Nakahinga na ng maluwag si Aiko Melendez kasunod ng saglit lamang ng isolation matapos magkaroon ng ilang sintomas ng Coronavirus Disease (COVID).
Negatibo kasi ang nakuha nitong resulta sa swab test kaya kaagad ding pinabalik sa trabaho.
Kuwento ng 44-year-old actress, ang pagkawala ng kanyang panlasa ay dahil pala sa tonsilitis o pamamaga ng kanyang lalamunan, maliban pa sa pagkakaroon niya ng karaniwang sipon at sobrang pagod, ayon sa kanyang doktor.
Ayon pa kay Aiko, nitong Biyernes nang magsimulang bumigat ang kanyang pakiramdam habang nasa taping, na nasundan ng pangangati ng lalamunan hanggang sa tuluyang nilagnat.
“So I was sent back to the hotel. I was isolated until I get my result. 45 minutess passed, I got my result, and it was negative and I have tonsillitis,” saad ni Melendez sa pep.
Nabatid na kabilang sa mga sintomas ng deadly coronavirus, ang pagkawala ng panlasa at pagkakaroon ng lagnat ng isang tao.
Si Aiko ay ex-wife ni Jomari Yllana at ngayo’y bagong boyfriend si Zambales Vice Governor Jay Khonghun.
Samantala, aminado si Alden Richards na namimis na nito ang kanyang lolo at lola na matagal na niyang hindi nakakasama sa bahay nito sa Laguna.
Ayon sa 28-year-old actor, pinipili niyang magtiis muna sa gitna ng coronavirus pandemic alang-alang sa kaligtasan lalo’t nasa 80s na ang edad ng kanyang mga lolo’t lola.
Nabatid na negatibo naman sa COVID test ang lola’s boy na si Alden, pero nangangamba na baka ang sapatos nito o ang suot na damit ang may dalang virus.
“And then pagdating ko doon, uwi ako agad. I don’t sleep there. Balik po ako agad dito sa Manila,” kuwento nito sa pep.
Una nang nag-false positive ang resulta ng longtime personal assistant ni Alden, bagay na nakakapagdulot pa rin aniya ng anxiety at panic attack.