AMINADO ang Department of Health (DOH) na mas malaking banta ang kapalit nang tinapyas na pondo sa National Tuberculosis (TB) Control Program ng ahensya sa susunod na taon.
“Sa kabila ng mataas na bud- get utilization ng programa sa taong 2019 (99%) at 2020 (96%), Php 502,835,000.00 lamang ang naapprubahan na budget para sa programa para sa taong 2021 base sa nilabas na National Expenditure Program,” ayon sa ahensya.
Paliwanag ng Health department, nakalaan sana para sa diagnostic supplies, TB medication sa mga bata at pasyenteng drug resistant, at preventive therapy ang tinapyas na pondo sa panukala.
Dahil dito, posible raw tumaas ang kaso ng TB sa Pilipinas dahil mababawasan ang tsansa na maka-detect ng mga kaso bunsod ng limitadong supply ng diagnostic test.
“At magkaroon ng kakulangan sa supply ng gamut para sa buwanang gamutan ng pasyente hanggang makumpleto ang kanilang full-course treatment.”
Bukod dito, asahan din daw ang pagmahal sa presyo ng gamutan ng drug resistant TB cases dahil wala ng bisa ang kanilang first line medicine. Kakailangan kasi nila ng mas malakas na antibiotic, kombinasyon ng iba’t-ibang TB drugs at mahabang gamutan.
Ayon sa DOH, kapag hindi naagapan ang banta ay tiyak na mas malaking pondo na ang aasahan para treatment ng drug resistant TB cases sa mga susunod na taon.
“Bukod pa yan sa mga preventive na pamaraan upang tuluyang mawakasan ang pagkalat ng TB.”
Umaasa ang ahensya na magbubunga ang patuloy na lobbying o panawagan para madagdagan ang pondo ng National TB Control Program. Tintingnan daw nila kung pwedeng kumuha sa budget ng ibang infectious disease control programs at ang suporta mula sa Global Fund.
“May mga ongoing procurement ng 2020 na pwedeng magamit sa taong 2021, ngunit hindi pa rin ito sasapat sa pangangailangan ng programa batay sa projected TB cases.”
“Mawawalan din ng buffer ang ating mga pasilidad sa katapusan ng 2021 or sa unang quarter ng 2022.”
Iginiit ng Health department na ang dagdag na budget para sa naturang programa ay makakatulong para matugunan ang kailangang gamot at gamit.
“Para maisakatuparan ang mga stratehiya ng programa tulad ng pagpigil sa pagkalat nito sa iba, agarang pagsuri sa taong may sintomas, at higit sa lahat agarang gamutan para sa taong may sakit na TB.” (Ara Romero)