• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 19th, 2020

Giyera sa semis simula na

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Mula sa 12 koponang pumasok sa PBA ‘bubble’ ay tanging ang Barangay Ginebra, Meralco, TNT Tropang Giga at Phoenix na lamang ang natira.

 

Didribol ang best-of-five semifinals series ng apat na koponan para sa hangaring makapasok sa Finals ng 2020 PBA Philippine Cup.

 

Lalabanan ng Gin Kings ang Bolts ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Tropang Giga at Fuel Masters sa alas-3:45 ng hapon sa Game One ng kani-kanilang semis duel sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.

 

Dinomina ng Ginebra ang Meralco sa tatlong beses nilang upakan sa PBA Governor’s Cup Finals.

 

Tinalo ng Gin Kings ang Bolts, 105-91, sa elimination round noong Oktubre 18 na tinampukan ng 20 points ni 6-foot-8 wingman Japeth Aguilar.

 

“Japeth has been pla­ying great basketball so luckily we have a guy that we can match up with him most of the time which will probably give us a better chance of winning games,” sabi ni Meralco head coach Norman Black sa kanilang 6’8 center na si Raymond Almazan.

 

Kumpiyansa naman si Phoenix mentor Topex Robinson sa kanilang tsansa laban sa TNT Tropang Giga ni coach Bong Ravena.

 

“We are always going to be the best version of ourselves and we are going to take our chances against Talk ‘N Text (TNT),” sabi ni Robinson sa kanyang Fuel Masters na yumukod sa Tropang Giga, 91-110, sa eliminasyon noong Oktubre 19.

 

Ito ang unang paghaharap nina Calvin Abueva ng Fuel Masters at Tropang Giga star guard Ray Ray Parks Jr. matapos ang insidente noong Mayo 21, 2019 na isa sa mga na­ging dahilan ng pagkakapataw ng PBA sa ‘The Beast’ ng indefinite suspension.

 

“Magandang match-up ito. Maraming nag-aabang niyan,” sabi ni Abueva, ang 2013 PBA Rookie of the Year, na nakabalik sa PBA matapos ang 16 buwan na suspensyon.

Buong Luzon, isinailalim sa State of Calamity

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

ISINAILALIM ni Pangulong  Rodrigo Roa Duterte ang buong Luzon sa ilalim ng State of Calamity dahil sa serye ng bagyo na tumama sa bansa.

 

Itinuturing na ang pinakahuling bagyo na si bagyong Ulysses ang nagsilbing gatilyo ng malalang pagbaha sa bansa sa mga nakalipas na taon na nag-iwan ng maraming namatay na katao.

 

Ang  State of Calamity ay naglalayong payagan ang local officials na gamitin ang kanilang   emergency funds at magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.

 

“Last night I think I signed the proclamation,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang public address, Martes ng gabi.

 

Ginawa ng Chief Exevutive ang deklarasyon matapos na lumipad tungo sa Cagayan Valley region, kung saan ang weather disturbances at ang malaking pagpapakawala ng tubig mula sa dam ay pinaniniwalaang nakaapekto sa libong pamilya doon.

 

May ilang nananatili sa kanilang bubungan para makatakas sa 2-storey high floods.

 

Nauna rito, inirekomenda ng  Natio­nal Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)  kay Pangulong  Duterte na isailalim sa State of Calamity ang buong Luzon.

 

Ito ay matapos ang sunud-sunod na paghagupit ng bagyong Quinta, Rolly at Ulysses sa Luzon.

 

Ayon kay NDRRMC Exe­cutive Director Ricardo Jalad, nagsagawa ang NDRRMC ng emergency meeting kanina at pinag-usapan ang rekomendasyong state of calamity sa Luzon.

 

Layon nilang matutukan ang epekto na iniwan ng mga magkakasunod na bagyo.

 

Sinabi pa ni Jalad na napag-usapan din sa pagpupulong na mag-convene ang Technical Working Group para sa gagawing joint prevention, mitigation at paghahanda ng mga clusters ng NDRRMC para i-assess ang sitwasyon ng mga dam.

 

Bukod dito, kailangan din muling bisitahin ang historical data para makapaghanda kapag may bagyo, gayundin ang tulong sa mga magsasaka, mangingisda at mga nawalan ng kabuhayan at tirahan.

