Matapos ang pananalanta ng mga malalakas na bagyo sa bansa ay nanawagan ang mga lider ng kamara sa pulong ng Pandaigdigang Parlyametaryan ng Climate Vulnerable Forum (CVF) upang magkaisa sa pagtugon sa pamamagitan ng pagsisikap ng lehislatura para mapagaan ang lumalalang epekto ng pabago-bagong klima ng panahon.
Ang CVF Global Parliamentarians Meeting na ginanap noong Nobyembre 25, 2020 ay isang pandaigdigang webinar na inorganisa ng CVF, sa pakikipag-ugnayan sa Inter-Parliamentary Union and Global Center on Adaptation.
Tinalakay sa webinar kung papaano magagamit ang mga praktikal na hakbang para malabanan ang pabago-bagong klima ng panahon sa pamamagitan ng mas mahalaga at ambisyosong hakbang at pandaigdigang pakikipag-ugnayan.
Binigyang-diin ni Speaker Lord Allan Velasco na dapat na madaliin ng mga parlyamentaryan ang mga pagsisikap tungo sa pagpapatatag ng pagtugon sa klima sa gitna ng pandemya at ng lumalalang epekto ng pabago-bagong klima ng panahon.
“Ang tumataas na bilang ng mararahas na bagyo, hurricanes, at pagbaha sanhi ng pabago-bagong klima ng panahon ay nagiging normal na sa buong mundo at ang Pilipinas ay isa mga minalas na masalanta ng pinakamalalakas na kalamidad. Bilang mga parlyamentaryan sa bansang labis na apektado ng mga ito sa buong mundo, kailangan nating gumawa ng mga polisiya na magpapabilis ng paglipat sa matatag na ekonomiya nang hindi natin inaalintana ang pandemyang dulot ng COVID-19… Ang pangangailangang hakbang sa klima ay napakahalaga at madalian tulad ng pangangailangan natin sa bakuna para sa COVID-19,” ani Speaker Velasco.
Idinagdag ni Velasco na umaasa siya na sama-sama silang magtatrabaho ng mga parlyamentaryan ng CVF upang makabuo ng nagkakaisang adyenda sa lehislatura, na titiyak ng isang nagkakaisang daigdig sa paghahanap ng mapanatiling hakbangin.
“Sama-sama tayong maghatid ng mga kinakailangang polisiya na gagabay sa atin tungo sa bagong panahon ng kaunlaran sa ekonomiya batay sa pagpapanatili, pangangalaga sa kalikasan, mas maayos na pagtugon sa panganib at katarungan para sa klima,” aniya.
Samantala, binanggit ni House Committee on Climate Change Chair at Bohol Rep. Edgar Chatto na pinagtibay kamakailan ng kamara ang House Resolution 1377, na nagdedeklara ng isang climate and environmental emergency, na titiyak ng isang pinalakas at nagkakaisang hakbang sa klima sa adyenda ng ehekutibo at lehislatura ng pamahalaan.
“Ang Komite ng Climate Change sa Kamara, sa ilalim ng aking liderato ay ganap na sumusuporta sa pagsusulong ng pagpapanatili at muling nagagamnit na enerhiya. Katunayan, ang resolusyon sa environmental at climate emergency ay nananawagan sa lahat ng mga nangungunang nagbubuga ng usok, mga pandaigdigang industriya at mga lokal na pamahalaan na isulong ang renewable at sustainable energy sources na pinagtibay ngayong araw ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa oras na 7:02 ng gabi. Ito ang pinakaunang deklarasyon ng climate emergency na sumasakop sa buong bansa,” ani Chatto.
Ang CVF ang pinaka nangungunang pandaigdigang samahan ng mga bansang may banta mula sa climate emergency. Mayroon itong 48 bansang miyembro mula sa Africa, Asya, Caribbean, Latin America at Pacific. Ang pagpupulong na idinaos noong ika- 25 ng Nobyembre ay tumalakay sa pinalakas na ambisyon ng mga pamahalaan sa ilalim ng Paris Agreement ngayong taong 2020, na naglunsad ng programa ng mga parlyametaryan mula sa mga bansang may banta ng klima, at tiyakin ang matatag na pagtugon sa klima sa pagitan ng mga hamon na nararanasan tulad ng pandemya at mga kalamidad na may kaugnayan sa klima. (ARA ROMERO)