster Risk Reduction Management Department.
Ayon sa ahensya, hanggang nitong Martes ng umaga, hindi pa rin naibabalik ang kuryente sa mga lalawigan ng Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, at Sorsogon sa Bicol region.
Patuloy pa umano ang restorasyon sa mga nalalabing apektadong kabahayan na sakop ng Masbate Electric Cooperative, Inc. habang naibalik na ng Ticao Island Electric Cooperative, Inc. ang kuryente sa mga bayan ng Batuan, San Fernando, at San Jacinto at bahagyang naibalik sa Monreal, sa naturang lalawigan.
“The Camarines Sur I, II, III and IV Electric Cooperatives (CASURECO I, II, III & IV), Camarines Norte Electric Cooperative, Inc. (CANORECO), Albay Electric Cooperative, Inc. (ALECO/APEC), and Sorsogon I and II Electric Cooperatives (SORECO I & II) have reported unavailability of transmission services,” ayon sa NEA.
Samantala, sa Calabarzon, patuloy na sinisikap na maibalik ang serbisyo sa mga lugar na sakop ng Quezon I Electric Cooperative, Inc. (QUEZELCO I), First Laguna Electric Cooperative, Inc. (FLECO), at Batangas I and II Electric Cooperatives (BATELEC I & II).
Sa MIMAROPA, iniulat ng Marinduque Electric Cooperative, Inc. (MARELCO) at Romblon Electric Cooperative, Inc. (ROMELCO) ang pagkawala rin ng suplay ng kuryente sa kanilang nasasakupang lugar.
Samantalang sa Eastern Visayas, iniulat ng Northern Samar Electric Cooperative, Inc. (NORSAMELCO) at Samar II Electric Cooperative, Inc. (SAMELCO II) na naibalik na nila ang kuryente sa ilang lugar.
Patuloy pa rin ang restorasyon ng kuryente sa mga nalalabing apektadong bayan, kabilang ang tatlong bayan sa ilalim ng NORSAMELCO at dalawang bayan na sakop ng SAMELCO II.