• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 9th, 2020

OLYMPICS HOSTING, TABLADO NA SA MGA HAPONES

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MATAPOS ang patuloy na paglaganap sa iba’t ibang panig ng bansa sa mundo ng kinatatakutang corona virus, naging hati ang reaksyon ng mga residente sa Japan kaugnay sa hosting ng kanilang bansa para sa 2020 Tokyo Olympics.

 

Ayon sa ulat, patuloy sa pag-ani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga mamamayan ng Japan ang pwedeng maging pinal na desisyon para sa naturang malaking aktibidad.

 

Lumalabas na karamihan sa residente ang nagsabi na ikanseala na ng tuluyan ang event, habang may ibang positibo pa rin na dapat ituloy na lamang ng komite ang aktibidad.

 

Bagama’t pinagdedebatehan pa rin ng ilang grupo, tuluy-tuloy pa rin aniya ang ginagawang paghahanda ng bansa.
Ayon kay Bravo, base sa International Olympic Committe ay naka-schedule pa rin ang torch relay na nakatakdang gawin sa Fukushima Prefecture sa darating na Marso 26.

 

Sa kabila nito, patuloy aniya ang panawagan ng gobyerno sa Japan na mag-ingat lalo na at lumulobo ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

 

Bago nito, naniniwala ang Olympic minister ng Japan na maaaring ipagpaliban ang Tokyo 2020 Games hanggang sa huling bahagi ng taon dahil sa coronavirus outbreak.

 

Ayon kay Minister Seiko Hashimoto, batay sa kasunduan ng Tokyo at ng International Olympic Committee (IOC), dapat ay maisagawa ang Olimpiyada sa loob ng kasalukuyang taon.

 

Dagdag pa ni Hashimoto, maaaring interpretasyon ito na posibleng may mangyaring postponement.

 

Gayunman, sinabi ng opisyal na ginagawa nila ang lahat upang masiguro na tuloy pa rin ang Olympics batay sa plano.
Sa ilalim ng hosting agreement, nananatili sa kamay ng IOC ang karapatan upang kanselahin ang naturang prestihiyosong sporting event.

 

Kung si IOC president Thomas Bach naman ang tatanungin, kumpiyansa ito na magtatagumpay ang Tokyo Games.
“I would like to encourage all the athletes to continue their preparations with great confidence and full steam,” wika ni Bach.

 

Idaraos ang Olympics mula Hulyo 24 hanggang Agosto 9.

 

Kaugnay nito, napagdesisyunan na rin ng Greece na ipagpaliban muna ang ilang major events sa iba’t ibang rehiyon ng bansa dahil sa nasabing outbreak.

 

Kasama na rito ang Elis kung saan nakatakdang sindihan ang Olympic flame para sa darating na 2020 Tokyo Games.
Nakatakdang isagawa sa Elis ang Olympic torch-lighting ceremony sa Marso 12.

 

Ayon sa health ministry ng Greece, 22 katao na ang nagpositibo sa COVID-19 sa Elis at iba pang lugar.

 

Nabatid na ang mga ito ay nagmula isang tour group na bumisita sa Egypt at Israel noong Pebrero.

 

Pumalo naman sa 31 katao ang kumpirmadong kaso ng coronivus sa Greece.

 

Nagpatupad na rin ng two-day ban ang ministry sa lahat ng major sports event at iba pang public gatherings.

 

Ipinasara na rin nito ang ancient remains at mga eskwelahan sa Elis at dalawa pang rehiyon.

 

Samantala, pag-iisipan pa umano ng ministry kung hanggang kailan nito ipagpapaliban ang mga torch-relay events.

Upakang Ancajas-Rodriguez, kasado na

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

WALA nang atrasan, tuloy ang laban.

 

Matapos magkaaberya ng dalawang beses ay atat nang sumuntok uli si Filipino world champion Jerwin Ancajas nang maplantsa na at muling ikasa ang bout nila ni Mexican fighter Jonathan Javier Rodriguez na gaganapin sa Las Vegas sa Abril 11.

 

Sa ngayon ay dibdiban ang pagpapalakas ng 28-anyos na Pinoy fighter upang upakan ang nang-aberyang si Rodriguez.

