• November 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 9th, 2020

Malakanyang, walang kamay sa impeachment complaint laban kay SC Associate Justice Leonen

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

WALANG kinalaman ang Malakanyang sa naging hakbang na  sampahan ng impeachment complaint si Supreme Court Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen dahil umano sa culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.

 

Ito ay dahil sa bigo di umani si Leonen na makapaghain ng kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) sa loob ng 15 taon mula sa 22 taon niya sa University of the Philippines, na maituturing na paglabag sa Section 17, Article 11 ng 1987 Constitution.

 

Binigyang diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang impeachment complaint ay hindi inindorso ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

 

“Wala pong kinalaman diyan. We don’t even know who the proponents are,” ayon kay Sec.  Roque.

 

Sa ulat, nagtungo sa Kamara si Atty. Larry Gadon nitong umaga para maghain ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

 

Kasama ni Gadon na pumunta sa opisina ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza ang tumatayong complainant na si Edwin Cordevilla, ang Secretary General ng Filipino League of Advocates For Good Government (FLAGG).

 

Si Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba naman ang nag-endorso ng impeachment complaint.

 

Nakasaad sa 41-pahinang impeachment complaint laban kay Leonen,  ang naging “negligent and incompetent” din umano nito dahil sa hindi nito pag-dispose o pagresolba sa 37 kaso sa Korte Suprema sa loob ng 24 buwan magmula nang maisumite ito.

 

Nilabag din umano ni Leonen ang Saligang Batas dahil sa “arbitrarily, willfully, intentionally, [and] deliberately” nitong pinatatagal ang pagresolba sa 21 election protests at 13 quo warranto cases, na pending sa House of Representatives Electoral Tribunal kung saan umuupo ito bilang chairperson.

 

“Respondent failed to consider the implications of these prolonged delays in the lives of the litigants. He should know that when justice is delayed to a fault, uncertainty in the litigants lingers, thereby diminishing trust and confidence in the Court,” ani Cordevilla.

 

Tinukoy din ni Cordevilla na noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III ay naging bias at pinapaburan umano ni Leonen ang Liberal Party sa lahat ng mga kasong kinaharap ng mga ito.

 

Pero nang maupo na si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Cordevila, lahat tinutulan o hindi sinang-ayunan ni Leonen sa mga kaso kung saan karamihan sa mga SC justices ay bumoto ng pabor sa administrasyon.

 

Sa ilalim ng Impeachment Rules kailangang mayroong kongresista na mag-endorso ng impeachment complaint bago ito madala sa Committee on Rules ng Kamara para maisalang sa unang pagbasa at i-refer sa Committee on Justice.

 

Ang komite ang didinig sa impeachment complaint, kung saan maghaharap ng testigo at ebidensya ang complainant at respondent.

 

Sa oras na mapatunayang guilty sa komite, iaakyat ito sa plenaryo upang aprubahan saka naman dadalhin sa Senado, na tatayong Impeachment Court.

 

Si Leonen ay maari lamang maalis sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment bilang isa itong Supreme Court Justice base na rin sa ilalim ng 1987 Constitution.

 

Matatandaan na si Gadon din ang siyang naghain ng reklamong impeachment laban kay dating Chief Justice Ma Lourdes Sereno na napatalsik naman dahil sa quo warranto ng Supreme Court. (Daris Jose)

Ads December 9, 2020

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Fake news hinggil sa nationwide lockdown sa darating na Dec 23 hanggang Jan 3, galing sa kalaban- Malakanyang

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NANINIWALA  ang Malakanyang  na galing sa  kalaban ng gobyerno ang kumalat na balita hinggil sa sinasabing ikinakasang lockdown sa buong bansa sa darating na  Disyembre 23 hanggang Enero 3 ng susunod na taon.

 

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na malinaw na target ng mga nasa likod ng fake news ang galitin ang taumbayan.

 

Giit ni Sec. Roque, halatang-halata na pekeng -peke ang ipinakalat na balita gayung una ng nag-anunsiyo mismo si Pangulong Duterte sa classification ng quarantine protocol para sa buong buwan ng Disyembre.

