Naipamahagi na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) ang mahigit PHP724 million na cash subsidy sa mga operator ng pampublikong bus at jeepneys o public utility vehicles (PUVs) na apektado ang kabuhayan dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, ang nasabing ayuda ay napapaloob sa PHP1.158 billion budget para sa Direct Cash Subsidy Program sa ilalim ng “Bayanihan To Recover As One Act” o Bayanihan 2.
Sinabi ni Delgra na magpapatuloy ang pamimigay ng subsidies sa mga naapektuhang mga operators ng pampublikong bus at mga jeepney. Ito ay patunay na determinado ang pamahalaan na sila ay tulungang makabangon, at ‘di sila pababayaan habang dumaranas tayong lahat ng hagupit ng pandemya.
Una nang sinabi ng LTFRB na lampas 110,000 PUV operators na ang nakatanggap ng direct cash subsidy mula sa gobyerno simula nang ilunsad ang programa noong Lunes, ika-16 ng Nobyembre 2020.
Ayon sa LTFRB, ang bawat operator ay nabigyan ng PHP6,500 kada PUV unit na nasa ilalim ng kanilang prangkisa.
Sinabi rin ni Chairman Delgra na sa kabuuang PHP1.158 Billion na inilaan ng pamahalaan para sa subsidy ng mga PUV operator sa ilalim ng Bayanihan 2, 62.53% na ang naipamahagi sa pagtaya noong ika-27 ng Nobyembre 2020 o aabot sa PHP724,516.00
Ayon pa kay Chairman Delgra, ang butal na 37.47% o PHP434,060.000 ay ipapamahagi sa mga PUV operators sa loob ng linggong ito.
Saad ng LTFRB Chairman, naipadala na ngayong noong Martes, ika-1 ng Disyembre 2020, sa mga operator na may “non-LBP accounts” ang PHP48,106,500 na subsidya.
Ang Direct Cash Subsidy Program ay layong magbigay-tulong sa mga operator na hirap makabawi sa kanilang kita dahil sa mga ipinatutupad na safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga pampublikong sasakyan.
Ang mga benepisyaryo ng direct cash subsidy ay mga operators ng mga sumusunod na PUV na may nakatakdang ruta:
– Public Utility Bus (PUB);
– Point-to-Point Bus (P2P);
– Public Utility Jeepney (PUJ);
– Mini-Bus;
– UV Express; at
– FilCab
Ang cash subsidy ay maaaring gamitin bilang pambayad sa utang; sa fuel at iba pang operational at maintenance expenses; pambili ng equipment, supplies o facilities na mahalaga upang maiwasan ang health risks na dulot ng COVID-19 (i.e. face mask, face shield, alcohol, etc.); at iba pang pangangailangan upang maipagpatuloy ang kanilang araw-araw na operasyon.
Ipinamamahagi naman ang direct cash subsidy sa pamamagitan ng Landbank of the Philippines (LBP) Pantawid Pasada Program (PPP) Cash Cards. Kung walang PPP cash cards, ilalagay ito sa existing LBP account ng benepisyaryo o kaya sa existing bank account ng operators sa pamamagitan ng PESONet o INSTAPay. (LASACMAR)