PINASINAYAAN na ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang Musical Dancing Fountain sa Bonifacio Shrine noong Miyerkoles ng gabi. Sinaksihan din naman ito ng ilang mga opisyal ng Manila City Hall, mga City Councilors at ni Vice Mayor Honey Lacuna.
Naging makulay ang gabi dahil sa makulay na dancing fountain kung saan idinisenyo ito sa pambansang watawat.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng alkalde na walang inilabas na pondo ang pamahalang lungsod ng Maynila o ni singkong duling aniya ay walang ginastos ang mga Manilenyo para sa paggawa ng fountain.
Ito aniya ay sa tulong ng ilang pribadong kumpanya na nagbigay ng malaking suporta upang maisakatuparan ang pagbuhay at pagpapaganda sa Kartilya ng Katipunan.
Ang inagurasyon ayon pa kay Domagoso ay bahagi na rin ng pagsalubong sa Araw ng mga Puso o Valentine’s Day.
Bukod sa Musical Dancing Fountain, inanyayahan din ng alkalde ang publiko na mamasyal sa Fort Santiago sa Intramuros gayundin sa Metropolitan na malapit na ring buksan sa publiko sa buwan ng Mayo 2020.
Ito ay isang simpleng bagay lang na kung saan kahit na anong kinakaharap ninyong suliranin , ng inyong pamahalaang lungsod ay makapagbigay man lamang ng kaunting ngiti sa inyong mga labi ‘ pahayag pa ng alkalde.
Ang Musical Dancing Fountain ay magsisimula alas-6:30 ng gabi hanggang alas 11:30 ng kada-gabi kung saan kada oras ay may 15 minuto lamang magtatagal ang palabas. Labis din ikinagalak ng alkalde ang nasabing proyekto dahil marami aniyang nabigyan ng kaligayan na aniya ay ‘priceless’ tulad ng isang musmos na natuwa sa kagandahan ng fountain nang ito aniya ay tinetesting pa lamang.
Sinabi pa ng alkalde na pikit nirevive ang Kartilya dahil dati aniyang ihian at dumihan ang lugar na labis na napabayaan gayung katabi lamang ito ng Manila City Hall. Kaya naman sa pagkakataong ito, pinasalamatan ng alkalde ang lahat ng tumulong upang maging maayos, malinis at lalo pang gumanda ang Bonifacio Shrine.
“ Unti-unti , unti -unti sa awa ng dios, sa tulong ninyo, muli ang Manila will be vibrant again.” ayon pa sa alaklde.
Samantala, prayoridad na rin ng pamahalaang Lungsod ng Maynila ang paglilinis ng hangin makaraang lumagda ng isang kasunduan ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Isko at ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) para sa pag-install ng “vertical garden” sa mga poste ng LRT-1 sa lungsod.
Ayon kay LRMC President at CEO Juan Alfonso, sa ilalim ng kasunduan ay magkakabit ng dalawang vertical garden sa paligid ng dalawang poste ng LRT-1 na nasa loob ng lungsod ng Maynila kung saan hihikayatin ang ibang mga interesadong partido na pondohan ang pagtatayo ng iba pang mga vertical hardin.
Ang naturang proyekto ay isa sa mga nakikitang solusyon ng alkalde upang mapanatiling malinis ang hangin sa lungsod.
“I’m after clean air and lowering the carbon footprint. Air is difficult to keep clean, water—you can cure it, but the only way to clean our air is through nature,” ani Domagoso.
Matatandaan na isa sa mga pangunahing prayoridad ni Domagoso ay ang maging “green city” ang lungsod ng Maynila dahil malaki ang maitutulong ng mga puno at halaman upang mapanatiling malinis ang ating nalalanghap na hangin bukod pa na malaki ang maitutulong nito para maibsan ang lumalalang pagbaha sa siyudad.
Samantala, siniguro naman ni Alfonso na kukuha sila ng isang dalubhasa para sa magdidisenyo ng mga nasabing vertical gardens. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)