• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 10th, 2020

Hindi ako ang PBA GOAT – “The Kraken”

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PAHINGA na si June Mar Fajardo dahil sa injury sa halos buong 45th Philippine Basketball Association (PBA) 2020, pero nagmarka na siya sa nakalipas taon na maaaring mas mataas pa sa kanyang 6-foot-10 na tangkad.

 

Katotohanan ito nang pang-anim na sunod niyang Most Valuable Player award na tinanggap sa Leopoldo Prieto Awards 444h PBA Season 2019 sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

 

Umupo electric single-seater tricycle ang San Miguel Beer slotman para hindi mabugbog ang kanang paa na nabali at sumailalim na sa operasyon nitong Enero.

 

At sa dami ng koleksiyon niyang MVP trophies, maaring sabinang nang siya na ang greatest of all time o GOAT ng propesyonal na.

 

“Hindi naman,” mahinang pero nakangiting tugon ng basketbolistang Cebuano. “Maraming mas magagaling. Kung ano lang ‘yung bigay ni God sa atin, thankful tayo du’n.”

 

Maaaring sa kalagitnaan na ng season-ending Governors Cup makabalik sa court si The Kraken.

 

All-smiles ang higanteng habang kinukuha ang award, kahit nanghihinayang na matetengga siya nang matagal.
“Baka may plano si God sa akin,” pahabol niya.

 

Kasama ni Fajardo ang mga magulang na sina Bonifacio at Maritess sa entablado sa record na limang MVP awards noong isang taon, na pinahaba pa niya sa tagpong ito.

 

“Who knows, ‘di ba?” anang 30-anyos na mainstay sa posibilidad na makapito pang MVP trophy.

 

“For sure, gusto kong makabalik soon kasi gusto kong makatulong sa team,” wakas ni Fajardo. “Pero sinasabi ng doctors, coaches, management na huwag ko madaliin. So, kontrol lang sa sarili.”

 

Sa award ay awtomatikong nasama si June Mar sa pang-anim na sunod din niya ring First Mythical Team selection sina Jayson Castro ng Talk ‘N Text, Christian Standhardinger at Sean Anthony ng NorthPort, at Christian Jaymar Perez ng Columbian Dyip.

 

Si Perez din ang tinanghal na Rookie of the Year.

 

Nasa All-Defensive Team din sina Fajardo at Perez kasama sina Beerman Christopher Ross, Anthony, at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra San Miguel.

 

Swak sa Second Mythical Team sina Roger Ray Pogoy at Jeth Troy Rosario ng TNT, Stanley Pringle, Jr. kapwa Gin King Aguilar, at Ian Sangalang ng Magnolia Hotshots.

 

Itinaas ni Gabe Norwood ng Rain or Shine ang pangatlo niyang Avelino Lim, Jr. Sportsmanship award, Sii Moala Tautuaa ng SMB nakopo ang una niyang individual recognition bilang Most Improved Player.

 

At sa unang pagkakataon ay namigay ng ibang awards ang PBA. Team Staff si league pioneer ballboy Raffy Hanopol, PBA Loyal Employee si ticketing official Gerry Mesias, at Bida Fans sina Jhun ‘Sharon’ Nuestro at Tess Villanueva.

POGO, TULOY ANG LIGAYA

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

SA kabila ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga Chinese, hindi umano ipatitigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

 

Kailangan umano ng pondo para sa mga proyekto at pasahod sa mga empleyado ng gobyerno tulad ng mga nurse at titser.

 

Makatutulong din umano ang pondo galing sa POGO para sa pagtugon sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Pero, sana naman ay tiyakin din ng pamahalaan na hindi ito nangangahulugan na lusot na ang mga pasaway na nagtatrabaho sa POGO mula sa kaliwa’t kanang isyu na kanilang kinasasangkutan tulad ng money laundering, prostitution den, suhulan sa gobyerno, hindi pagbabayad ng tamang buwis, magagaspang na pag-uugali at iba pa.
Sabihin na nating may ipinapasok silang pera, ang problema, nasasangkot naman sila sa mga ilegal na gawain. Baka ‘pag kinuwenta natin ‘yung sinasabing kita sa POGO, eh, kulang pa sa perhuwisyong ipinapasok din nila sa bansa natin.

 

Kung sinasabi ng pamahalaan na puwedeng magawan ng paraan ang mga problema sa mismong operasyon ng POGO, sana ay masiguro rin nila na masosolb ang mga isyung mas malalalim pa.

