HINDI na naitago pa ng Malakanyang ang kaakibat na hindi magandang epekto kung patatagalin pa ang modified enhanced community quarantine (MECQ) lalo na sa National Capital Region.
Ito’y sa kabila ng wala pa namang pasiya sa kung ano ang susunod na quarantine protocol na ipatutupad sa Agosto 18.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, dito pa lamang sa Metro Manila kasi ay nasa P18 bilyong piso na ang nawawala sa kada araw dahil sa MECQ.
Bagama’t mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nagsabing ang pinakamabisang paraan para mapababa ang numero ng virus ay patagalin ang MECQ o kaya ang ECQ, hindi na aniya talaga kakayanin pa ito ng ekonomiya.
Bukod aniya sa wala nang mapagkukunan pa ng ayuda ay baka naman mamatay na ang mga tao kung hindi maghahanap buhay sakalit tumagal pa ang MECQ.
“Kung ang tao naman ay hindi makakapagtrabaho, baka mamatay dahil sa kawalan ng hanapbuhay. So, unless si Dr. Leachon po ay pupuwedeng magbigay ng ayuda sa lahat ng nais niya na mapasailalim pa sa MECQ ng dalawang linggo, eh hindi na po talaga kakayanin,” ayon kay Sec. Roque.
Sa ilalim kasi ng MECQ ay limitado pa din ang pagbubukas ng komersiyo habang tigil din ang operasyon ng pampublikong transportasyon na ang tinatamaan ay mga tsuper ng jeep.
Giit ni Sec. Roque, kailangang magtrabaho para mabuhay na siya namang ginagawa na rin ng iba pang mga bansa.
“Kaya nga po ang mensahe po ng ating Presidente, matagal pa po itong COVID, iyan na po ang sinasabi ng WHO, kinakailangan po mabuhay tayo despite and in spite of COVID,” ani Sec. Roque.
” Kinakailangang ingatan po natin ang ating buhay para po tayo ay makapaghanapbuhay. Kaya po nating gawin iyan at ginagawa naman po iyan ng buong daigdig. At hindi lang naman po Pilipinas ang nagkaroon ng surge, 70% po ng mga bansa sa buong daigdig ay nagkaroon ng surge; 70% ng buong daigdig, lumalaban, pinu-pursue po ang pang-araw-araw na buhay nila despite and in spite of COVID,” dagdag na pahayag nito. (Daris Jose)