Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
KANSELADO ang online classes sa Valenzuela City kapag bumabagyo batay sa Panuntunan sa Suspensyon ng Klase sa Panahon ng Distance Learning ng Pamahalaang Lungsod.
Kapag Signal No. 1 ay suspendido ang klase sa pre- school at kindergarten sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Magpapatuloy pa rin ang broadcast ng Valenzuela Live at ang mga talakayan sa klase at ang mga nagdaang aralin ay ia- upload at maaaring mapanood sa itinalagang YouTube channel. Walang klase sa preschool, kindergarten, elementary at high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan kapag Signal No. 2 at maging ang broadcast ng Valenzuela Live at ang mga talakayan sa klase ay suspendido. Maging trabaho ng Depart- ment of Education ay kanselado na kapag Signal No. 3, pati ang broadcast ng Valenzuela Live at talakayan sa klase. Maaaring panuorin ang mga nakalipas na aralin sa itinakdang YouTube channel upang makapagbalik-aral ang mga estudyante at hinihikayat ang sariling pag-aaral gamit ang mga learning modules. Kapag masungit ang panahon ngunit walang babala ng bagyo galing sa PAGASA, pwedeng kanselahin ng lokal na pamahalaan ang mga klase at trabaho. (Richard Mesa)
NANINIWALA si Presidential Spokesperson Harry Roque na mabibigyan ng otorisasyon ang Angkas at Joyride para muling makapag-operate at makabiyahe.
Ayon kay Sec. Roque, ngayong nasa Kongreso na ang bola para makapagpalabas ng Congressional resolution sa rekomendasyon ng IATF para makabiyaheng muli ang Joyride at Angkas, naniniwala aniya siyang itoy mapagbibigyan.
Nasa ilalim aniya tayo ng national emergency lalo’t 50% ng mga negosyo gaya dito sa Metro Manila ang napahintulutan ng magbukas pero nasa 30% lamang ang transportasyon.
“Ako po ay naninindigan nga na bagama’t binato uli ng IATF sa Kongreso iyan na sa pamamagitan ng pag-iisyu ng panibagong congressional resolution ay tingin ko naman po, kapag national emergency na kagaya nito ay pupuwede namang ma-authorize na iyang ganiyang angkas lalo na ang ekonomiya natin sa Metro Manila ay bukas nang 50% pero 30% nga lang po ang ating transportasyon ‘no,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Sa kabilang dako, naniniwala rin si Sec. Roque na mapagbibigyan ng Committee on Transportation ang hiling na makapag- isyu ng resolution pero sana ay magawa ito sa lalong madaling panahon.
“So pinag-aaralan din po iyong emergency powers ng Presidente. Bagama’t ang pagkakaintindi ko naman, handa naman po ang Kongreso, iyong Committee on Transportation, na mag-isyu ng resolution para nga po matuloy iyong pilot study na naging dahilan kaya nakapag-operate initially itong ang Angkas at saka JoyRide,” aniya pa rin.
Hindi aniya maitatanggi na noong unang napahintulutang makapag- pilot study ang dalawang motorcycle TNVS ay marami talagang commuters ang tumangkilik sa Angkas at Joyride.
“ Talaga naman po mula noong sila ay nag-pilot study ng Angkas at JoyRide, halos lahat po talaga ng ating mga mananakay ay sumakay na diyan sa Angkas,” ayon kay Sec. Roque. (Daris Jose)
BIHIRANG bihira na magpanukala ng batas si Senator Lito Lapid kaya naman kapag mayroon ay mapupuna kaagad. Isa dito ang panukalang palitan ang pangalan ng makasaysayang Del Monte Avenue sa pangalan ng hari ng pelikulang Pilipino, Fernando Poe Jr. Marahil kung hindi ka taga San Francisco Del Monte, Quezon City, ay wa epek sayo ito at ok lang siguro para sayo dahil sa dapat lang bigyan ng parangal ang nag-iisang alamat ng pelikulang Pinoy na si – Da King FPJ. Pero bakit pinapalagan ng mga taga QC ang panukala ni ‘Leon Guerrero’?
Sa House of Representatives isa sa mga nagsulong ng panukala sa pagpapalit ng pangalan ng Del Monte Avenue ay si Congresswoman BH Herrera ng Bagong Henerasyon Party-List na naging Konsehala ng QC. Sigurado tayo na maganda naman ang intensyon ng mga mambabatas na ito na magpangalan ng kalsada para kay FPJ sa panahon ng pandemya. FPJ is FPJ, ika nga. Pero bakit nga ba imbes matuwa ang mga taga Del Monte ay mas nais nilang manatili ang pangalang Del Monte Avenue. Maraming panuntunan ang Batas sa pagpapalit ng pangalan ng isang kalye. Hindi maaring palitan kung ang pangalan ay may kaugnayan sa Kasaysayan. At sabi nga ng Philippine Historical Commission kapag mahigit na sa 50 taon ang pangalan ng kalye ay makasaysayan na ito.
