• December 30, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 6th, 2020

3 SUGATAN SA SUNOG SA MALABON

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

SUGATAN ang tatlong katao, kabilang ang isang fire volunteer habang nasa 150 pamilya naman ang nawalan ng tirahan makaraang sumiklab ang sunog sa isang residential na mga kabahayan sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

 

Ayon kay Malabon City Fire Marshal Supt. Michael Uy, bandang alas-3 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa bahay na inuokupahan ni Lita Quitlong sa Letre, Brgy. Tonsuya, ng lungsod hanggang sa mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.

 

Napaulat na wala si Quitlong sa kanyang bahay nang sumiklab ang hindi pa matukoy na pinagmulan ng sunog.
Kaagad inakyat ng BFP ang sunog sa ikaapat na alarma at idineklarang under control dakong alas-4:57 ng madaling araw bago tuluyang naapula alas-6:02 ng umaga kung saan tinatayang nasa P1.5 milyon halaga ng ari-arian ang naabo.

 

Dalawang residente sa lugar ang napaulat na nagtamo ng mga sugat at 2nd degree burn sa katawan habang dumanas naman ng heat exhaustion ang isang fire volunteer. (Richard Mesa)

Tres Marias huli sa P1.3M droga

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

ARESTADO ang tatlong “maria” na sangkot umano sa iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.

 

Unang naaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa Selling, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs, Illegal Possesion of Dangerous Drug ang mga suspek na sina Asia Ambang, alyas Madam, 30, nakatira sa Golden Mosque Compound, Quiapo; Nasser Salik, 27-anyos ng Luzon Avenue, Quezon City; Hanan Otto, alyas Joe Raihan Tantong, 29 anyos ng Golden Mosque Compound, Quiapo, Maynila.

 

Nakuha sa mga suspek ang tinatayang mahigit sa P1.3 milyon halaga ng shabu na may bigat na 200 gramo sa kahabaan ng T.M Kalaw St malapit sa Jorge Bacobo St., Ermita, Maynila.

 

Narekober din sa mga suspek ang P50 libong boodle money na ginamit sa operasyon.

 

Ayon sa MPD-PS 5 nakatanggap sila ng impormasyon na sangkot umano ang mga suspek sa bentahan at pagtutulak ng ng iligal na droga sa Maynila. (Gene Adsuara)

Educational assistance sa HS students, binigay ni Cong. Tiangco

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NAMAHAGI si Congressman John Reynald Tiangco kahapon (Huwebes) ng educational assistance para sa mga junior high school students sa Navotas.

 

Nasa 1,100 mga estudyante mula sa mga pampublikong high school sa lungsod ang tatanggap ng P5,000 para sa school year 2019-2020.

 

Pinaalalahanan ni Tiangco ang mga magulang na siguruhing sa pag-aaral ng kanilang mga anak mapupunta ang perang kanilang natanggap.

 

“Mahirap ang buhay; madaling gastusin ang P5,000 sa loob lang ng isang araw. Kaya kailangang siguruhin natin na gagamitin lang ang perang natanggap para sa edukasyon ng ating mga anak,” aniya.

 

Pinaalalahanan din ng bagitong mambabatas ang mga estudyante na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at pagsikapang makapagtapos.

 

“Ako at ang inyong mga magulang ay may parehong pangarap para sa inyo—na makamit ninyo ang inyong diploma at magkaroon kayo ng oportunidad na makagawa ng magandang kinabukasan para sa inyong sarili,” aniya.
Dagdag ni Tiangco, kung nais nila na mag-aral sa kolehiyo, maaari silang mag-enroll nang libre sa Navotas Polytechnic College.

 

Sa kabilang banda, ang mga gusto namang magkaroon ng technical-vocational skills ay maaaring mag-aral nang libre sa Navotas Vocational Training and Assessment Institute. (Richard Mesa)

Gawilan, flag bearer sa Asean Para Games

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

LABIS ang pasasalamat ng Pinoy swimmer na si Ernie Gawilan matapos mapiling flag bearer ng bansa para sa gaganaping ASEAN Para Games dito sa bansa sa Mayo.

 

Ayon kay Gawilan, lubos ang kanyang pagkagalak sa natatanggap na biyaya, na siya raw magmo-motivate sa kanya upang lalong magpursigi.

 

“Lubos ang aking pagkagalak sa natatanggap na biyaya at lalo ko pang imomotivate ang sarili ko para lalo akong magpursige,” ni Gawilan.

 

Ang 28-anyos na si Gawilan, na tubong Davao City, ang kauna-unahang Pinoy na nakapasok sa 2020 Paralympics bunsod ng kanyang magandang performance noong 2018 Asian Para Games sa Indonesia.

 

Sa naturang kompetisyon, humakot si Gawilan ng tatlong gold medals sa 400-meter freestyle (S7 class), 100-meter backstroke (S7 class) at 200-meter individual medley (SM7 class).