 

Magkaroon sana tayo ng malinaw na batas at mahigpit na regulasyon, hindi para pahirapan ang POGO, dahil kinikilala naman ito ng bansa kundi upang matigil ang mga ilegal na operasyon.

 

At idamay na rin ang mga kababayan nating nilamon na ng maling sistema. ‘Yung mga sunud-sunuran d’yan sa puwesto at nabulag na ng pera, isunod n’yo na rin sa mga dapat parusahan.

Take-off, landing at parking fees ng local carriers hinto muna

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PANSAMANTALANG tatanggalin ng mga local carriers sa bansa ang take-off, landing at parking fees alinsunod na rin sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa malaking epekto ng 2019 coronavirus infectious disease (COVID-19) sa turismo ng Pilipinas.

 

Sa isang punong-balitaan, sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) Gen. Manager Ed Monreal, ang hakbang na ito ay para makatulong sa industriya ng turismo at gastusin ng mga local carriers.

 

Layunin din umano nito na hikayatin ang mga turista na patuloy na mamasyal sa bansa sa kabila ng banta ng coronavirus.

 

Sisimulan ang suspensyon ng mga bayarin ng mga local carriers ngayong araw at maaaring magtagal hangga’t mainit pa ang usapin hinggil sa COVID-19.

 

Nilinaw din ni Monreal na deferement lamang ito na babayaran sa take off, landing at parking fee at hindi ito discount.
Base sa estimation ni Monreal, aabot ng halos P58-M ang binabayarang airport fees ng Ninoy Aquino International Airport. Kasama na rito ang landing, take off, parking at taxing fees.

 

Ayon naman kay Civil Aviation Authority of the Philippines Director General Jim Sydiongco na bumagsak sa 20-30% o 476,000 ang bilang ng mga pasaherong pumapasok sa bansa ngayong taon dahil sa coronavirus outbreak.

 

Nagsimula umano ito nang magpatupad ng travel ban ang Pilipinas para sa mga turistang manggagaling sa China, Hong Kong, Macau, at Cheongdo province sa South Korea.

 

Habang nagpatupad na rin ng travel restriction laban sa Pilipinas ang ilang bansa tulad ng Qatar, Kuwait, Saudi Arabia, Cook Islands, Israel at Palestine.

Bloke-blokeng marijuana, nasabat sa kelot sa Tondo

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

KUMPISKADO ang higit P200-libo halaga ng bloke blokeng marijuana mula sa isang suspek na nadakip sa isang operasyon sa Tondo.

 

Ayon sa pulisya na kinilala ang suspek na si Edward Figueroa, 37, may-asawa at residente sa Nava St., sakop ng Balut, Tondo na nahulihan ng mga bloke ng umanoy marijuana na may bigat na dalawang kilo.

 

Ayon sa pulisya, nagkasa ng anti-illegal drug bust operation ang Manila Police District Police Station 1, laban sa suspek sa nasabing lugar pasado alas-11 kagabi, Marso 8.

 

Nakumpiska sa suspek ang ilang sachet at bloke ng marijuana na nakasilid sa zip lock plastic na may street value na P240,000.

 

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek na ngayon ay nakakulong sa custodial facility ng MPD-PS 1. (Daris Jose)

Pulis patay sa pamamaril sa Makati

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PATAY ang isang pulis matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salaring sakay ng motorsiklo sa Makati City, kahapon ng umaga, Marso 9 Lunes.

 

Kinilala ni Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati police, ang biktima bilang si Maj. Jeffrey Dalson, na nakatalaga sa Camp Crame, ang headquarters ng Philippine National Police.

 

Nakasakay si Dalson sa kanyang Ford Everest, na nakaparada sa isang car repair shop sa may J.P. Rizal Avenue, nang huminto sa likod ng sasakyan ang motorsiklong sinasakyan ng 2 salarin.

 

Bumaba ang nakaangkas sa motorsiklo at pinagbabaril ang bitkima ng 7 beses, na sanhi ng agaran nitong pagkamatay, ayon kay Simon.

 

Naghahanap na ang mga awtoridad ng CCTV footage ng insidente para matukoy at matugis ang mga salarin. (Daris Jose)

Ayuda sa mga Bulakenyong magsasaka, pinangunahan ni Fernando

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ni Gob. Daniel R. Fernando ang pagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng mga kagamitan sa pagsasaka sa ginanap na “Distribution of STW and Assorted Vegetable Seeds for Farmers Affected by Water Shortage” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.