Ayon sa Pricipalia Hereditary Council of the Philippines at ng Simbahan ng San Francisco Del Monte ay malalim at maraming siglo (centuries) na ang umukit sa kasaysayan ng San Francisco Del Monte. At ang daan-daang libong naninirahan at nanirahan dito ay nakasanayang nang Del Monte Avenue ang pagkilala sa kalye. Bakit nga ba itong Del Monte pa ang napiling gawing FPJ Avenue? Dito kasi sa matatagpuan ang FPJ Production Studios at minsan ay naging residente si FPJ ng lugar na ito. So kung ito lang ang batayan hindi kaya mababaw ang dahilan ng mga nagpanukala nito at imbes mabigyan ng parangal si FPJ ay dinungisan lang ang pangalan ni DA KING? Ang pagtutol ay hindi dahil ipapangalan kay FPJ ang kalye kundi ang pagpalit sa makasaysayang pangalan ng DEL MONTE. Kung bibigyan natin ng parangal si FPJ ay tanging pagpapalit lamang ba ng Del Monte Avenue ang paraan? O ito lang ang kayang isipin ng mga nagpanukala nito?
Kung buhay kaya mismo si FPJ papayag siya sa panukalang ito na marami ang tumututol? At ano pa bang karangalan ang pwedeng ibigay sa tinaguriang “hari”! Nasa puso at isipan siya ng milyun- milyong Pilipino at hindi na siya mabubura sa kasaysayan. Ano ba ang maidadagdag pa ng pagpapangalan ng isang kalye sa kanyang kadakilaan? Wala na bang ibang paraan? Bakit hindi natin itanong sa DPWH sa kanilang Build, Build, Build program na sa dami ng bagong kalye na wala pang pangalan. Kalabisan bang ibigay kay FPJ ang isa sa mga bagong kalye? National figure si FPJ kaya kahit saan pwede maipangalan ang isang kalye para sa kanya!
Dun ba sa Diosdado Macapagal Avenue tumira ang dating pangulo? Si Epifanio delos Santos ba ay may bahay sa EDSA? Pwede rin na maghanap ng lugar sa kahabaan ng Del Monte upang maglagay ng FPJ Monumento at Museum. O kaya ay isang FPJ High School. Marami pang ibang paraan ng pagpaparangal kay Fernando Poe, Jr. Noong ako ay Konsehal ng QC, may mga sinulong din ang Konseho ng noon na pagpapalit ng pangalan ng mga kalye sa QC. Iba ay welcome sa mga residente kaya okay naman. Pero mayroon din na tinutulan ng mga residente kaya naghanap kami ng ibang paraan para hindi madungisan ang pangalan ng taong pinaparangalan at mabigyan pa rin ng pagpupugay. Tulad ni Justice Cecilia Muñoz Palma. Imbes na panukalang kalye sa New Manila ay nagkaroon ng CECILIA MUÑOZ PALMA HIGH SCHOOL.
May mga pangyayari na mismong pamilya na ang tumutol nang ipanukala na gawing Renato Constantino Avenue ang Panay Ave. Ang pamilya na mismo ang nagsabi na salamat pero huwag na lang. O kaya naman ang plano na palitan ang Bulacan street sa Javier Street o Commonwealth Avenue sa Felix Manalo Ave o kaya EDSA to Cory Aquino avenue. Lahat ng ito ay inurong ng may akda dahil imbes mabigyan ng parangal ang isang tao ay naging kontrobersyal lamang ang panukala. Sa ngayon ay umaapela ang mga taga San Franciso Del Monte sa QC Government at mga Senador na – SAVE DEL MONTE Ave.
Marahil ay maisasabatas nga yan at magiging FPJ Avenue. Nadagdagan ba ang kasikatan ni Da King? O magdudulot lang ito ng sama ng loob sa libu-libong taga doon at ang masakit pa dito ay kahit FPJ na yan ay tatawagin parin ng lahat na DEL MONTE Avenue. Sa buong buhay at mga pelikula ni FPJ siya ang bida at bayani ng naaapi. Dito kaya sa panukalang ito ngayong pandemya pa naman din ay ganun pa rin? May panahon pa para maiayos ito. (Atty. Ariel Enrile-Inton)
PINAKAMAHIHIRAP lamang ang mabibigyan ng libreng bakuna sa COVID-19 at dapat magbayad ang mga may pera.
