Sino nga ba sa atin ang hindi may gusto na magkaroon ng unlimited cash?
Ngunit, ano nga ba ang susi para bumalong ang kuwarta sa iyo?
Magtrabaho ka at i-manage mong mabuti ang pera mo. Huwag waldas. Pero maliban rito, may ilang llife hacks akong ituturo kung paano hindi mawawalan ng laman ang wallet mo at lagi kang may pera.
Una, HUWAG NA HUWAG MONG SASABIHIN NA WALA KANG PERA! Natutuhan ko ito sa Tatay ko. Ang sabi niya, kahit literal na wala ka nang pera, huwag mong sasabihin na wala kang pera. Dapat ay laging positibo lamang ang iyong sagot. Halimbawa, may gusto kang bilhin pero hindi na sapat ang pera mo. Huwag mong sasabihin na “hindi ko na ito mabibili kasi wala na akong pera.”
Sa halip, sabihin mo, “babalikan kita.” Kung may nangungutang naman sa iyo, huwag mo ring sasabihin na, “wala akong pera, eh!” Ganito ang sabihin mo: “May pera ako, kaya lang ay sapat lang sa amin.” Matutong humindi sa maayos na paraan.
Hindi naman sa idini-deny mo ang katotohanan na wala kang pera, pero ito ay isang uri ng positive affirmation na ikaw ay hindi nawawalan ng pera; na laging ang pera ay bumabalong sa iyo. Maaaring na-delay lang, PERO MAY PERA KA! Dapat ay buo ang pananalig mo na ikaw ay matutustusan.
Huwag kang manlalata, manghihina, matutulala, mabubugnot, o iritable kapag wala kang pera. Huwag mong ipahahalata kaninuman na wala kang pera, maski sa iyong sarili! Magtiwala ka na hindi ka mawawalan. Kapag daw kasi sinasabi mo lagi na wala kang pera ay magtatampo nga sa iyo ang pera. Sabi ng tatay ko, maihahaintulad ko ito sa isang pangyayari sa Bible kung saan humingi si Kristo ng tubig na maiinom sa may-ari ng balon, ngunit ikinaila nito na may tubig ang balon. Kaya naman isinumpa siya ni Kristo na hindi na kailanman bubukalan ng tubig ang nasabing balon.
Pangalawa, HUWAG MASYADONG MAHIGPIT SA PERA. Iyong tipo na may pera ka na nga pero ayaw mo pa ring pawalan sa palad mo. Tipong hinayang na hinayang ka kapag may binili ka, kahit gusto mo naman iyong binili mo. Oo, dapat lang naman talaga na i-budget mabuti ang pera. Ngunit, anumang sobra ay masama. Para lang din itong tao. Kapag ang isang tao ay minahal mo ng sobra-sobra at ikaw ay naging obsess at possessive sa kanya, malamang ay masakal siya at iwan ka nito.
Ganoon din ang pera. Habang lalo mong hinahawakan ng mahigpit ang pera, lalo kang nawawalan. Sabi nga, pawalan mo ang isang bagay at tiyak na may papalit. Kapag ayaw mong pawalan ang pera, parang ina-affirm mo sa sarili mo na hindi ka na kasi magkakaroon pa ng pera kaya ayaw mong pawalan ang hawak mong pera. Nangyari na sa akin ito dati. Sobrang sinop ko sa pera. Basta masaya lang ako na nasa wallet ang pera ko. Kahit may gusto na akong bilhin, ayaw ko pa ring bilhin.
Pero ang napapansin ko, napupunta naman sa ibang gastusin ang pera ko tulad ng mga emergency na pagkakasakit. Iyong tipong gagastusin mo ang pinakamamahal mong pera sa bagay na hindi mo naman gusto. Iyong mapapaisip ka na sana, pinang-treat ko na lang sa sarili ko at binili ko na iyong gusto ko. Kaya mula noon ay hindi na ako naging masyadong mahigpit sa pera. Binibili ko na ang lahat ng gusto ko sapagkat ito ay nakapagpapasaya sa aking kalooban. At napapansin ko na bumabalik rin naman sa akin agad ang mga ginagastos kong pera. Magic talaga, pero totoo.
Pangatlo, HUWAG KANG MADAMOT SA PERA, LALO NA SA IYONG PAMILYA. Sabi nga, pagdamutan mo no ang lahat, huwag lang ang pamilya mo, lalong lalo na ang iyong mga magulang. Kung single ka at may kumikita ka, mag-share ka rin naman sa mga gastusin sa bahay kahit pa hindi ka ino-obliga.
Pasayahin mo ang iyong mga magulang. I-treat mo sila gamit ang pera mo. Pero, dapat ay maluwag ito sa loob mo. Hindi iyong nagbibigay ka nga ng pera pero kung ano-ano naman ang naririnig sa bibig mo. Bukod sa pamilya, try mo ring magbahagi ng iyong biyaya sa mga tunay na nangangailangan.
Mag-donate ka ng kahit maliit, basta’t ito ay taos sa iyong puso. Sa ganitong paraan ay mahahatak mo ang positibong enerhiya ng universe. What you sow is what you reap, ika nga. Anuman ang mabuti mong gawin ay tiyak na may boomerang sa iyo. Basta tatandaan lamang na kung tutulong ka, gawin ito ng taos sa puso at walang halong pag-iimbot. Asahan mo na anumang kabutihang ginawa mo ay babalik sa iyo—siksik, liglig at umaapaw pa! (Rey de Leon)