 

Kaugnay nito, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa NDRRMC chairperson na inatasan niya ang PAGASA na bisitahin ang lugar upang mas mapabuti pa ang sistema sa pagbibigay ng warning hinggil sa pagdating ng bagyo. (Daris Jose)

VP Robredo pumalag sa mga patutsada sa kanya ni Pres. Duterte

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Hindi na nakapagtimpi pa si Vice President Leni Robredo sa sunod-sunod na tirada laban sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.

 

Tinawag ni Robredo na isang “misyogynist” ang presidente.

 

Ito raw ay ang uri ng mga tao na kinamumuhian ang mga kababaihan.

 

Sa isang Twitter post, ipinakita ng bise-presidente ang ginagawa ng kaniyang grupo gabi-gabi para lamang matulungan ang mga nasalanta ng nagdaang bagyo.

 

Masyado raw siyang busy sa pagpupuyat para naman maabutan ng tulong ang mga nangangailangan.

 

Hindi rin nakaligtas mula sa ikalawang pangulo si chief presidential legal counsel Salvador Panelo na umano’y nagsusulsol sa pangulo ng fake news tungkol sa kaniya.

 

Kaya lang naman daw pikon na pikon sa kaniya ang pangulo ay dahil sa kung ano-anong maling balita na isinusumbong ni Panelo.

 

Kahit minsan aniya ay hindi niya tinanong kung nasaan ang presidente noong mga oras na hinahagupit ng kalamidad ang bansa.

 

Naniniwala umano si Duterte na si Robredo ang pasimuno ng “#NasaanAngPangulo” na naging trending sa social media noong kasagsagan ng bagyong Rolly at Ulysses.

‘Old-style Ginebra’ armas ni Cone sa semis vs Bolts

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Sa kanilang pagpasok sa semifinal round ay inasahang muling maglalaro ang Barangay Ginebra sa tinatawag ni head coach Tim Cone na ‘old-style Ginebra basketball’.

 

Ito ang ginamit ni Cone sa 81-73 pagsibak ng No. 1 Gin Kings sa No. 8 Rain or Shine Elasto Painters sa kanilang quarterfinals match sa 2020 PBA Philippine Cup.

 

“We got to go play some old-style Ginebra basketball,” wika ng two-time PBA Grand Slam champion mentor. “We went back to the 90s, played that kind of style of basketball.”

 

Haharapin ng Ginebra sa best-of-five semifinals series ang Meralco na kanilang winalis sa tatlong beses na bakbakan nila sa Finals ng PBA Governor’s Cup.

 

“They have a very, very good team, a lot of quality players on their team, but we’ll be out there figh­ting,” sabi naman ni one-time PBA Grand Slam mentor Norman Black.

 

Sinibak ng No. 5 Bolts ang No. 4 at five-time champions na San Miguel Beermen, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, matapos kunin ang 78-71 panalo noong Biyernes at ang 90-68 tagumpay noong Linggo sa kanilang ‘do-or-die’ game.

 

Ito ang unang semifinals stint ng Meralco sa isang All-Filipino Confe­rence matapos bumalik sa PBA noong 2010.

 

Samantala, itinuring ni Phoenix coach Topex Robinson na ‘magical’ ang kanilang pagpasok sa semis matapos ang 89-88 paglusot sa No. 7 Magnolia sa quarterfinals.

 

“It’s just so magical for us,” ani Robinson. “We’re just so blessed to be here, to grind it out with one of the best teams, a well-coached team.”

 

Lalabanan ng Fuel Masters ang No. 3 TNT Tropang Giga, pinatalsik ang No. 6 Alaska, 104-83, sa quarterfinals, para sa best-of-five semifinals wars na magsisimula bukas.

3 magnanakaw ng motorsiklo arestado sa Navotas

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Arestado ang tatlong hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo habang inuumpisahan na umanong katayin ang ninakaw na motorsiklo sa Navotas city, kahapon ng madaling araw.

 

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang naarestong mga suspek na si Raymond Rey, 36, Marvin Villamor, 24 at Jerwin Tadim, 22, pawang scavengers at mga residente ng Permanent Housing in Brgy. 128, Balut, Tondo, Manila.