 

May polisiya ang IATF na hindi  pa babalik sa malawakang pagla-lock down at sa halip, localized na at granular ang magiging siste sa implementasyon ng lockdown sakali man.

 

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na matindi  ang naging hagupit sa ekonomiyang COVID19  kaya’t di na  aniya muli pang mangyayari na ang buong bansa ay muling isa- ilalim sa nationwide lockdown. (Daris Jose)

Duque handang ‘mabinyagan’ ng COVID-19 vaccine; hinimok din ang mga kapwa gov’t officials

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Tinanggap ni Health Sec. Francisco Duque III ang hamon ng isang senador na maturukan ng COVID-19 vaccine para maibsan ang takot ng publiko sa bakuna.

 

Ayon sa kalihim, basta’t dumaan sa evaluation ng Department of Science and Technology (DOST) vaccine expert panel, research ethics board, at Food and Drug Administration (FDA) ay handa siyang gumamit ng dadating na bakuna laban sa coronavirus.

 

“Yes, definitely. That’s a no brainer. I’ll take it for as long as it has undergone the scientific evaluation by the DOST’s vaccine experts panel and the ethics board review and the FDA’s own technical and regulatory evaluation,” ani Duque sa interview ng ABS-CBN News Channel.

 

“The secretary is open to that, at ang buong DOH ay bukas, if I may say, at talagang kung kailangan mauna tayo sa pagbabakuna ay magpapabakuna tayo,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa hiwalay na media forum.

 

Ang pahayag ng kalihim ay tugon sa hamon ni Sen. Bong Go na dapat maunang mabakunahan ang Health secretary at si vaccine czar Sec. Carlito Galvez.

 

Hinimok pa nito ang mga kapwa government officials na sumali na rin sa mga unang makakatanggap ng 1st dose ng COVID-19 vaccine.

 

Paliwanag ng Department of Health (DOH) maituturing nang ligtas at may bisa ang mga bakunang pumasa na sa Phase 3 ng clinical trial.

 

Tiniyak din ng ahensya, na dadaan sa masusing review ng mga eksperto ang mga bakuna kahit pa sabihin ng kanilang manufacturers na epektibo ang dinevelop nilang COVID-19 vaccine.

 

“Itong mga bakuna kapag pumasa Phase 3 ng clinical trial, ibig sabihin ang bakuna ay ligtas at yung efficacy ay na-test na,” ani Vergeire.

 

“Kaya nga itong mga bakunang ito ay sinisigurado natin na kapag pumasok sa bansa we can be able to scrutinize it further.”

 

Ngayon pa lang ay naghahanda na raw ang DOH ng mga hakbang pantapat sa mga anti-vaxxers, o yung mga kontra sa pagbabakuna.

 

Target ng ahensya na bago matapos ang Disyembre ay makapagbahay-bahay na sila para maipaliwanag sa publiko ang mga bakuna.

 

“Please remember also na kapag nagbibigay tayo ng bakuna ay ipapaliwanag ng maayos sa community kung anong mga advantages, the adverse effects, na inherent to that vaccines na magkakaroon ang isang tao.”

 

Batay sa pinakabagong update ng Health department, lumagda na rin ng confidentiality data agreement ang DOST at kompanyang Pfizer. Isa ang naturang dokumento sa mga susi para sa aplikasyon ng clinical trial dito sa Pilipinas.

PASAWAY NA MOTORISTA BINALAAN…

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

INILUNSAD ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang “No-Contact apprehension program” (NCAP) ng lokal na pamahalaang lungsod na ipatutupad sa mga pangunahing lansangan sa Maynila.

 

Isinagawa ang nasabing seremonya sa kanto ng Quirino Avenue at Taft Avenue sa Malate, Maynila kung saan nagbabala si Domagoso ang mga pasaway na motorista na may magbabantay na sa kanila 24/7 at posibleng maharap sa mataas na multa.

 

Ayon kay Domagoso,  may 36 cameras ang nakakalat sa Maynila upang imonitor ang mga pasaway sa kalsada  na madadagdagan pa ito sa mga darating na araw.

