GUMAWA na ng arrangements o pagsasaayos ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa repatriation o pagpapauwi sa mga natitira pang mga Filipino na nasa Kabul, Afghanistan.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, tinatayang nasa 32 Filipino na ang nailikas kagabi, Agosto 15 at ngayon ay nasa Doha na at naghihintay ng kanilang flight pabalik ng bansa.
Samantala, may 19 pang mga Filipino ang inaasahang aalis na rin.
Ang repatriation ay ginawa ng mga employer.
Una nang ipinag-utos ng DFA ang mandatory evacuation ng 130 mga Pilipino sa Afghanistan.
Kaugnay nito, pinabibilisan naman ni Senator Francis Tolentino sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang repatriation ng mga Pilipino na naiipit ngayon sa kaguluhan sa Afghanistan.
Diin ni Tolentino, dapat paspasan ng DFA at DOLE ang paglikas sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) doon dahil kontrolado na ng Taliban ang Kabul at tumakas na rin palabas ng bansa si Afghan President Ashraf Ghani.
Tinukoy ni Tolentino ang report ng Embahada ng Pilipinas sa Islamabad, Pakistan, na tinatayang nasa 200 mga Pinoy pa ang nasa Afghanistan at karamihan sa mga ito nagtatrabaho na hotel manager, propesor, accountant, company managers at inhinyero.
Nasa 75 naman ang mga Pinoy na kasalukuyang nakaabang sa unang gagawing batch ng repatriation.
Paalala ni Tolentino sa DFA at DOLE na sa ilalim ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, obligado ang kinauukulang mga ahensya ng gobyerno na magsanib pwersa upang siguraduhin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa abroad lalo na sa panahon ng kagipitan, digmaan man o iba pang trahedya at kalamidad.