UMABOT sa mahigit kalahating milyong peso halaga ng shabu ang nasamsam sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos matimbog ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Liga, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong suspek na si alyas “Benson”, 45, tricycle driver ng Brgy. Karuhatan.
Ayon kay Col. Cayaban, nagpositibo ang natanggap na impormasyon ng mga tauhan ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng shabu kaya ikinasa ng SDEU ang buy bust operation.
Nang matanggap ang senyas mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga sa kanilang target ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto nila ang suspek dakong alas-9:50 ng gabi sa kahabaan ng Rubber Master Road, Brgy., Lingunan.
Ayon kay PLT Johnny Llave na nananguna sa operation, nakuha sa suspek ang humigi’t kumulang 75grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P510,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money.
Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni NPD Director Ligan ang mga operatiba sa kanilang dedikasyon at pagbabantay. Aniya, ang matagumpay na operasyong ito ay isang patunay ng kanilang pangako na gawing ligtas ang komunidad sa pamamagitan ng pagbuwag ng ilegal na droga. (Richard Mesa)