PINABORAN ni Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio kahapon (Martes) ang rekomendasyon ng Selection Committee na isalang sa 4-man Philippine Team na sasabak sa FIBA 3×3 Olympic Qualifying Tournament sina Chooks-To-Go 3×3 top player Joshua Eugene Munzon, Alvin Pasaol, Moala Tautuaa at CJ Perez.
Mula sa mahigit 20 player-candidate, napili ng SBP Selection Committee na pinamumunuan ni Executive Director Sonny Barrios, kasama sina coach Jong Uichico, Pat Aquino, Ronnie Magsanoc at Chooks-to-Go 3×3 Director Eric Altamirano, ang apat na magtatangkang makasikwat ng slots para sa Tokyo Games.
Ang 6-foot-4 na si Munzon ang No.1 ranked 3×3 player sa bansa, miyembro siya ng Pasig sa Chook-to-Go Pilipinas 3×3 at naglalaro sa AMA Online sa PBA D-League. Sumabak din ang Fil-Am swingman sa Saigon Heat at Westports Malaysia Dragons sa Asean Basketball League.
Miyembro naman ng University of the East sa UAAP si Pasaol at kasalukuyang naglalaro sa Zamboanga Family’s Brand Sardines sa Maharlikha Pilipinas Basketball League (MPBL).
Bahagi naman ng 30th SEA Games gold medal team ang 6-foot-8 center na si Tautuaa, ang No.1 overall pick sa 2015 PBA Draft, gayundin si Perez, liyamado sa PBA Rookie-of-the-Year award matapos sandigan ang Columbia Dyip.
Ang 3×3 OQT ay nakatakda sa Marso 18-22 sa Bengaluru, India. Kabuuang 20 koponan ang kompirmadong sasabak sa torneo kung saan nakataya ang Tokyo Olympics slots sa mangungunang tatlong bansa.
Inilabas ng SBP ang desisyon kasabay sa pagpupulong nina International Basketball Federation (FIBA) head of 3×3 basketball Ignacio Soriano at Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 chief Ronald Mascariñas bilang paghahanda sa hosting ng Manila leg ng World Tour Masters na nakatakda sa Mayo 2-3 sa SM Megamall Fashion Hall sa Pasig City.
“For us, Chooks-to-Go has been having excellent 3×3 activities. Last year, they sent teams in the World Tour,” pahayag ni Soriano sa media conference matapos ang pagpupulong. “So, we believe that it’s a great move to be back here with Chooks-to-Go on our side. 3×3 really belongs here.”
Inilunsad at inorganisa ng Chooks-to-Go ang 3×3 league na kinikilala ng FIBA. Sumabak din ang Team Philippines sa World Tour Masters sa abroad at Challengers league at nag-host ng Super Quest at Manila Challenger.
Bunsod nito, nakakuha ang bansa ng kinakailangang puntos upang magkwalipika sa Olympic Qualifying Tournament sa Marso sa India.
“The main purpose of this is to discuss our preparation for the Manila Masters. We are just so glad that FIBA is strengthening its ties with us,” pahayag ni Mascariñas, pangulo ng Bounty Agro Ventures Inc.
Iginiit ni Mascariñas na tapik sa balikat sa programa ng bansa sa 3×3 ang hosting ng World Tour kung saan darating ang pinakamahuhusay na player sa mundo, kabilang ang reigning World Tour champion Novi Sad of Serbia at World No. 9 Sakiai Guldel of Lithuania.
“It’s really a treat for Filipino basketball fans as the best clubs in the world are playing on our soil. It will also be a huge boost for our points, this time for the Paris Olympics,” aniya. (E. Rollon)