WELCOME sa Malakanyang ang ikinakasa ng pamahalaang lokal ng Maynila, Makati, Pasig, Valenzuela, Navotas at Paranaque na pagbibigay ng libreng bakuna laban sa COVID-19.
Para kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nangangahulugan lamang na maraming budget para bumili ng vaccine.
“Well, unang-una .. lahat po ng transaksyon sa mga manufacturer will be government to government. So, wala naman pong mao-order na independent doon sa mga orders na gagawin po ni Vaccine Czar Sec. (Carlito) Galvez. So, let’s just say we welcome the contribution of the LGUs kasi ang ibig sabihin mas marami tayong budget para bumili ng vaccine. At hindi lang iyon manggagaling sa pondo ng national government,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ulat, ikinakasa na ng pamahalaang lokal ng Maynila ang pagbibigay ng libreng bakuna laban sa COVID-19 na inaasahang ilulunsad sa mga susunod na buwan.
Dahil dito, hinimok kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga residente ng Maynila na magparehistro para sa libreng pagbabakuna laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng www.manilacovid19vaccine.com.
Sinabi ni Moreno na sa pamamagitan ng isang ordinansa na naunang naipasa ng Konseho ng Lungsod ng Maynila na pinamumunuan ni Vice Mayor at Presiding Officer Honey Lacuna at Majority Floor leader Joel Chua ay naging daan ito sa pagkakaloob ng P200 milyon para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.
Pinasalamatan naman ni Moreno si Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ang National Action Plan vs COVID-19 chief implementer at “vaccine czar” Sec. Carlito Galvez Jr., para sa lahat ng suporta sa pagsisikap ng lungsod ng Maynila na labanan ang COVID-19.
Ayon sa alkalde, ang pamahalaang lungsod ay nakatakdang pumasok sa isang advanced marketing agreement contract upang magreserba ng paunang 400,000 dosage ng mga bakuna para sa 200,000 residente. Prayoridad na maturukan ang mga medical frontliners na susundan ng mga senior citizens bago ang mga mamamayan ng Maynila.
Habang isinasagawa ang pagbabakuna, tuluy-tuloy pa rin aniya ang pagbibigay ng libreng swab at serology testing sa lungsod.
“Libreng COVID-19 vaccine para sa LAHAT ng #ProudMakatizens. Naglaan kami ng P1 Billion para tiyakin na walang gagastusin ang bawat Makatizen na mabibigyan ng bakuna. Libre. Ligtas. Para sa lahat,” ani Mayor Abby Binay sa isang online post.
Ginawa ng alkalde ang anunsyo kasunod ng naunang interes ng lokal na pamahalaan ng Maynila at Paranaque na mamahagi ng libreng vaccine supply sa mga residente.
Ayon kay Binay, naglaan ang city government ng P1-bilyon para sa procurement o pagbili ng vaccine supply.
Ito raw kasi ang una sa mga prayoridad ng lungsod ngayong taon para maprotektahan ang kanyang mga residente mula sa coronavirus.
“Hangad ko na pangalagaan ang kalusugan ng bawat #ProudMakatizen ngayong 2021. Una sa prayoridad natin ang pagbili ng bakuna kontra-Covid at ang pagsasagawa ng mass vaccination para sa buong komunidad.”
“We are aiming for 100% vaccination in Makati.”
Sa ngayon sine-set pa raw ng lokal na pamahalaan ang ilulunsad na online registration system para matiyak na ligtas at accessible sa bawat residente ng Makati ang libreng COVID-19 vaccine.
Nakikipag-coordinate rin umano ang lungsod kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez para sa pagbili ng mga bakuna.
“Guidelines for online registration to be announced soon. I want the free COVID-19 vaccine to be available and accessible to ALL Makatizens. Stay safe!”
Batay sa huling anunsyo ng local government, umabot na sa 10,152 ang total confirmed cases ng lungsod. Mula sa kanila, 9,494 na ang gumaling. Habang 376 ang namatay.
Bukod sa Makati City, nag-anunsyo rin ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ng libreng COVID-19 vaccines. Ayon kay Mayor Rex Gatchalian, P150-million na alokasyon naman ang kanilang ilalaan para mabakunahan ang mga residente.
“Our efforts are meant to augment and supplement the initiative of the national government who will take the lead on this endeavor.”
Pati na ang lungsod ng Navotas na mayroon naman daw P20-million alokasyon pambili ng vaccine supply.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, nagkaroon na ng informal survey sa kanyang mga residente, at karamihan sa kanila ay gustong maturukan ng bakuna basta’t susundin ng LGU ang brand na gusto nilang magamit sa populasyon.
Batay sa huling update ng mga LGUs, umabot na sa 8,531 ang total confirmed cases sa Valenzuela; habang 5,458 naman ang sa Navotas.
Sinabi ni Metro Manila Council head Mayor Edwin Olivarez ng Paranaque, hinihintay pa nila ang tugon ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) ukol sa hiling na guidelines para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.
“Some LGUs will be providing budgets so it could help the national government, so the national government can concentrate on provinces, municipalities in the outskirts of Metro Manila,” ani Olivarez sa isang interview. (Daris Jose)