• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 26th, 2020

Wrestling icon na si “Undertaker” nagretiro

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Pormal nang namaalam sa WWE ang sikat na wrestler na si “Undertaker” o Mark Calaway sa totoong buhay matapos ang makulay na career nito sa loob ng 30 taon.

Ginawa ang kanyang pamamaalam sa isang ceremony sa Survivor Series ng WWE.

Nagbigay tribute ang ilang wrestlers sa pangunguna ng tinaguriang kapatid nito na si Kane sa ginawang seremonya.
Noong Hunyo ay inanunsyo na ni “Undertaker” ang pagreretiro  matapos ipalalabas ang kanyang documentary na “Undertaker, The Last Ride.”

Matatandaang huling lumaban ito noong tinalo niya sa WrestleMania 36 si AJ Styles sa laban sa isang bakanteng puntod.

Gamit ang kani-kanilang social media, ipinarating ng ilang wrestler ang kanilang kalungkutan sa pagreretiro ni “Undertaker.”

Nag-post sina John Cena, Triple H at iba pa ng mga larawan na kasama ang sikat na wrestler.

30-M washable facemasks ipapamahagi sa mga nasalanta ng kalamidad – DTI

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Siniguro ng Department of Trade and Industry (DTI) na mamimigay sila ng 30 milyong washable face masks para sa mga nasalanta ng bagyong upang maprotektahan ang mga ito mula sa banta ng coronavirus disease.

 

Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez, sinimulan na nila ang pamimigay ng mga facemasks katuwang ang Office of Civil Defense.

 

Noong isang araw aniya ay nagtungo sila sa apat na evacuation centers sa Marikina upang mamigay ng mga facemasks dahil karamihan daw sa mga residente ay nabasa na ang ginagamit na facemasks.

 

Dagdag pa ng kalihim, aabot na ng 1.5 billion facemasks sa buong Pilipinas ang kanilang naipamahagi na.

 

Patuloy naman ang ginagawang monitoring ng Department of Health sa mga indibidwal na nasa iba’t ibang evacuation centers para tiyakin na nasusunod ang mga umiiral na health protocols.

 

Ang mga evacuees na makikitaan ng sintomas ay kakailanganing sumailalim sa antigen testing upang hindi na kumalat pa sa iba ang sakit.

 

2 Christmas Tree pinailawan sa Navotas

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Bilang hudyat na papalapit na ang kapaskuhan, isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang taunang pagpapailaw sa kanilang malaking Christmas Tree para ipadama sa mga Navoteño ang diwa ng Pasko.

 

Sinaksihan nina Navotas City Mayor Toby Tiangco at Congressman John Rey Tiangco ang isinagawang Virtual Lighting ng Navotas Christmas Tree na matatagpuan sa harapan ng Navotas City Hall Grounds at Navotas City Walk and Amphitheater, ganap na ala-6 ng gabi noong November 21.

 

Ayon kay Mayor Tiangco, para sa kaligtasan ng lahat ay isinagawa ang programa sa pamamagitan ng online sa Navoteño Ako kung saan kabilang din sa mga sumaksi si Vice Mayor Clint Geronimo.

 

Sinabi pa niya na dati ay isang malaking Christmas Tree lang na matatagpuan sa C-4 Road, ngayon ay mayroon na rin isa pang Christmas Tree sa harap ng city hall na sabay nilang pinailawan.

 

Layon nito na ipadama sa mga Navoteño ang diwa ng Pasko sa kabila ng mga maraming pagsubok sa buhay.

 

“Marami man tayong napagdaaanang hamon ngayon taon, buhay na buhay sa atin ang pag-asa ng pagbangon. Sama-sama nating ipagdiwang ang pag-asang ito. Saksihan ang pagliwanag ng ating lungsod sa taunang pag-iilaw sa ating Christmas Tree”, pahayag ng magkapatid na Tiangco.

