PINANGUNAHAN ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang groundbreaking ceremony ng itatayong kauna-unahang overseas Filipino workers (OFW) Hospital sa bansa na makikita sa San Fernando City, Pampanga kasabay ng pagtiyak na patuloy niyang itinutulak ang pagpapasa ng batas na layong magbuo ng isang departamentong tututok sa pangangailangan at hinaing ng OFWs.
Ayon kay Sen. Go, ang isa sa mahalagang parte ng legislative agenda na kanyang isinusulong sa Senado ay ang pagtatatag ng Department of Overseas Filipinos na ang mismong may hiling ay mga OFW na kanyang nakadaupang-palad.
“Masakit makitang iniiwan ng mga kababayan natin ang mga pamilya at mahal nila sa buhay upang makapagtrabaho lamang sa mga malalayong lugar. Suklian natin ang kanilang sakripisyo ng mas maayos na serbisyo para sa kanila at kanilang mga pamilya,” ani Go.
Sinabi ng senador na pakay ng panukala niyang itatayong departamento na lalo pang mapabilis at mapabuti ang serbisyo sa mga OFW at ang proseso nito ay maging episyente o kombinyente.
“Sa tulong nitong proposed department na ito, isang lugar na lang po ang pupuntahan nila. Mula sa paghahanap ng trabaho sa ibang bansa hanggang sa pagpoproseso ng mga dokumento at pagrereklamo sa mga employers, diretso na po sila sa iisang tanggapan lang,” aniya.
Noong Hulyo ng nakaraang taon nang ihain niya ang Senate Bill (SB) No. 202 o ang Department of Overseas Filipinos Act of 2019. Tugon ito para masolusyonan ang mga isyu, gaya ng pagsasaayos ng koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan nang sa gayo’y maiwasan ang pagtuturuan kung sino ba talaga ang ahensiyang may responsibilidad lalo sa mga suliranin ng OFWs.
Kapag naisabatas, ipapasa na na mga ahensiyang (1) Overseas Workers Welfare Administration (OWWA); (2) Philippine Overseas Employment Administration (POEA); (3) Commission on Filipinos Overseas (CFO); (4) International Labor Affairs Bureau of the Department of Labor and Employment (ILAB-DOLE) at (5) National Reintegration Center for OFWs (NRCO) ang kanilang kapangyarihan, tungkulin, pondo, rekord, kagamitan, pag-aari at mga tauhan sa bagong departamento na lilikhain.
Maging ang powers and functions ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) sa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA) at lahat ng Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) at kanilang mga opisyal sa ilalim ng DOLE ay ililipat sa panukalang bagong ahensiya.
“Sa ngayon po kasi, kung may kailangan ang ating mga OFWs sa gobyerno, kailangan pa po nilang magpalipat-lipat sa iba’t ibang ahensya para makakuha lang ng serbisyo. Bukod sa nakakapagod na, nakakaaksaya pa ng oras at pera,” ani Go tungkol sa hirap na dinaranas ng OFWs bago makakuha ng serbisyo ng gobyerno.
Sa pamamagitan din nito, sinabi ng senador na masusugpo na rin ang paglaganap ng illegal recruiters na nambibiktima ng mga Filipino na nais magtrabaho sa ibang bansa.
Lilikhain din ang Overseas Filipinos Assistance Fund para sa migrant workers na nagkakaproblema at nangangailangan ng life savings funds sa oras ng kagipitan.
“Magbibigay din po ito ng tulong para sa training, pati na rin ng livelihood loans para sa mga OFWs natin na nais nang bumalik ng Pilipinas for good,” anang senador.
Pinasalamatan ni Go ang lahat ng government agencies at organizations na nagtulong sa pagpaplano para mabuo at matuloy ang pagtatayo ng unang OFW Hospital.
“It is a joy to be able to work with so many people who are putting their hearts into improving the protection and welfare of our modern-day heroes,” aniya. “With over ten million OFWs worldwide, I believe that this project will go a long way towards improving the welfare of our migrant workers and their families.” (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)