 

“24 oras, 7 days a week, 365 days a year, meron pong traffic enforcer kaya lamang technology camera. Then pictures will be taken to those vehicular traffic violators and bills will be sent to your respective home. So whether you are from Mindanao, Visayas, Northern Luzon, Southern Luzon o Metro Manila anytime you pass by Manila isipin niyo lagi may nakabantay sa inyong pamahalaan,” paliwanag ni Domagoso.

 

Layon ng naturang programa na magkaroon ng kusang disiplina ang mga motorista dahil batay sa resulta sa isinagawang pag-aaral, umaabot sa mahigit 700 traffic violators ang nakukuhanan ng isang camera sa loob lamang ng 24 oras.

 

Ayon pa kay Domagoso, maaaring magdulot ng aksidente ang simpleng paglabag sa batas trapiko at maaari din itong magresulta ng trapik sa lansangan.

 

Sa naturang programa, sa oras na makuhanan ng NCAP Camera ang paglabag ng isang motorista sa batas trapiko ay kukunan ang plate number nito at ipadadala ang impormasyon sa tanggapan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kung saan ay iproseso ang impormasyon na nagmula sa Land Transportation Office (LTO).

 

Sinusuri ng MTPB ang video ng paglabag at agad na magpapadala ng isang Notice of Violation (NOV) sa rehistradong may-ari ng sasakyan.

 

“Notices are usually sent within two weeks after the date of the alleged violation via registered mail. Disputes on facts stated in notices are heard at the Manila Traffic Adjudication Board (MTAB) that convenes immediately to address possible citizen concerns,” saad ni Domagoso.

 

Napag-alaman naman kay MTPB Chief of Operation Wilson Chan Sr. na batay sa ordinansa na ipinasa ng konseho ay may pagbabago sa multa laban sa mga pasaway na motorista sa lansangan sa Maynila at ito ay ang mga sumusunod:

 

Counter Flow – ₱3000

Disobedience of Traffic Control Signal / Disregarding Traffic Signs – ₱2000

Obstruction of the Pedestrian Lane – ₱2000

Driving over a Yellow Box – ₱2000

Over Speeding – ₱2000

Reckless Driving – ₱3000

No Seatbelt – ₱3000

No Helmet – ₱2000

Anti-Distracted Driving – ₱3000

Unregistered Vehicle – ₱3000

Disregarding Lane Marking – ₱2000

 

Ang mga multa sa paglabag sa batas trapiko ay dumidiretso sa kaban ng bayan bilang suporta sa civic welfare program ng pamahalaang lungsod. Ang mga obligasyon, multa sa trapiko at parusa ay dapat bayaran sa MTPB, o maaaring ayusin sa pamamagitan ng mga itinalagang bangko o remittance center.

 

Nagbabala naman si Domagoso sa mga traffic violators na hindi sila makakapag-renew ng rehistro ng kanilang sasakyan sa LTO at mahaharap pa sila ng karagdagang multa sa oras na balewalain o hindi mabayaran ang itinakda sa kanilang multa dahil sa paglabag nila sa batas trapiko sa Maynila. (GENE ADSUARA )

April opening target ng NCAA

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Magdiriwang ang sports fans sa Abril sa susunod na taon dahil sabay-sabay na magbubukas ang malalaking torneo sa naturang buwan.

 

Plano rin kasi ng NCAA na simulan ang Season 96 nito sa naturang petsa sakaling maging maayos na ang lahat.

 

Makakasabay ng NCAA sa opening nito ang UAAP na una nang nagpahayag na target nitong umpisahan ang Season 83 sa naturang buwan.

 

Nakalinya rin ang PBA na puntiryang simulan ang Season 46 sa Abril 9.

 

Gayunpaman, pareho ang NCAA at UAAP sa panuntunang “no vaccine, no play” dahil prayoridad ng dalawang collegiate leagues ang kaligtasan ng lahat ng student-athletes, coaches at opisyales.

 

Pero dahil abot-kamay na ang vaccine na posibleng tumuldok sa krisis na dulot ng coronavirus disease (COVID-19), inihahanda na rin ng NCAA ang posibleng pagbabalik-aksyon nito sa 2021.