“Hindi po siya magiging libre sa lahat. Iyong pinakamahirap po ang mabibigyan ng libre. Pero gumagawa rin po tayo ng hakbang para iyong mga may-kaya naman po ay makakabili rin ‘no,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Pero sinigurado ni Roque na para sa lahat ang gagawing pag- angkat at hindi lang para sa mga mahihirap.
Kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte na magkakaroon na ng bakuna laban sa CO-VID-19 sa Abril 2021 base sa pagtaya ni Health Secretary Francisco Duque.
Ayon sa Pangulo, nakausap din niya si Russian Ambassador Igor Khovaev kung saan nag-sabing malapit nang lumabas ang kanilang bakuna.
Nais din aniya ng Russia na magtayo ng planta ng pharmaceutical sa Pilipinas.
Sabi pa ng Pangulo, wala siyang pakialam kung gawang Russia, China o Amerika ang bakuna basta’t ang mahalaga ay magkaroon ng bakuna.
Sinabi rin ng Pangulo na nakahanap na siya ng pera para sa pagbili ng bakuna sa 20 milyong mahihirap na Filipino.
TINAWAG na ‘disadvantage’ ng Commission on Audit ang P12-billion deal ng gobyerno para sa pagpapatayo ng National Government Administrative Center at pasilidad na ginamit noong 2019 Southeast Asian Games sa New Clark City.
Ayon sa state auditor, pinagastos umano ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) ang pamahalaan ng P1 billion noong isinama ang P8.5 billion construction ng sports facilities at athlete’s village sa inisyal na P14.8 billion joint venture deal kasama ang Malaysian firm na MTD Capital Berhad.
Sana raw ay hindi na isiningit ng BCDA sa NGAC joint venture project ang pagpapatayo ng sports facilities sa New Clark City bagkus ay ginamit na lang ito sa iabng requirements alinsunod sa RA 6957, na inamyendahan naman ng RA No. 7718.
Dahil daw kasi sa hakbang na ito ay nadagdagan lamang ang ginastos ng pamahalaan sa pagbabayad ng interes o construction cost.
Ang RA No. 7718 ay ang act na nagbibigay authorization sa financing, construction, operation at maintenance ng infrastructure projects ng private sector at iba pa.
Kasali aniya sa orihinal na kasunduan ang pagtatayo ng govenrment buildings, commercial centers at residential housing.
Sa ilalim ng revised P12-billion joint venture deal, magbabayad ang BCDA ng P9.539 billion sa MTD Berhard imbes na P8.5 billion lamang para sa construction ng sports facilites na ginamit noong 2019 SEA Games.
IKINATUWA ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino ang pagsama ng apat na karagdagang sports sa 2021 Vietnam Southeast Asian Games.
Ilan kasi sa idinagdag na bagong sports ay ang Jiu jitsu, triathlon, bowling at esports.
Sinabi pa ni Tolentino na ang pagsama ng nasabing apat na sports ay mula sa kaniyang kahilingan.
Nakakuha kasi ang bansa ng kabuuang 11 na medalya noong 2019 SEA Games sa mga sports na Jiu jitsu, triathlon at esports.
Isasagawa ang 2021 SEA Games sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2 sa Hanoi, Vietnam.
NAGULAT si Arjo Atayde dahil siya ang napiling representative ng Pilipinas sa December’s Grand Awards and Gala Final sa kategoryang Best Actor in a Lead Role sa katatapos na Asian Academy Creative Awards 2020 National winner para sa iWant Original series na Bagman.
Nang mapanood ang unang sea- son ng Bagman ni Arjo ay iisa ang sinabi ng lahat, makakakuha ng best actor award ang aktor dahil sa napakahusay nitong pagganap bilang si Benjo Malaya na isang barbero na sa ikalawang season ay naging gobernador.
Makakatunggali ni Arjo sina Luo Jin (China) para sa Royal Nirvana, 2019 Chinese television series based on the novel of the same name by Xue Man Liang Yuan Jetsen Huashi Wangju Cultural Media Youku; Anthony Wong (Hongkong), The Repub- lic HK Television Entertainment Company Viu TV; Manoj Bajpayee (India), The Family Man D2R Films Amazon Prime Originals; Miller Khan (Indonesia), Assalamualaikum Calon Imam Viu Indonesia; Bront Palarae (Malaysia), The Bridge Season 2 Vuclip Malaysia and Double Vision at Kha Ra (Myanmar), Spirit of Fight Sea- son 2 Canal and Myanmar Production.