 

Ayon kay Col. Balasabas, dakong 2 ng madaling araw nang madiskubre ng factory worker na si Juvanie Lastimozo, 29, na ang kanyang kulay pulang Sym Bonus SR motorcycle na nakaparada sa harap ng kanilang bahay sa 204 Encarnacion St. Brgy. San Rafael Village ay nawawala kaya’t agad itong humingi ng tulong sa mga pulis.

 

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Kaunlaran Police Sub-Station sa pangunguna ni P/SSgt. Reyjie Gruta, kasama ang biktima sa Brgy. San Rafael Village, hanggang sa maispatan ng mga ito ang tatlong katao na sinisimulan ng katayin ang dalawang motorsiklo bandang 3 ng madaling araw.

 

Sinabi ni Lastimozo sa pulisya na isa sa dalawang motorsiklo ay ang kanyang nawawalang motorsiklo na naging dahilan upang arestuhin ng mga pulis ang mga suspek at narekober sa kanila ang mga motorsiklo, kabilang ang isang Honda Beat na may plakang P1168 JC na pinaniniwalaang ninakaw ng mga ito.

 

Sinabi ni Col. Balasabas, ang narekober na Honda Beat motorcycle ay dinala sa opisina ng Anti-Carnapping Unit para matunton ang may-ari nito habang ang mga naarestong suspek ay kinasuhan ng paglabag sa R.A 1-883 o ang New Anti-Carnapping Act  2016 sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

MILK DONATIONS BAWAL SA EVACUATION CENTERS

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

IPAGBABAWAL na ang gatas bilang donasyon sa mga evacuation centers .

 

Ito ang sinabi  ni Health Usec Maria Rosario Vergeire sa kanyang virtual media forum .

Sinabi ni Vergeire, na bawal ang pamamahagi o pagtanggap ng milk donations, commercial baby food at bottles para sa mga bata na nasa edad 2 taong gulang pababa.

Ipinagbabawal din ang paggamit ng pacifiers at tsupon.

Paalala ng opisyal na mas mainam pa rin ang breast feeding para sa mga babies dahil ito ay mahalaga lalo na sa panahon ng kalamidad.

Ginawa ni Vergeire ang paalala dahil may mga evacuess  sa mga evacuation centers na mga sanggol na nangangailangan ng gatas kaya mahigpit na ipinagbabawal ang milk donations. (GENE ADSUARA)

Ivana, mabilis ding umaksiyon para makatulong sa mga nasalanta ng bagyo

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

ANG mga YouTuber o vlogger na katulad ng sexy actress na si Ivana Alawi ang isa sa mga artista na mabilis umaksiyon para makatulong sa mga nasalanta ng bagyo.

 

Personal na nagpunta si Ivana sa Isabela at Cagayan para mamahagi ng kanyang tulong sa Cagayan.

 

Ang naging video niya sa kanyang You Tube vlog na merong 9.92 million subscribers na “Happy Birthday Mama Alawi” ay idinonate niya at siyang ginamit. Hindi pa man niya kinikita o nakukuha ang income mula sa naturang video, pero inadvance na ni Ivana.

 

Sakay si Ivana ng chopper nang magpunta sila ng Isabela at Cagayan.

 

Tuwang-tuwa ang mga taga- Norte sa sexy actress. Karamihan sa mga comments ay, “Ang bait-bait ni Ivana.”

 

Na-appreciate rin nila ang simpleng black shirt at black pants na suot niya na sabi sa comment na nabasa namin, “Ang ganda-ganda ni Ivana sa simpleng suot niya.”

 

Pinuri rin si Ivana ng mga tao roon na nagtanggal daw saglit ng mask kahit alam nilang takot ito sa COVID-19 para lang pagbigyan ang kahilingan ng mga ito na mapakita niya ang kanyang mukha at smile.

 

Hindi ito ang unang pagkakataon na dinonate ni Ivana ang earning ng isa sa kanyang video. Nang mamatay ang vlogger na si Lloyd Cadena, nag-post din ito ng content na lahat ng nakuha niyang income sa ads ng video na yun ay ibabahagi niya sa pamilyang naiwan ng vlogger.

 

*****

 

MAHIGIT 200,000 pesos din ang nalikom ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards sa pagla-livestream niya ng kanyang online game.

 

Lahat ng mga natanggap niya na may stars sa larong Mobile Legends ay may katumabas na halaga at yun nga ang ido-donate niya sa mga nasalanta ng sunod- sunod na bagyo.