 

Kaya naman bumubuo na ng sariling bubble concept ang NCAA na posibleng gamitin nito sa Season 96 kung saan pinag-aaralang gamitin ang mga pasilidad ng mga member schools.

 

“Pwede ring school-based siya at apply natin dun ‘yung bubble principle. More or less, ganun ‘yung idea,” ani NCAA President Fr. Vic Calvo, OP ng Letran sa programang Power and Play. Nasa planning stage na ang liga.

 

Kabilang na ang pagpaplano sa apat na mandatory sports na basketball, volleyball, athletics at swimming na mga events na inaasahang tutukan ng husto sa TV coverage ng bagong broadcast partner ng NCAA na GMA-7.

 

Magiging mabusisi ang NCAA Management Committee dahil kailangan pumasa ang bubble concept nito sa standards ng Inter-Agency Task Force lalo pa’t mga student-athletes ang pinag-uusapan.

Sinibak na parak, kulong sa pangongotong

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Isang parak na sinibak sa serbisyo ang dinampot sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Maritime Police matapos ireklamo ng pangongotong ng pera sa mga delivery truck ng isda sa loob ng Navotas Fish Port Complex (NFPC) sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

 

Nakasuot pa ng police field service uniform (FEU) si Don De Quiroz Osias II, 39 ng 63 Rodriguez Subdivision, Dampalit, Malabon city nang arestuhin ng mga tauhan ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) head P/Maj. Rommel Sobrido dakong 8:30 ng gabi sa Bañera St., NFPC matapos tanggapin ang P100 marked money mula kay Pat. Patrick Quinto na umaktong truck helper.

 

Gayunman, tinangka umano ng suspek maglabas ng kung anu mula sa kanyang baywang kaya’t napilitan ang mga operatiba na putukan siya sa hita bago isinugod sa Tondo Medical Center kung saan ito binabantayan ng mga tauhan ng Maritime police habang ginagamot.

 

Narekober ng mga operatiba sa suspek ang P100 marked money, P470.00 at motorsiklo na gamit niya sa kanyang illegal activity.

 

Nauna rito, nakatanggap ng mga reklamo si P/Col. Ricardo Villanueva, hepe ng Regional Maritime Unit-NCR mula sa mga delivery truck drivers ng isda na isang alyas “Don” na nagpapakilalang miyembro ng Maritime police ang humihingi sa kanila ng pera dahilan upang isagawa ng mga tauhan ng MARPSTA ang entrapment operation kontra sa suspek.

 

Positibong kinilala ng mga truck drivers na sina Bryan Alcantara, 36, Gilbert Delia, 48, Cyril John Diaz, 36 at Bonifacio Salinay, 47, si De Quiroz Osias na nanghihingi sa kanila ng pera tuwing dadaan sila sa Bañera St., NFPC, NBBS Proper.

 

Nakatanggap din si Malabon police chief P/Col. Angela Rejano ng impormasyon na ang suspek ay napaulat na nag-AWOl dalawang taon na ang nakalipas matapos pumasok sa serbisyo noong 2008 at pinaghahanap ng pulisya dahil sa kanyang extortion activities sa Malabon city. (Richard Mesa)

Nag-ambag na ng P800 million ang pribadong sector pambili ng COVID-19 vaccines

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Umaabot sa P800 million o $16 million na halaga ang naiambag na ng pribadong sektor para isulong ang multi-platform approach sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.

 

Sinabi ni Lance Gokongwei ng JG Summit, kalahati ng kabuuang mahigit 3 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 na kanilang bibilhin ay ibibigay nila sa Department of Health (DOH) para maibigay naman sa priority sectors na babakunahan.

 

Ayon kay Gokongwei, ang kalahati naman ay ibibigay sa kanilang mga empleyado at mga tauhan.

 

Ang inisyatibong ito umano ng pribadong sector ay bilang pakikiisa sa “whole of nation approach” at bilang pagkilala na dapat walang iwanan, walang kanya-kanya at walang turuan sa pagkuha ng supply ng bakuna ng bansa para sa ating mamamayan.

 

Nakipag-usap na umano ang National Task Force against COVID-19 sa pangunguna ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa AstraZeneca para sa mga bibilhing doses ng COVID-19 vaccine.