 

Sa kanilang talumpati sa pamamagitan online, nagpasalamat ang magkapatid na Tiangco sa mga nakiisa sa programa at sa mga nagpaabot ng pagbati sa kanilang kaarawan lalo na sa mga Navoteño. (Richard Mesa)

 

Higit 4M katao apektado ni Ulysses — NDRRMC

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Umabot na sa apat na milyon ang residenteng naapektuhan ng bagyong Ulysses, batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa report ng NDRRMC, pumalo ang kabuuang bilang sa 4,079,739 katao habang 995,476 pamilya ang apektado sa 6,644 barangay sa buong bansa.

Karamihan dito ay mula sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, National Capital Region, at Cordillera Administrative Region.

Naitala rin ang 73 nasawi at 69 sugatan habang 19 pa ang nawawala.

Tanim muna ng punongkahoy bago prangkisa

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

May bagong requirement ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na inilabas kung saan ay kinakailangan munang magtanim ng punongkahoy ang kukuha o di kaya ay mag rerenew ng kanilang prangkisa.

 

Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular 2020-076 na sisimulan sa Dec.1, ay  kailangan magtanim ang aplikante ng isang (1) punongkahoy kada unit na kanilang irerehistro.

 

“The circular initially covers all applicants for the issuance of a new certificate of public convenience (CPC) with at least 10 units, as well as all corporations and cooperatives applying for the extension of their existing franchise,” ayon sa LTFRB.

 

Inaasahan na may humigit kumulang na 50,000 na punongkahoy ang maitatanim sa unang tatlong (3) buwan ng pagpapatupad ng nasabing LTFRB circular.

 

Sa huli, ang bagong polisia ay isasama na rin ang lahat ng aplikante na may minimum na sampung (10) units na may transactions sa LTFRB.

 

Ang mga operators ay kailangan magbibigay ng katibayan na sila ay sumunod sa pinauutos ng LTFRB kung saan sila ay magsusumite ng dokumento na may kasamang litrato ng punongkahoy na kanilang tinanim na magiging parte ng kanilang application.

 

Kinakailangan din na magkipag-usap sila sa local government unit (LGU) kung saan sila ay may opisina o di kaya ay sa concerned area ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa katibayan ng kanilang compliance.

 

Kung hindi nila magagawa ang nasabing requirement ay hindi tatangapin ng LTFRB ang kanilang application.

 

Sa kasalukuyan ay mayron na 170,000 na public utility jeepneys (PUJs), 26,000 utility van (UV) express unit, 25,000 public utility buses (PUBs) at 35,000 na transport network vehicle service (TNVS) ang may operasyon sa bansa.

 

Ayon sa LTFRB, ang sunod-sunod na natural disasters nitong taon ay tumawag sa pansin ng pamahalaan upang gumawa ng drastic measures at coordinated measure sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

 

Ang LTFRB board ay nagsangayon na sila ang magsimula ng ganitong pagpupunyagi na magtanim ng punongkahoy upang gawing pre-condition sa pagbibigay ng prangkisa.

 

Noong nakaraang Linggo, si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade matapos ang sunod-sunod na bagyo na siyang naging sanhi ng pagbaha ang siyang unang nagmungkahi nag gawing sapilitan ang pagtatanim ng punongkahoy sa pagkuha ng prangkisa, lisensiya at permits.

 

Ito ang magiging kontribusyon ng transport sector sa reforestation program ng pamahalaan. (LASACMAR)

Sundalo at pulis, kasama sa prayoridad na mabakunahan ng Covid -19 vaccine

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang mga sundalo at mga pulis ay kasama sa prayoridad na mabakunahan sa oras na maging available na ang COVID-19 vaccine at handa na para ipamahagi.

 

Sa public address ng Pangulo, Lunes ng gabi ay inulit nito ang kanyang mga nagdaang pahayag na iprayoridad ang mga pulis at  military personnel kapag nagsimula na ang pagpapabakuna sa Mayo  2021.

 

“I need a healthy military and police kasi kapag magkasakit lahat ‘yan, wala na ako maasahan, wala tayo mautusan,” ayon sa Pangulo.