 

Sinabi naman ni Philippine Paralympic Committee president Michael Barredo, karapat-dapat lamang na iginawad kay Gawilan ang pagiging flag bearer ng bansa.

 

Matatandaang dalawang beses na na-postpone ang Para Games at inusog na ito sa Mayo 26 hanggang Hunyo 5 kung saan gaganapin ang karamihan sa mga sports at events sa Metro Manila.

PH 3×3 may award sa PSA

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

May espesyal na parangal ang Philippine men’s 3×3 team na may ticket sa Olympics Qualifying Tournament sa gaganaping SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night ngayong Biyernes sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

 

Mangunguna sina Alvin Pasaol at Joshua Munzon, 2019 Chooks-To-Go Fan Favorite awardee, sa koponan para sa okasyon na mga hatid ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, AirAsia at Rain or Shine.

 

Buhat sa 59th sa simula ng 2019, sumampa ang Pinoy 3×3 sa top 20 para makakuha ng silya sa OQT sa Marso 18-22 sa Bengaluru, India.

 

Kabilan g sa Pool C ang Pinoy ballers kasama ang Slovenia, France, Qatar at Dominican Republic sa 20-team qualifier na hinati naman sa four-group competition.

 

Isa lang ang PH 3×3 men’s team sa halos 200 atleta, personalidad at gurpo na nasa PSA honor roll list.

 

Una sa mga paparangalan ang 30th Southeast Asian Games overall champion Team Philippines, na tinanghal na Athlete of the Year.

 

Pararangalan din sa two-hour program sina world gymnastics champion Carlos Edriel Yulo (President’s award), PH team SEA Games Chef De Mission at PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez (Executive of the Year) at ang alamat na si Efren ‘Bata’ Reyes (Lifetime Achievement Award), at siya ring special guest of honor at speaker ng event. (REC)

Malakanyang, pinalagan ang tila patutsada ni Sen. Gordon

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PINALAGAN ng Malakanyang ang patutsada ni Senator Richard Gordon na hindi mangyayari ang mga krimen na iniuugnay sa POGO industry kung hindi malambot ang posisyon ng administrasyon sa China.

 

Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, hindi kailanman naging malambot si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa anumang usapin na mayroong kinalaman sa national interest.

 

Ayon kay Sec. Panelo, tila hindi kilala ni Senador Gordon si Pangulong Duterte. Decisive ang Punong Ehekutibo.
At katulad nang naunang pahayag ng Malakanyang, ang lahat ng iregularidad at korupsyon na iniuugnay sa anumang proyekto o aktibidad ng gobyerno ay palaging iniimbestigahan at sa oras na lumabas ang finding, agad na aaksyon ang Chief Executive.

 

Hindi rin aniya totoong nasasaktan ang Malakanyang sa tuwing nasasangkot ang China sa mga isyu.
Hindi niya maintindihan kung bakit nasasabi ito ng senador.

 

Malaki ang posibilidad na dahil ito sa una niyang pahayag na dapat ibahagi ni Senator Gordon ang impormasyon nito kaugnay sa money laundering sa bansa.

 

Samantala, sinabi ni Sec. Panelo na bilang opisyal ng pamahalaan ay tungkulin naman talaga nilang makipagtulungan at ibahagi ang mga impormasyong mayroon sila kaugnay sa anomang anumalya o paglabag sa batas, lalo na kung wala pang hawak na impormasyon ang pulisya.

Money laundering, sex trafficking ng ilang Chinese sa PH, isinalang sa hearing

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

INUSISA ng mga senador ang ilang opisyal ng Bureau of Customs (BoC), Bureau of Immigration (BI), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at iba pa dahil sa isyu ng pagpupuslit ng malaking halaga ng pera ng ilang Chinese.

 

Matatandaang sa privilege speech ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon, ipinakita nito ang bulto-bultong pera na ipinuslit sa ating bansa na may halagang $447 million o katumbas ng P22 billion.

 

Sinasabing gamit ito ng mga Chinese sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ilang iligal na aktibidad.
Batay sa batas, sinabi nina AMLC Executive Director Mel Racela at Customs Commissioner Rey Guerrero na maituturing na bilang smuggling ang pagpasok ng ganun kalaking halaga ng pera.

 

Naungkat din sa hearing ang umano’y identity theft at sex trafficking na kinasasangkutan ng ilang Chinese.(Daris Jose)

Utak pipigain sa 75th National Chess tilt

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MASISILAYAN ang pinakamahuhusay na local chess maters sa eliminations ng 75th Philippine National Chess Championships (2nd leg) na gaganapin sa Marso 7, 8, 14 at 15 sa SM Olongapo City Central sa Olongapo City, Zambales.