 

Nakansela kasi ang kanilang laban nang pumalya ang Mexicano na makapagpasa ng kanyang requirement para sa US Visa.

 

Nang maiskedyul uli ang girian sana nila noong Pebrero 22 ay muli na naman itong naudlot kaya ‘di na kawalan kay Jerwin kung papatulan pa niya si Rodriguez.

 

“Mahaba ‘yong paghahanda namin noong nakaraan at hindi natuloy. Ngayon tuloy na tuloy na,” pahayag ng coach ni Jerwin na si Joven Jimenez sa naunang report. “Nasa magandang kondisyon si Jerwin at tamang target sa training namin. Pa-peak na siya.”

 

Walong beses nang nadepensahan ni Jerwin ang kanyang IBF junior bantamweight belt.

ONE eSports Dota 2 Indonesia, inilatag

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

IPINAHAYAG ng ONE eSports, isang subsidiary ng ONE Championship (ONE) na pinakamalaking global sports media property sa Asia, ang pakikipagtambal sa PGL para sa pagsasagawa at pagsasapubliko ng official schedule sa Singapore para sa susunod na ONE Esports Dota 2 Indonesia Invitational sa Nobyembe 23-29.

 

“The success of the ONE Esports Dota 2 Singapore World Pro Invitational is only the beginning and we want to continue our investment in the Dota 2 ecosystem. I’m excited to announce another Invitational in Indonesia in November 2020 after the Singapore Major in June,” wika ni Carlos Alimurung, CEO ng ONE eSports. “As always, we will bring together the world’s best pro teams to compete, and fans can look forward to exciting matches, meet-and-greet sessions, cosplays, and the best experiences at our event.”

 

Tinanghal na overall winner sa ONE Esports Dota 2 Singapore World Pro Invitational noong Disyembre 17-19, 2019 ang Vici Gaming ng China.

 

Umabot sa 88 milyong global views, kasama ang 464,000 na pinakamataas na sabay-sabay na nanood mula sa 24 bansa na bansa ang unang leg ng palaro.

 

Ang mga inimbitahang koponan sa nakatakdang paligsahan ay ang Alliance, Evil Geniuses, Gambit Esports, J.Storm, PSG.LGD, Natus Vincere, Team Aster, Team Liquid, Team Secret, TNC Predator, Vici Gaming at Virtus.pro.

 

Paglalabanan sa ONE Esports Dota 2 Invitational Series-ONE Esports Dota 2 Indonesia Invitational ang US$500,000. (REC)

DOH: Hindi pa kailangan ng red alert kahit may ‘local transmission’ ng COVID-19

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

HINDI pa raw nakikita ng Department of Health ang pangangailangan na magdeklara ng code red alert sa Pilipinas kahit nakapagtala na ng pinaghihinalaang local transmission ng COVID-19 sa bansa.

 

Ito ang paglilinaw ni Health Sec. Francisco Duque matapos na may dalawang Pilipino ang nagpositibo sa sakit.
“Well, there is no (local) transmission to speak of as of yet because we only have one (suspected). That’s why we’re doing contact tracing. To establish whether or not there are other cases, but now its premature to say that there is local transmission.”

 

“You can speculate but we have to be evidence based.”

 

Isang 48-anyos na lalaking may travel record sa Japan ang ikaapat na tinamaan ng COVID-19. Nilagnat daw ito noong March 3. Eksaktong isang linggo mula nang umuwi galing Tokyo.

 

Ang isa naman ay 62-anyos na nakilalang regular na bumibisita sa isang Muslim prayer hall sa Greenhills, San Juan. Wala itong travel record sa labas ng bansa at tanging hypertension at diabetes lang ang sakit bago nag-positibo sa COVID-19.

 

Pinapayuhan naman ang mga taong malimit na magpunta sa prayer hall at may nanaramdamang sakit na tumawag sa DOH hotline (02)8-651-7800 loc 1149-1150.

 

Nasa pangangalaga na raw ng RITM ang dalawang Pinoy, kasama ang isang kamag-anak ng ikalimang kaso na nakitaan din ngayon ng sintomas ng sakit.