Ang Bagman season 1 ay umabot sa 12 episodes na idinirek ni Shugo Praico asinulat nina Philip King at Lino Cayeno handog ng Dreamscape Entertainment at Rein Entertainment.
Maraming karakter na ang ginampanan ni Arjo sa mga TV series na nilabasan niya simula nu’ng nagsimula siya sa showbiz.
Sa FPJ’s Ang Probinsyano umingay ng husto ang pangalan ni Arjo bilang si Joaquin Tuazon na kinamuhian ng lahat bilang kontrabida ni Coco Martin as Cardo Dalisay, sinundan ng The General’s Daughter bilang si Elai na may autism.
Pero hindi rin siya malilimutan sa mga seryeng E-Boy kung saan sinabihan siya ni direk FM Reyes na ‘mahusay ka’, Dugong Buhay, Pure Love at Hanggang Saan na kasama niya ang inang si Sylvia Sanchez.
Markado rin ang mga karakter na ginampanan ni Arjo sa ilang beses niyang paglabas sa Maalala Mo Kaya tulad ng Bangka 2012, Tsubibo, 2013, Dos por Dos 2014, Liham 2014, Pictures 2015, at Itlog 2016.
Kaya sa December’s Grand Awards and Gala Final ng Asian Academy Creative Awards 2020 ay naniniwala kaming malakas ang laban niya sa mga nabanggit na katunggali. (REGGEE BONOAN)
ITINANGGI ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may utang pa silang higit P930-million sa Philippine Red Cross (PRC) para sa mga isinagawang COVID-19 tests ng private institution.
“As of September 2020, PhilHealth already paid the PRC a total of P1.6 billion for at least 433,263 tests,” ayon sa state- health insurer sa isang statement.
Magugunitang sinabi ng PRC na bigo ang PhilHealth na bayaran ang outstanding balance nito sa kabila ng kasunduan nila ng institusyon na paglalaan ng revolving fund at pagbababa sa presyo ng singil sa testing.
Dahil dito, napilitan ang Red Cross na itigil ang pagtanggap sa COVID-19 tests na naka-angkla ang bayad sa PhilHealth package.
“The PRC cannot commit to these orders unless it has the finances to pay for the orders. This is what makes PhilHealth’s settlement of its outstanding obligations critical,” ayon sa PRC.
Sa ngayon nakikipag-ugnayan na raw ang PhilHealth sa PRC para maibalik ang napagkasunduan nilang serbisyo.
“It is in close coordination with the PRC to thresh out issues pertaining to the said partnership so the PRC can immediately resume accommodating RT-PCR tests for priority sectors that will be paid for by PhilHealth.”
Habang hinihintay ang proseso at resulta ng pag-uusap, may payo ang PhilHealth sa mga apektadong sektor dahil sa pansamantalang paghinto ng PRC.
“In the meantime, it is requesting that specimens from affected sectors be submitted to other accredited testing laboratories to be able to avail of PhilHealth benefits.
Please see complete list at https://www.philhealth.gov.ph/ covid/TestLabs_08312020.pdf.” (Daris Jose)
TATAPATAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga riding-in-tandem criminals sa bansa sa pamamagitan nang pagbili ng mabibilis na motorsiklo.
Sa kanyang mensahe sa bayan kamakalawa ng gabi, pinuna ng Pangulo ang pagtaas ng kriminalidad matapos luwagan ang ekonomiya na sinasamantala naman ng mga tandem o mga magka-angkas sa motorsiklo na gumagawa ng krimen.
“We have seen an upsurge of holdups, street crimes again it’s because of the liberality being offered by the opening of the economy. And of course, people are now allowed to roam freely and to travel. The most convenient way is really ‘yung motor. Kapag nakapatay sila, diretso sakay. I saw one footage ‘yung tinabihan lang,” anang Pangulo.
Balak ni Duterte na mas maging matigas sa pagtutok sa mga kriminal sa nalalabing dalawang taon ng kanyang panunungkulan.
“I really intend to go hard within the last two years of my term pati itong mga kriminal,” ani Duterte.
Aminado ang Pangulo na mahirap makontrol ang mga gumagawa ng krimen gamit ang motorsiklo na kayang lusutan ang buhol-buhol na trapik.
Isa sa solusyon na naisip ni Duterte ay ang pagbili ng mga 250cc na motorsiklo at pagsasailalim sa training ng mga highway patrol.
Ayon sa Pangulo, hindi dapat naka-uniporme ang mga ipakakalat na pulis upang hindi matunugan ng mga nagbabalak gumawa ng krimen. (Ara Romero)