 

Bukas ang nasabing torneo sa lahat ng Filipino chess players at miyembro ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).

 

Ang Fide Standard rating tournament ay inorganisa ng NCFP sa pakikipagtulungan nina Olongapo City mayor Rolen C. Paulino Jr., Olongapo City Sports & Youth Development sa gabay ni OIC David B. Bayarong, SM Central Olongapo City at ng Olongapo City Elementary School.

 

“One Big Step for your dream of becoming a National Master and have a great chance of having a FIDE Standard Rating (increase your FIDE Standard). This will surely help you to attain your dream of becoming a FIDE Titled Player,” pahayag ni NCFP Assistant Executive Director/International Arbiter Reden “Red” Cruz.

 

“Another chance to qualify for the semi-final and keep the National Master dream alive. 2nd Leg is in SM Olongapo City Central guys sali na!” ani naman ni Fide National Arbiter Joel “Jev” Villanueva.

 

Mag call o text kina NCFP Assistant Executive Director International Arbiter Reden “Red” Cruz (0921-565-1406), Fide National Arbiter Joel “Jev” Villanueva (0950-906-0341) at NCFP Executive Director Atty. Cliburn Anthony Orbe (0918-897-4410) para sa dagdag detalye.

PNP CHIEF GAMBOA, 7 PA SAKAY NG BUMAGSAK NA CHOPPER SA LAGUNA

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

AYON sa dalawang opisyal ng Philippine National Police (PNP), stable na ang kondisyon ni PNP chief General Archie Francisco Gamboa matapos mag-crash ang sinasakyang chopper sa Laguna, bandang alas otso ng umaga, kahapon Marso 5.

 

“Nasa mabuti siyang lagay, maganda po ang kanyang lagay,” saad ni PNP deputy chief for administration Police Lieutenant General Camilo Cascolan, the PNP deputy chief for admi-nistration.

 

Ganito rin ang sinabi ni PNP directorial staff chief Lieutenant General Guillermo Eleazar.

 

“Salamat sa Diyos naman at ang ating chief PNP ay nasa maayos na kalagayan,” pahayag niya sa hiwalay na panayam.

 

Sakay si Gamboa ng isang police chopper nang mag-crash ito sa San Pedro, Laguna kung saan nila ininspeksyon ang impounding area ng Highway Patrol Group.

 

Kabilang sa mga sakay bukod kay PNP Chief General Archie Gamboa ay sina PNP chief-PIO Police Brigadier General Bernard Banac, PNP comptrollership chief Major General Jovic Ramos, chief of the Directorate for Intelligence Major General Mariel Magaway, isang Aide ni Gamboa, ang piloto, at ang dalawang crew ng chopper na sina pilot PLTCOL Ruel Zalatar, co-pilot PLTCOL Rico Macawili at crew na si PSMSGT Louie Cestona.

 

Base sa report ng mga tauhan ng PNP na nasa lugar nang mangyari ang insidente, zero visibility ang lugar dahil sa alikabok nang magsimulang tumaas ang chopper.

 

Hindi pa masyadong naka-kataas ay nagpagewang-gewang muna ang chopper bago ito sumabit sa live wire at bumagsak sa isang kalye sa labas lamang ng compound.

 

Agad ding sumiklab ang apoy sa chopper na maagap namang nirespondehan ng mga naka-antabay na mga bumbero para sa event.

 

Isa sa mga unang nailabas mula sa chopper bago pa man bahagyang nasunog ang isang bahagi ay si Gamboa na inilabas mula sa kanan bahagi ng chopper.

 

2 police generals kritikal ang kondisyon – Dr Bedia

 

KINUMPIRMA ni Dr. Elvis Bedia, presidente ng Unihealth Southwoods Hospital sa Binan, Laguna na comatose na nang dumating sa ospital sina Directorate for Comptrollership Major General Jovic Ramos at Director for Intelligence Major General Mariel Magaway matapos bumagsak ang Bell 429 twin engine helicopters.

 

Sinabi ni Bedia, kapwa nagtamo ng mga sugat sa ulo at mukha ang dalawang police generals.

 

Sa ngayon, nagkamalay na si Magaway na inilipat na sa Asian Hospital.

 

Si Ramos na lamang ang wala pang malay at nananatiling comatose.

 

Pinakamatindi ang tama ni Ramos na nagkaroon ng fracture sa mukha at kailangang operahan.

 

Dinala siya sa St. Luke’s Hospital sa Bonifacio Global City sa Taguig pasado alas-10 ng umaga.

 

Isa pang mataas na opisyal ng PNP na si PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac, ay stable na rin umano ang kondisyon.

 

Sinabi ni Deputy Director Gen for administration Lt Gen Camilo Cascolan sina Ramos at Magaway ang nakaupo sa left side ng chopper kung saan ito ang bahagi ang may malakas na impact ng bumagasak ang chopper.