Aplikasyon ng special permits sa pagbiyahe sa Kuwaresma, bukas na – LTFRB

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

BUKAS na ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa special permits para makabyahe sa kasagsagan ng holidays ngayong taon tulad ng Mahal na Araw, All Saints day, All Souls Day, at Pasko.

 

 

Tatanggap ang LTFRB hanggang Marso 13 ng mga aplikasyon para sa special permits sa Mahal na Araw, layunin nito na matiyak na matutugunan ang pagdagsa ng mga pasahero na magsisiuwian sa kanilang mga probinsiya.

 

Maaring ihain ang aplikasyon sa Window 9 ng LTFRB Central Office sa Quezon City kalakip ng kumpletong requirements tulad ng Verified Petition, Latest OR/CR, Franchise Verification, Updated Personal Passenger Insurance at Address ng terminal.

 

Oras na maaprubahan, tanging ang mga pampasaherong bus na may special permit ang papayagang bumiyahe sa labas ng kanilang orihinal na ruta mula Abril 5 hanggang 13 ng kasalukuyang taon.

 

Pinaalalahanan din ng LTFRB na ang mga interesadong aplikante na 25 porsyento lamang sa kanilang total authorized units per franchise ang papayagan.

 

Kakailanganin lamang ang verified petition, latest registration documents, franchise verification, updated personal passenger insurance, at present proof ng terminal which na may ispesipikong ruta.

 

“For interested applicants, your complete requirements with the conditions stated must be filed at the Window 9 of the LTFRB Central Office,” pahayag ng LTFRB.

P102 milyon ng ‘shabu tea’ nasamsam sa Cavite

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

TUMATAGINTING na P102 milyon halaga ng shabu ang nasabat at pagkakaaresto sa tinaguriang Drug Lord at distributor ng droga sa buong Cavite Laguna Batangas Rizal Quezon (CALABARZON) , National Capital Region (NCR at Mindanao) at 2 iba pa sa isinagawang buy bust operation sa Bacoor City, Cavite.

 

Kasong paglabag sa Section 5 in relation to Section 26 at Section 11, Article II ng RA 9165 ang isinampa laban sa mga naarestong suspek na sina Ronnie Mordiquio Menodiado, 38, alias Boy, tinaguriang Drug Lord sa Cavite area, NCR at Mindanao at residente ng 121-A Estrella St., Pasay City; Victorio Vida Najera, 35 ng 1719 Cuyegking St., Pasay City at Annnie Rose Torres Lingua alias Ate, 30 ng Dalipuga, Kalubihon, Iligan City

 

Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA)-Cavite, dakong ala-1:00 ng hapon Huwebes nang magsagawa ng buy bust operation na tinawang na COPLAN-“Magellan” ang pinag-samang pwersa ng PDEA IVA, PDEA RO-NCR, PDEA RO IX at pakikipag-koordinasyon sa Bacoor City Police Station sa Molino Blvd corner Aguinaldo Highway, Talaba 4, ng naturang Lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlo.

 

Narekober sa kanila ang 15 open green foil packs na Guanyinwang (Chinese Tea bag) na naglalaman ng hinihinalang shabu o tinatayang 15 gramo na may street value na P102 milyon; na pinaghihinalaan ng mga pulis na galing sa Golden Triad, buy bust money; isang unit na Vivo cellphone at isang motorsiklong Honda Jazz na may plakang VEM 956.

 

Sa isinagawang raid lumutang ang bagong modus sa bentahan ng droga kung saan ipaparada ng pusher ang kanyang sasakyan sa isang lugar at iiwan ang pera doon.

 

Darating naman ang supplier dala ang shabu at may duplicate na susi ng kotse. Iiwan niya ang droga sa loob ng sasakyan at kukunin ang pera.

 

Pagbalik naman ng pusher ay tangay na nito ang shabu.

 

Posible rin umanong nagbe-benta ng droga sa mga paaralan ang suspek dahil nakita ang sasakyan na nakaparada malapit dito.

 

Ayon sa PDEA, maituturing na drug Lord si Menodiado dahil siya ang pinaggagalingan ng droga at marami itong tauhan at mga distributor.