WALANG 3RD TRANCHE NG SOCIAL AMELIORATION PROGRAM

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NILINAW  ni DSWD Spokesperson  Director Irene Dumlao na walang 3rd tranche ng Social AmelioraTion Program , sa isang media forum ng National Press Club (NPC).

Sinabi ni Dumalo sa National Press Club (NPC) forum na  sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act, mandato ng DSWD na magbigay lamang ng dalawang tranches.

Sinabi ni Dumlao na sa unang tranche ay nakipag-ugnayan ang DSWD sa mga local government units (LGUs) kung saan nakapamahagi ng P99.9 bilyong ayuda sa higit na 177.6 milyong low income families.

Habang sa 2nd tranche naman ay mahigit P83.7 bilyon emergency subsidy na ang naipamahagi sa mahigit na 14 miylong low income families na kuwalipikadong makatanggap ng ayuda.

Sinabi ni Dumlao  na nagkaroon din ng validation upang matukoy kung may duplication sa aplikasyon ng SAP.

 

Aniya kung nakatanggap na sa DOLE, DA, SSS o kaya may 4Ps ay hindi mabibigyan ng emergency subsidy.

Ang iba naman ay iba ang ibinigay ng impormasyon kaya hanggang ngayon ay wala pang natatanggap.

Nasa P6 bilyon umano ang ibinigay na pondo sa DSWD para maipamahagi  sa mga low income families na nakatira sa granural lockdown areas .

Hanggang nitong Disyembre 3 , sinabi ni Dumlao na mahigit P232.7 milyon na  ang emergency subsidy ang naipamahagi na  sa  mahigit  33 libong pamilya  gayundin sa mahigit 7,500 na low income families na nakatira sa granural areas ay nabigyan na rin ng tulong  na aabot naman sa P42 milyon ang naipamahagi.

Paliwanag nito, ito ay ang pondo sa usapin ng SAP kaya naiintindihan aniya ang usapin na nabanggit ng mga senador sa isang pagdiniog sa senado. (GENE ADSUARA)

 

Nawalan ng interes si Derek Ramsey kay Andrea Torres dahil ang dalaga raw ang masyadong “naghahabol”

Posted on: December 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Nananatiling palaisipan para sa marami ang biglaang hiwalayan ng magkasintahang Derek Ramsay, 44, at Andrea Torres, 30.

 

Sweet pa sila sa isa’t isa at magkasama sa isang frame nang mag-shoot ng Christmas station I.D. ng GMA Network.

 

Pero kasabay ng pag-ere nito noong November 17 ay lumabas ang balitang break na sila.

 

Sa Instagram post ni Derek kahapon, December 6, isang netizen ang humanga sa topless photo ng hunk actor.

 

May haka-haka ang netizen na nawalan ng interes si Derek kay Andrea dahil ang dalaga raw ang masyadong “naghahabol.”

 

Sabi ng netizen (published as is), “kaya nabaliw si @andreatorres eh.

 

“Maloka loka siguro sa katawan mo kaya lang obvious na di mo sya niligawan at sya lang ang naghahabol.

 

“Nawalan ka na siguro ng challenge. Hahaha.”

 

Mariing pinabulaanan ni Derek ang espekulasyon ng netizen.

 

Sabi ni Derek (published as is), “no, man. Andrea is a decent woman.”

 

November 19 nang kumpirmahin ni Derek ang balitang hiwalay na sila ni Andrea, pero tumanggi siyang magdetalye ukol dito.

 

Ang tanging nilinaw ni Derek ay hindi thirdy party ang naging mitsa ng breakup nila ni Andrea.

 

Sabi noon ni Derek, “The breakup has happened so fast. Maybe 2 people are just not meant to be.”

 

Nangako rin si Derek na hindi niya palalampasin ang anumang paninira na maririnig ukol kay Andrea na kanya raw minahal.

 

Noong November 20, naglabas ng official statement si Andrea na nais daw niyang gawing pribado kung anuman ang dahilan ng hiwalayan nila ni Derek.

 

Lubos daw niyang pinahalagahan ang relasyon nila ng aktor kaya nais niyang panatilihin ang respeto niya sa pinagsamahan nila.