 

Kaya, humingi ng pang-unawa si Pangulong Duterte sa publiko sabay sabing ang mga uniformed personnel ay mga  “errand boys” ng taumbayan.

 

Tinukoy ng Pangulo ang kamakailan lamang na rescue efforts  na ginawa ng mga uniformed personnel matapos ang sunud-sunod na bagyo na naminsala sa bansa.

 

“Kita naman ninyo ‘yung baha sa Luzon. Kita ninyo military, Coast Guard, lahat na pumupunta doon, at pulis. And then they have to take care of the law and order situation. Huwag na ninyo masyado pahirapan ‘yung pulis, wala naman kayong gawin. Matulog na lang kayo kaysa mag-inuman diyan tas magkagulo,” ang pahayag ni Pangulong Duterte.

 

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na maaari nang simulan ng Pilipinas ang   COVID-19 vaccines sa publiko sa buwan ng Mayo sa susunod na taon.

 

Ani Galvez, tinitingnan ng pamahalaan na mag-advance procurement ng  24 million vaccines sa loob ng first quarter ng susunod na taon.

 

Ang  initial batch ng bakuna ay para sa mga frontliners, indigents, at  vulnerable sectors. (Daris Jose)

“Caregivers Welfare Act” pasado na

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Pasado na sa pinal na pagbasa ang mga panukala na nagsusulong ng kapakanan ng mga caregiver at pagpapalawig sa proteksyon ng mga kababaihan laban sa diskriminasyon.

 

Layon ng House Bill 135 o ang “Caregivers Welfare Act” na gawing polisiya ang proteksyon sa mga caregivers, sa kanilang pagganap sa kanilang mga tungkulin.

 

Batay sa panukala, mandato ng Kalihim ng Labor and Employment na tiyakin ang proteksyon ng mga caregivers na inarkila sa pamamagitan ng mga pribadong ahensiya ng paggawa.

 

Ang mga ahensiyang ito ang mananagot sa mga employer ng lahat ng sahod, mga benepisyo sa sahod at iba pang mga benepisyo na karapat-dapat lamang sa caregiver.

 

Kaugnay nito, ipinasa rin sa pinal na pagbasa ang HB 7722 na naglalayong palawigin ang Presidential Decree 442 o ang “Labor Code of the Philippines” na nagbabawal sa pagtanggi sa sinumang babae ng mga benepisyo sa trabaho at iba pang mga benepisyo sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas dahil lamang sa kanyang kasarian.

 

Aprubado rin sa pinal na pagbasa ang mga panukalang: HB 7112 na tumutukoy sa paggamit ng chlorine bilang nakakalasong sangkap sa lahat ng aktibidad ng pangingisda; HB 7596, na naglalatag ng mga mekanismo upang matiyak ang epektibong implementasyon ng RA 10176 o ang “Arbor Day Act”; HB 7647, na nagdedeklara sa ika-7 ng Abril kada taon bilang Barangay Health Workers Day o BHW Day; at HB 7701, na nagdedeklara sa ika-31 ng Oktubre bawat taon bilang National Savings and Financial Literacy Day.

 

Gayundin ang substitute bill na naglalayong atasan ang mga kompanya ng kuryente at telekomunikasyon sa wastong pagkakabit at pagmamantine ng mga kawad ng kuryente, at mga kable ng telekomunikasyon para sa kaligtasan ng publiko at kaayusan.

 

Sinabi ni Baguio City Rep. Mark Go, pangunahing may akda ng panukala, na ang mga nakalawit, nakalundo at mabababang kawad ng kuryente, kasama na ang mga nakatagilid na poste ay nagkalat sa mga lansangan sa buong bansa at nakakasira ng tanawin sa mga komunidad at kalunsuran.

 

Ayon sa mambabatas, marami nang ulat ng mga aksidente na naging sanhi ng kamatayan dahil sa mga nakalawit na kawad at kable.

 

Aniya, dapat lamang na mapanagot ang mga kompanya ng mga pampublikong utilities sa kanilang kapabayaan, hindi lamang sa mga lugar ng kanilang operasyon, kungdi pati na rin ang kalidad ng kanilang serbisyo at kung papaano nila ito isinasagawa.