 

Ang tatlo ay pawang nakakulong sa PDEA-Cavite Custodial Center. (Gene Adsuara)

WALANG PANGIL SA POGO

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY ang panawagan para sa mas malalim na imbestigasyon at mas mabigat na parusa sa mga pasaway na dayuhan na nakapasok sa bansa sa pamamagitan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

 

Una nang nabulgar na may mga Chinese na nagpapakilala pang mga Filipino sa pamamagitan ng pekeng birth certificates at passports na kasama sa ‘package’ na iniaalok ng mga tour operator na kasabwat naman ng mga tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration. Ito ‘yung Pastillas Scheme.

 

Sa halagang sampung libong piso, makapapasok at makapagtatago na sa Pilipinas ang mga pasaway na dayuhan. Kung ilan sila, hindi pa masabi pero, dapat na silang tugisin nang hindi na makagawa ng panibagong problema.
At sa tagal na ng problemang ito, hindi na mapigilan ang iba sa ating mga kababayan na magtanong, “Malambot ba ang pangulo pagdating sa mga Intsik?”

 

Kaliwa’t kanan na kasi ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga Chinese na nagtatrabaho sa POGO — money laundering, prostitution den, hindi pagbabayad ng buwis sa pamahalaan at iba pa. Tila hindi sila maubus-ubos at lantaran na ang pambababoy sa ating bayan.

 

Kaya nang sabihin ng kinauukulan na nagsasagawa na ng imbestigasyon sa mga problemang ito, kabilang tayo sa mga umaasa.

 

Sana ay mahuli na ang lahat ng sangkot sa ilegal, matigil na ang mga modus at mapag-aralang mabuti kung tayo ba ay nakikinabang sa POGO o dagdag-perhuwisyo lang ito.

Newsome, Amer bombilya ng Meralco sa 45th PBA

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MAY ilang taon na ring nangangamote ang Meralco sa Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, kagaya sa nakalipas na taon, sumablay playoffs.

 

Pagsapit ng Commissioner’s Cup, sumalto sa quarterfinals, saka nakabawi sa Governors Cup, sinementuhan ang pagiging contender nang makarating sa finals.

 

No. 2 sila sa eliminations, hindi inaksaya ang twice-to-beat sa quarters nang sipain agad ang Alaska. Itinaob din ng Bolts ang Talk ‘N Text sa semifinals 3-2 saka hinarap ang Barangay Ginebra San Miguel sa championship round at tumkilop sa limang laro, ang pangatlo sa nakalipas na apat na taon.

 

“We always had trouble in the all-Filipino,” pagtanggap ni Norman Black. Walang lehitimong big man noong mga nagdaang taon, nagkatsansa nang makuha si Raymond Almazan mula Rain or Shine.

 

Pero sa championship round ng Govs Cup, nagka-knee injury ang 6-foot-8 center. Back-to-zero na naman ang Bolts sa all-Pinoy dahil nawala ang slotman.

 

“Our biggest concern is the absence of Raymond Almazan,” hirit ng Bolts coach.

 

Aligaga sa unang buwan ng season-opening tournament. “He could’ve given us the first opportunity to have a big man to really match up with the other big men.”

 

Nasa timetable na apat na linggo pang mawawala si Almazan gayung sumiklab na ang 45th PBA PH Cup nitong Linggo, Marso 8.

 

Makakaliskisan ang taga-kuryente laban sa Magnolia Hotshots sa Marso 15 sa Araneta Coliseum sa Quezon City
“He will be out in our first six games,” dugtong ni Black.

 

Bumabalik na ang matingkad laro ni Almazan sa GC, pero nagka-injury lang ulit sa tuhod sa finals. May average siya sa 17 laro na 11.2 points, 9.8 rebounds at 1.1 blocks.

 

Si Chris Newsome ang pinakamaangas ang laro sa Bolts sa 2019 PC sa likod ng 13.6 points, 6.5 rebounds, 4.2 assists at 1.1 steals bawat salang sa 11 laro.

 

“No major changes,” sambit naman ni Meralco governor Alfredo Panlilio. “All-Filipino had always been our weakest conference. We just hope our guys hang on, stay in the middle until we put the team together then push for the playoffs.”

