TIWALA ang Gymnastics Association of the Philippines (GAP)na kakayanin ni Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo na mabigyan ng unang gold medal ang mga Pinoy sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan na naurong lang ng Hulyo 2021 sanhi ng pandemya.
Ito ang walang takot na pinahayag nitong Biyernes ni GAP president Cynthia Carrion-Norton, bagong halal ding treasurer ng Philippine Olympic Committee (PIC).
Ayon sa opisyal na pinatunayan na ng 20-anyos, may taas na 4-11 at tubong Maynila ang de-kalibe niyang karakas o isang astig na atleta nang makamedalyang ginto sa men’s floor exercise ng 49th World Artistics Gymnastics Championships 2019 sa Stuttgart, Germany.
“Caloy (Yulo) is really training hard for the Olympics and we are hoping that he could finally end our hunger for the first Olympic gold medal,” sambit ng opisyal sa kanyang manlalaro, na nagwagi ng dalawang gold at limang silver medal sa Philippines 30th Southeast Asian Games 2019.
Mahigit isang taon na ring si Yulo na nagti-training camp sa lugar na pagdarausan ng 2021 quadrennial sportsfest sa Tokyo sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC) at pribadong sektor.
Wala pang nakakamit na gold ang ‘Pinas sa Olympics – mapa-Summer o Winter man sapul noong 1924 sa Paris, France. (REC)