TINATAYANG limang dolyar kada shot ng COVID-19 vaccine ang halaga na kayang ibigay ng kumpanyang Pfizer sa Pilipinas.
Sinabi ni Philippine Ambassador to US Jose Romualdez, alam naman kasi ng Pfizer na nasa tama lang ang estado ng bansa kaya’t handa itong sumingil nang hindi naman ganun kamahal para sa Pilipinas bilang kaalyado rin naman ng Amerika.
Sinabi ni Romualdez na hindi naman na masama ang 5 dollars per shot at maituturing na itong isang magandang balita.
Maliban sa Pfizer ay nagpahayag din ng kahandaan ang isa pang kumpanya sa US na nagde-develop ng corona virus vaccine at ito ay ang Moderna.
Bukod sa Moderna ay naririyan din ani Romualdez ang Johnson and Johnson na puwedeng pagkunan ng supply.
Iyon nga lamang aniya ay nagkaroon lang ng kaunting problema sa kanilang FDA doon.
Subalit, maaaring maayos na umano ito ng Johnson and Johnson sa susunod na buwan.
Sa ulat, bago matapos ang taon, may magandang balita ang pharmaceutical companies na Pfizer at BioNTech. Dahil ayon sa kanila, mayroon ng COVID- 19 vaccine! Ito’y 90% na epektibo base sa mga test na isinagawa nila sa 43,500 na tao. Mula sa anim na bansang US, Germany, Brazil, Argentina, South Africa at Turkey.
Ito ang pahayag ni Dr. Albert Bourla, Chairman at CEO ng Pfizer tungkol sa tagumpay ng kanilang COVID-19 vaccine.
Ayon pa rin kay Dr. Bourla, bagama’t ang magandang balita nilang ito ay hindi pa ang resulta ng final analysis ng ginawa nilang test, positibo siyang malapit na malapit ng mahinto ang pagkalat ng COVID-19. Dahil sa higit na 43,000 na taong naging volunteer ng kanilang vaccine test ay 94 lang sa mga ito ang nagkaroon ng COVID-19. Wala ring naitalang negatibong epekto ito sa kalusugan ng iba pang volunteers na naturukan ng vaccine.
Pero ayon pa rin sa kanya, para ma-achieve ang effectivity ng kanilang vaccine ay kailangan ng dalawang dose ng bawat tao. Ito ay kailangang ibigay na may 3 linggong pagitan. O sa madaling sabi ay magiging effective lang ito sa loob ng 28 days mula ng mabigyan ng nasabing COVID- 19 vaccine.
Ang magandang balita at breakthrough na ito ay ninanais ng Pfizer na maibigay na sana sa publiko bago matapos ang taon.
Ayon kay Sir John Bell, professor of medicine mula sa Oxford University, ang magandang balita na ito mula sa Pfizer at BioNTech ay palatandaan na sa mga susunod na buwan ay magbabalik na rin sa normal ang lahat.
Ganito rin ang paniniwala ni William Gruber, isang vaccine clinical researcher at developer. Ang balitang ito ay maituturing na “extraordinary”. Maaaring sa wakas ay ang hinihintay nating sagot upang maitigil na ang sitwasyong nagbalot sa buong mundo sa takot at kalungkutan.
Pero para naman kay Michael Osterholm, director ng CDC Research and Policy sa University of Minnesota, dapat tayong maging realistic. Dahil sa ngayon ay hindi pa final ang resulta ng analysis na ginawa ng Pfizer at BioNTech. Masyado pang maaga upang ma-predict ang impact nito sa mga taong nabigyan ng vaccine. Magkaganoon man isang bagay ito na dapat maging dahilan upang manatili tayong positibo laban sa sakit
Sa ngayon, ayon parin sa Pfizer at BioNTech ay umaasa silang sa ika-3 linggo ng Nobyembre ay maaaprubahan na ng mga vaccine regulators ang kanilang discovery. Kung sakaling mangyari ito, bago matapos ang taon ay makakapag-supply na sila ng 50 million doses at dagdag na 1.3 billion bago matapos ang 2021.
Nangunguna umano sa listahan ng mabibigyan ng COVID-19 vaccine na ito ay ang mga hospital staff o healthcare workers. Dahil sila ang mas vulnerable at most at risk na mahawaan ng sakit. Hindi pa rin tukoy kung anong mga bansa ang unang mabibigyan ng vaccine kung sakali.
Kaya naman paalala ng mga eksperto, magpatuloy sa pagsasagawa ng COVID-19 preventive measures. Tulad ng pagsusuot ng mask, madalas na paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng social distancing kapag nasa matataong lugar. Dapat ding palakasin ang resistensya laban sa mga sakit. Gawin ito sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansya at pagtulog sa sapat na oras. Makakatulong rin ang pagbabakuna laban sa iba pang sakit upang magkaroon ng dagdag na proteksyon ang iyong katawan. (Daris Jose)