 

Si Newsome muli ang sasandalan ni Black ng koponan, katuwang si Baser Amer at ang nagdagdag bago natapos ang 44th season na si gunner kay Allein Maliksi. Habang hindio pa magalingsi Almazan, magtutulungan sa frontcourt ang mga datihan na sina Reynel Hugnatan, Cliff Hodge, Bryan Faundo, at ang kasabay ni Maliksi mula Blackwater na si Raymar Jose.

 

Run-and-gun pa rin ang Bolts kina Amer, Newsome, Trevis Jackson, Nico Salva, Bong Quinto at John Nard Pinto.

2 patay sa anti-drug operations sa QC

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PATAY ang dalawang drug suspek matapos na manlaban sa mga kapulisan Quezon City kamakalawa ng madaling araw.

 

Kinilala ang mga suspek na sina Allan Canlas at Asnawi Batuas ng Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City.
Sinabi ni Pol. Lt. Col. Hector Amancia ng Novaliches Police, nakatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang ka-transaksyon kaya sila nanlaban kaya inunahan na sila ng kapulisan.

 

Nakuha sa kustodiya ng mga suspek ang droga na pinag-hihinalaang shabu na may halagang P1.3 million at dalawang calibre .45 na baril. (Gene Adsuara)

Tserman sa Tondo, inireklamo sa illegal na aktibidades

Posted on: March 9th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG sampahan ng kaso ng Manila Special Mayors Reaction Team (SMaRT) ang isang Barangay Chairman sa Tondo dahil sa mga reklamong sangkot sa iligal na mga aktibidad.

 

Sinabi ni SMaRT chief P/Major Rosalino Ibay Jr., na nakatanggap sila ng reklamo sa kanilang tanggapan mula sa hindi nagpakilalang concern citizen hinggil sa mga iligal na ginagawa ng tserman na si Brgy.Chairman Edgar Solis ng Brgy. 116 Zone 9, Dist.1 Manila.

 

Sa reklamo, naniningil umano si Solis sa palengke na hindi naman pumapasok sa Manila City Hall.

 

Bukod dito, naniningil din ng barangay certificate sa mga establisimyento sa nasasakupang barangay ng walang resibo kundi acknowledgement receipt lamang.

 

Gayundin ang Day Care building na ginagamit umano ni Solis na tirahan ng kanyang pangalawang pamilya at higit sa lahat ang umanoy paggamit nito ng iligal na droga.

 

Dahil sa reklamo, isinailalim sa survellaince si Solis sa pangunguna ni SMaRT P/Major Cicero M. Pura at PCPT Edward G. Samonte kung saan nakitang naninirahan nga ang pamilya ng tserman sa nasabing gusali kung saan ang kinukonsumo nitong kuryente at tubig ay naka-charge sa barangay.

 

Napag-alaman din na iligal ding nangongolekta ng parking fee at Talipapa market fee nang walang resibo ang barangay dahilan para mawalan ng kita ang pamahalaang lungsod.

 

Ang mga nakokolekta namang iligal parking fee ay kanilang pinaghahatian ng mga barangay officials kabilang na ang parking attendant na si Rebecca Alano.

 

Habang ang kabuuang nako-kolekta na P 500- P600 sa mga vendors sa Talipapa Market sa kahabaan ng Magsaysay St., Tondo,Maynila ay ibinibigay naman sa mga Tanod para umano sa kanilang pangkape at snacks habang ang natitira rito ay ibinibigay na kay Alano.

 

May mga ilang video namang kumalat sa Facebook at Youtube na lahat nang motorsiko na pumaparada sa kanilang barangay ay pinapayagan kapalit ng parking fee na kinokolekta ni Solis.

 

Dahil sa mga ebidensyang nakalap, malinaw na si Solis at iba pang kasabwat nito ay lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees,Presidente Roa Duterte, Executive Order No.24 (Reorganizing the Cabinet Clusters System by Integrating Good Governance and Anti-Corruption in their Policy Frameworks of all the Clusters and Creating the Infrastracture Cluster and Participatory Governance Cluster) at iba pang posibleng paglabag sa Revised Penal Code of the Philippines. (Gene Adsuara)