 

Ang substitute bill ay mula sa mga House Bills 515, 646, at 4222 na iniakda rin nina Bataan Rep. Geraldine Roman at Parañaque City Rep. Joy Myra Tambunting.

 

Samantala, matapos ang pinagsanib na pagpupulong ng dalawang Komite ay ipinagpatuloy ng Komite ng Enerhiya ang kanilang regular na pagpupulong at inaprubahan ang substitute bill sa HB 7060 na naglalayong isulong ang paggamit ng sistema ng microgrid upang pabilisin ang malawakang elektripikasyon hanggang sa mga lugar na kulang o wala pang kuryente sa buong bansa. (Ara Romero)

Taylor Swift, hawak na ang record for most AMA career wins by a single artist

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

SI Taylor Swift ang nagwagi ng top award of the night na Artist of the Year sa American Music Awards (AMAs).

 

Hindi nakadalo sa awards night si Taylor dahil abala ito sa re-recording ng kanyang music catalog.

 

In a pre-recorded video, sinabi ni Taylor: “The reason I’m not there tonight is I’m actually recording all of my old music in the studio where we originally recorded it. So it’s been amazing and I can’t wait for you to hear it. This is a fan-voted award, which means so much to me. You guys have been beyond wonderful all the years of my career, but especially this one, when we’ve been so far apart. We haven’t been able to see each other in concert, but I still feel really connected to you through the music. Your reaction to ‘Folklore’ and all of the ways in which your imagination honored that album.”

 

Napanalunan din ni Swift sa AMAs ang Music Video of the Year (Cardigan) and Favorite Female Pop Artist.

 

Hawak ni Taylor ang record for most AMA career wins by a single artist. She now has a total of 32 AMAs.

 

*****

 

PARA sa fiancee ni Rocco Nacino na si Melissa Gohing, isang surreal moment daw ang nangyaring pag-propose sa kanya ng aktor.

 

Noong magkaroon daw sila ng relationship ni Rocco, alam niyang nahanap na niya ang lalakeng makakasama niya sa kanyang pagtanda.

 

“The easiest “Yes” I’ve ever said in my life! My mom taught me that LOVE is a CHOICE. And that I should choose a husband that I can get through the highest of highs and lowest of lows. To my future husband, I will still choose you over and over again even in the darkest of times because you showed me the stars. I love you Enrico Raphael Quiogue Nacino forever. It still feels surreal when I woke up. It was a dream come true! Walking along while my favorite Christian song was played by wonderful friends in saxophone & guitar ( nicoletejedor & Mike), sunset proposal designed by one of the best ( @gideonhermosa ), Zoom watch party with all of our friends, teammates, coaches & families, covered by one of the best ( @niceprintphoto ), and a dinner with both of our immediate families. But mostly, the man that I prayed for a long time proposed to me with my dream ring by @sepvergara_finejewelry. May God be the center of our lives always.

 

#GohingToBeNacino,” caption ni Melissa sa Instagram.

 

      Pinakita rin ni Melissa ang engagement ring niya sa IG.

 

“Your future Mrs. Nacino. @nacinorocco I don’t know how Nico & Sep knew the exact dream ring that I always wanted. I saved a photo of the same ring I wished for 5 years ago, and now I am actually wearing it. “

 

      Bago si Melissa, na-link romantically si Rocco sa mga aktres na sina Sheena Halili, Lovi Poe at Arianne Bautista.

 

*****

 

LOOKING forward na si Alice Dixson sa kanyang role bilang isang Muslim sa upcoming Kapuso series na Legal Wives.

 

Kuwento ng aktres, bukod sa kanyang paninirahan sa Dubai at Qatar ng ilang taon, marami pa rin siyang natututunan sa kultura ng mga Muslim bilang paghahanda sa kaniyang karakter na si Almirah Macadato.

 

“Now that dumating itong pagkakataon na I can learn more about their culture, it’s quite fascinating actually.