 

Nagdarasal naman ang mga pulis sa Kampo Crame para sa agarang ikagaling ni PNP chief at ng iba pang mga opisyal ng PNP.

 

Dalawang taon pa lamang ang bumagsak na Bell 429 twin-engine rotary wing aircraft na may tail number RP 3086. Taong 2018 ng ideliver ito sa PNP.

 

Ito ang nag-iisang brand new 8-seater chopper ng PNP.

 

Dalangin ng PCOO, mabilis na pag-recover ng 8 kasama sa crash

 

KAAGAD na nagpaabot ng panalangin ang Malakanyang sa mabilis na pag-recover ni PNP Chief General Archie kasunod ng pagbagsak ng sinakyan nitong chopper sa San Pedro sa Laguna.

 

Sa kalatas na ipinadala ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ay sinabi nitong nananalangin sila na maging maayos si PNP Chief Gamboa ganundin ang mga kasama nito sa nag-crash na Bell 429 chopper.

 

Apela ng Malakanyang sa publiko

 

UMAPELA at nakiusap ang Malakanyang sa sambayanang Filipino na iwasang lumikha ng espekulasyon hinggil sa nangyaring helicopter crash kina PNP Chief General Archie Gamboa at pitong iba pa.

 

Ayon Presidential Spokesperson Salvador Panelo, gumugulong pa ang imbestigasyon at maka-bubuting hintayin na lamang ang magiging resulta ng ikinakasa nang pagsisiyasat kaugnay ng nang-yaring chopper crash.

 

Sa kabilang dako, ikinatuwa naman ng Malakanyang ang balita na wala namang seryosong pinsalang tinamo si General Gamboa at mga kasama nito.

 

Aniya, patuloy na imo-monitor ng Malakanyang ang anumang development sa nangyaring aksidente kaninang umaga sa Laguna.

 

Kaugnay nito ay nananalangin din aniya sila para sa agarang paggaling ng dalawang opisyal na kasama ni Gen. Gamboa na sinasabing nasa kritikal na kondisyon sa kasalukuyan.

 

Samantala, posibleng bisi-tahin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Gamboa at mga kasama nito. (Daris Jose)

MMDA: 117 pedestrians, namatay noong 2019

Posted on: March 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MAY 117 na pedestrians ang naitalang namatay noong 2019 ayon sa report ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung saan sila ay tinatawag na “most vulnerable road users.”

 

Ayon sa datos ng MMDA sa ilalim ng Metro Manila Accident Reporting and Analysis System, noong 2018 ay mayroong 141 na pedestrians ang nasawi at 167 naman noong 2017. Mas mababa ang bilang ng namatay noong nakaraang 2019.

 

“This is because of the continuous efforts of the MMDA in providing traffic engineering solutions and interventions for safer roads,” ayon sa MMDA.

 

Ang nasabing 117 na pedestrians ay umaabot sa 45 percent ng total fatalities noong 2019 kung kaya’t sila ay mga “high-risk” road users.

 

“Pedestrians are the most vulnerable road users. This makes them high-risk safety concerns not only in Metro Manila but nationwide. It has recorded the highest number of deaths yearly and constitute 45 percent of all road traffic fatalities,” dagdag ng MMDA.

 

Samantalang, may naitala namang 4,605 na pedestrians ang nasaktan sa non-fatal road collision noong nakaraang taon.

 

Mas maraming private cars at motorcycles ang may naitalang may pinakamataas na percentage ng road crash kada taon dahil sila ay may malaking bilang ng sasakyan sa lansangan.

 

May 234 na motorcycles, 98 trucks at 80 cars ang nasangkot sa fatal road accidents at crashes noong 2019. Sa ngayon ay mayroong 476,102 na private cars ang tumatakbo sa mga lansangan sa Metro Manila sa naitalang datos noong 2018 habang ang motorcycles naman ay may bilang na 1,284,345 na registered units.

 

Sa kabilang dako naman, inihayag ng MMDA na extended ang libreng sakay sa Pasig River ferry service hanggang Marso 31. Dapat sana ay tapos na ang libreng sakay noong nakaraang Marso 2 subalit ito ay tinuloy pa rin hanggang katapusan ng Marso.

 

“We are happy to hear that people are enjoying the ferry ride going to their destinations. Commuting by ferry have become a way of life for Metro Manila residents. That is why we extended the free rides,” wika ni MMDA Chairman Danilo Lim.

 

Ang Pasig River ferry service ay muling inilungsad noong nakaraang Disyembre, mas marami na ang sumasakay dito upang makaiwas ang mga commuter sa traffic sa mga lansangan.

 

May plano ang MMDA na maglagay pa ng karagdagang ferry stations na itatayo sa Quinta Market, Manila; Circuit sa Makati; at Kalawaan sa Pasig. (LASACMAR)