 

Kahit sa paglalaro niya at sa gitna ng kabisihan ni Alden ngayon, nagagawa at nakukuha pa rin niyang mag-isip ng paraan para makatulong palagi sa mga nangangailangan.

 

Sabi nga ni Alden sa kanyang Twitter post, “Maraming salamat sa lahat ng nag-donate. Patuloy po tayong tumulong sa abot ng ating makakaya sa nasalanta ng bagyo. God bless and keep safe.”

 

At kahit nga may pandemic, tuloy na tuloy pa rin ang pagdiriwang ni Alden ng kanyang ika-10th anniversary in showbiz. Kaya halos araw-araw rin ang ginagawa niyang pagre-rehearsal para sa kanyang virtual concert na Alden’s Reality sa darating na December 8.

 

Almost sold out na raw ang tickets kaya sa mga gusto pang ma-experience ang virtual concert na ito ni Alden, bumisita lang sa www.gmanetwork.com/synergy

 

*****

 

NAGSIMULA na ng lock in taping ng GMA-7’s series na Babawiin Ko Ang Lahat.

 

Isa ito sa mga serye ng GMA na kung hindi siguro nagkaroon ng COVID-19, malamang ay tapos ng umere.

 

Kasalukuyan na silang nagsisimula ng taping nang magkaroon ng pandemic at mahinto.

 

Pinagbibidahan ito ng bagong tambalan nina Pauline Mendoza at Manolo Pedrosa. Kasama sina Carmina Villarroel, John Estrada at Tanya Garcia.

 

Hindi madali para kay Tanya ang lock in taping dahil may tatlo siyang anak na mga nag-aaral. Ang bunso niya ay 3 year old pa lang.

 

Ipinakita ni Tanya ang video ng ikalawang anak niya kunsaan, unexpectedly, ito ang iyak ng iyak sa unang gabi na wala siya sa inaasahan niyang ang bunso niya ang iiyak.

 

Twenty days ang lock in taping nito at talagang para raw O.F.W. ang pakiramdam. (ROSE GARCIA)

Panukalang nationwide, Luzon-wide academic break kinontra ng CHED

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Tinabla ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga panawagang magpatupad ng academic break sa buong bansa o sa Luzon kasunod ng serye ng mga bagyong tumama sa Pilipinas.

 

Una rito, ilang mga pamatasan ang nagpatupad ng isang linggong class suspension dahil sa iniwang epekto ng mga bagyo, na nagdulot ng problema sa distance learning at mental stress sa mga estudyante.

 

Ayon kay CHED chairperson Prospero De Vera, hindi maaaring gumawa ng iisang desisyon ang komisyon kaugnay sa isyu ng academic freeze.

 

“No to both, especially for the nationwide academic break because the impact of the typhoon and the disasters are different across different parts of the country,” wika ni De Vera sa isang panayam.

 

“Number two, no also to the Luzon-wide (break) because the universities are already deciding on it,” dagdag nito.

 

Para kay De Vera ang mga school authorities at mga lokal na pamahalaan ang nagpapasya tungkol sa deklarasyon ng class suspension, depende sa sitwasyon sa kani-kanilang mga lugar.

 

“We leave that to the school authorities, because different schools and different students and families are affected differently,” anang opisyal.

 

Una rito, maging ang Department of Education ay umalma sa panawagang suspendihin muna ang mga klase matapos ang nangyaring sakuna.

Enchong, walang takot maghubo’t hubad sa ‘Alter Me’

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

KAYA naman pala nasa Top 10 ng Netflix Philippines ang pelikulang Alter Me dahil sa mga sobrang daring ng bida nito na si Enchong Dee.

 

Sumabak sa maraming maiinit na eksena si Enchong at wala itong takot maghubo’t hubad. Ilang beses na pinakita ang puwet niya sa mga sex scenes at ang almost frontal nudity niya.

 

Pinaghandaan daw talaga ni Enchong ang role niya bilang si Uno, isang nauupahan para sa sexual services niya sa alter community.

 

“Naalala ko sinabi ko kay direk RC (Delos Reyes),‘Direk give me another two weeks just to prepare physically.’ Pinakamahirap siguro when you have to bare it all in front of the people where you’re not usually being seen as someone totally naked.