 

      “Ang ganda ng pagkasulat. Kumbaga it doesn’t matter what religion you are. It all boils down to your family, the values that you have. ‘Yun bang the love that you share,” sey pa niya.

 

Ito rin ang unang pagkakataon na makakatrabaho ni Alice sina Dennis Trillo, Andrea Torres, Bianca Umali at Cherie Gil. (RUEL J. MENDOZA)

PDu30, hinikayat ang publiko na i-report ang korapsyon sa mga ahensiya ng pamahalaan at magbigay ng makatutulong na impormasyon sa awtoridad

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ni Pangulong  Rodrigo Roa Duterte ang publiko na i- report ang korapsyon sa mga ahensiya ng pamahalaan at magbigay ng makatutulong na impormasyon sa awtoridad.

 

Sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga tipsters  ay makatatanggap ng gantimpala mula sa pamahalaan.

 

Sa public address ni Pangulong Duterte, Lunes ng gabi ay sinabi nito na ang petty graft ay  “perpetuated almost everywhere” ng ilang corrupt employees sa gobyerno.

 

“Iyong mga nasa window ng business permit, ‘yang mga clearances, papahirapan ang tao kaya ang sabi ko sa inyo, if you want to earn money, good money, ‘pag maganda ang kaso, malaki ang lugi sa gobyerno, report it to the person that you trust without giving your name and number,” ayon kay Pangulong Duterte.

 

“Ang hinihingi ko lang ang opisina at kung magkano, ako na ang mag-follow-up at tsaka ‘yong medyo maliliit, P10,000,” dagdag na pahayag nito.

 

Binalaan naman ng Punong Ehekutibo ang mga mamamayan na tigilan ang  corrupt practices sa ilalim ng kanyang administrasyon.

 

“Huminto talaga kayo maski ngayon lang. Next administration, fine, balik kayo sa dati, wala akong pakialam pero sa ngayon, ‘wag kayo maghinanakit, ‘wag kayo magalit sa akin kasi ako galit din sa inyo,” anito.

 

Sa kabilang dako, binasa naman ni Pangulong Duterte ang ilang pangalan mula sa listahan na sinibak at nahaharap sa kasong administratibo dahil sa maling gawain.

 

Subalit binigyang diin nito na isisiwalat niya ang pangalan ng mga ito sa susunod na linggo.

 

Bagama’t naisapubliko ang ilang pangalan ng mga kurakot na opisyal at empleyado ay tikom naman ang bibig ng Pangulo sa pangalan ng mga kongresista na sangkot sa corrupt practices na may kinalaman sa proyekto sa kani-kanilang distrito.

 

Aniya, hindi niya papangalanan ang mga ito  dahil nabibilang ang mga ito sa “co-equal branch” ng pamahalaan. (Daris Jose)

2 PH golfers swak sa Olympics

Posted on: November 26th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Maaaring dalawang golfers ang pwedeng ipadala ng Pilipinas sa Tokyo Olympics sa susunod na taon kung mapananatili lamang nila ang kanilang pwesto sa rankings, ayon sa secretary-general of the National Golf Association of the Philippines (NGAP).

Sinabi ni Valeriano “Bones” Floro of NGAP, halos sigurado na sina  Bianca Pagdanganan at Yuka Saso na makalalaro sa Tokyo Games sa susunod na taon.

Ito’y matapos silang ma-rank sa Top 60 ng International Golf Federation sa kanilang Olympic Golf Ranking.
Si Saso, sumasabak ngayon sa LPGA sa Japan Tour, ay naka-rank na No. 25, habang si Pagdanganan, na lumalaro naman sa LPGA Tour, ay nasa No. 40.

“Ang kailangan lang natin doon sa dalawang athlete natin is maglaro lang sila ng maglaro,” ani Floro kaugnay sa dalawang sikat na golfer. “Sumali lang sila ng sumali sa mga event nila, and practically pasok na sila.”

Ang qualification period para sa  Tokyo Games ay hanggang June 21 para sa men at June 28 para sa women, kung saan ang Top 60 golfers sa bawat kategorya ay papasok sa Olympics.