 

“I have to accept at a certain point in the shooting na I told myself, ‘You know what, this will not work if I will have inhibitions. Drop it and let the director take the wheel kapag dating dun sa editing because you know he will take care of you’ and yun din naman yung nakita ko,” sey ni Enchong.

 

Nag-premiere ang Alter Me noong November 15 sa Netflix and will be available across Asia. For more details, visit http://www.netflix.com/alterme

 

*****

 

KABILANG ang Descendants of the Sun PH actress na si Jasmine Curtis-Smith sa mga miyembro ng Aktor PH na personal na nag-abot ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses sa Marikina at Rizal.

 

Bukod kay Jasmine, personal na dumalo rin sa kanilang relief operation sa Marikina noong Nobyembre 13 ang DOTS Ph co-star niya at tagapagtaguyod ng Aktor PH na si Dingdong Dantes at Magkaagaw actress Sunshine Dizon.

 

Umaasa naman ang aktres na makakatulong ang kanilang napaabot na relief goods.

 

“We hope that what small help we can give will be able to assist you the next couple of days and we pray for those who are still trying to manage with what’s left of their homes.”

 

Maliban sa Marikina, bumisita rin si Jasmine kasama ang mga miyembro ng Aktor PH sa San Mateo, Rizal para sa isa pa nilang relief operation.

 

Kasalukuyan din silang lumilikom ng pondo at relief goods para naman sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses sa Cagayan.

 

*****

 

SA gitna ng pinagdaanang kontrobersya ni Ellen DeGeneres sa kanyang show nitong mga nakaraang buwan, tumanggap pa rin siya ng People’s Choice Award noong nakaraang Sunday.

 

Nanalo ang show niya bilang Best Daytime Talk Show.

 

Pinasalamatan ng 62-year old talkshow host ang buong staff and crew ng Ellen kahit nabugbog siya sa ilang alegasyon of creating a toxic work environment.

 

“Thank you, thank you, thank you, from deep down in my heart, I thank you. I am not only accepting this awa rd for myself, I’m accepting it on the behalf of my amazing crew, my amazing staff, who make this show possible.

 

“They show up every single day, they give a 100 percent of themselves, a 100 percent of the time. That’s 250 people times 170 shows a year times 18 years, and if you carry the two and divide it by 11, my point is I love them all. And I thank them for what they do every single day to help that show be the best that we try to make it every single day.

 

“I know this award comes from the people, I say thank you to the people. For all of my fans for supporting me, for sticking by me, I cannot tell you how grateful I am and what this means to me. It’s more than I can possibly tell you, especially right now. I’m going to wipe it down with Lysol and put it on my shelf.”

 

Simula noong bumalik ang show ni Ellen last September, nabawasan ang sponsors nito at hindi na maganda ang performance nito sa ratings game. (RUEL J. MENDOZA)

Harden, tumanggi sa multi-million dollar extension deal ng Rockets; nais nang lumipat sa Nets?

Posted on: November 19th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Usap-usapan ngayon sa mundo ng basketball ang mistulang pahiwatig ni NBA superstar James Harden na ayaw na nitong maglaro sa Houston Rockets sa susunod na season.

 

Ayon sa mga impormante, tinanggihan kasi ni Harden ang dalawang taong contract extension na alok ng Rockets, na umano’y nagkakahalaga ng $103 million o katumbas ng halos P5-bilyon.

 

Ito ay bukod pa sa three-year, $133-million na nananatili sa kanyang kontrata sa Houston.

 

Sinasabing kung sakaling tinanggap ng Rockets guard ang alok ng koponan, siya na ang tatanghalin na kauna-unahang player sa kasaysayan ng NBA na kikita ng $50-million kada taon.

 

Sa halip, determinado raw si Harden na mapuwersa ang Houston na i-trade na ito sa Brooklyn Nets, kung saan pwede itong bumuo ng superteam kasama sina Kevin Durant at Kyrie Irving.

 

Sa ngayon, may inisyal na raw na pag-uusap ang Rockets at Nets ngunit wala pang nangyayaring masinsinang usapan sa pagitan ng dalawang koponan.

 

Wala pa rin aniyang nakikitang indikasyon ang Houston na posibleng ibigay ng Brooklyn kapalit ni Harden, na magiging kapaki-pakinabang sa kanilang panig.