 

Tumanggap ng tig-isang shallow tube well ang may 39 Farmers’ Cooperative Associations (FCAs) mula sa 10 munisipalidad kabilang ang Lungsod ng Malolos, Bulakan, Calumpit, Paombong, Balagtas, Bocaue, Bustos, Guiguinto, Pandi at Plaridel.

 

Gayundin, 10 kooperatiba na kabilang sa FCAs ang pinagkalooban ng tig-isang water pump mula sa National Irrigation Administration.

 

Nagpamahagi din ang Provincial Agriculture Office ng mga sari-saring buto ng gulay sa mga magsasakang apektado ng kakulangan ng irigasyon tulad ng buto ng talong, kamatis, ampalaya, patola, siling panigang okra, pechay, kalabasa, upo, sitaw at siling pula upang kanilang mapagkakitaan.

 

Samantala, nanawagan si Fernando sa mga nasa sektor ng pagsasaka na magkaisa at magtulungan lalo na sa oras ng kagipitan.

 

“Huwag po nating pabayaan ang mga makinaryang ito. I-share po natin sa ibang grupo at magkaisa po tayo. Kailangan natin ng pagkakaisa at makakaasa naman po kayo na kami sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, gayundin ang opisyales ng inyong mga munisipyo ay nakasuporta sa inyo,” anang punong lalawigan.

 

Kaalinsabay nito, nagkaloob ang Department of Agriculture sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office ng ayuda sa may 227 backyard raiser na apektado ng African Swine Fever mula sa bayan ng Guiguinto sa ginanap na ASF Indemnification Program. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Buong Pilipinas isinailalim na sa State of Public Health Emergency

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

ISINAILALIM ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bansa sa State of Public Health Emergency bilang hakbang laban sa coronavirus disease (COVID-19) kasunod ng pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng sakit.

 

Mula noong Biyernes, nadagdagan ng 7 ang kumpir-madong kaso ng COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH). Dahil dito, umakyat na sa 10 ang bagong kaso at sa kabuuan ay 20 ang bilang ng may COVID-19 sa Pilipinas.

 

“The outbreak of COVID-19 constitutes an emergency that threatens national security which requires a whole-of-government response,” sabi ni Duterte sa Proclamation No. 922, na nilagdaan noong Linggo, 3 linggo matapos irekomenda ng DOH ang pagdeklara ng public health emergency.

 

Sa ilalim ng state of public health emergency, mapabibilis ang pag-access sa pondo at pag-procure sa mga kagamitang kakailanganin para labanan ang sakit.

 

Magiging mandatory din umano sa mga ospital na i-report ang mga kaso ng COVID-19 na dinadala sa kanila.
Mananatili ang bansa sa ilalim ng state of public health emergency hangga’t hindi binabawi ni Duterte.

 

Kinumpirma naman nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Marikina Mayor Marcelino Teodoro, at Pasig Mayor Vico Sotto na nasa kani-kanilang mga nasasakupang lungsod ang ilan sa 10 kumpirmadong kaso ng COVID-19.

 

Inihayag ng mga alkalde na nagsasagawa na sila ng contact tracing o pinaghahanap na ang mga taong posibleng naka-salamuha ng mga pasyente.

 

Sinuspinde na rin ng Department of Education ang ilang national at regional event na nilalahukan ng mga estudyante, kabilang ang mga regional meet ng Palaro, bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19.

 

Nagkansela rin ng pasok kahapon ang ilang lokal na pamahalaan bunsod ng virus. Ang ilan sa mga class suspension ay tatagal hanggang isang linggo.

 

Noong Biyernes, 3 kaso ng novel coronavirus pa lang ang naiulat sa bansa, na nakita sa 3 turista galing sa lungsod ng Wuhan, China, kung saan sinasabing nagmula ang virus. Ang isa sa 3 pasyente ay pumanaw habang ang 2 ay gumaling at nakabalik na sa China. (Daris Jose)

Beli Bell, Bishop Blue pinagtalunan sa 2020 PHILRACOM

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NAGDISKUSYON ang dalawang panatiko ng karera para sa nakatakda sa Marso 15 na 2020 Philippine Racing Commission (PHILRACOM) Three-Year-Old Maiden Stakes Race sa San Lazaro Leisure Park, Caromona, Cavite.

 

Halos mag-umbagan na sina Crisostomo Arguelles at Eugene Quiltan na parehong unang softdrinks sa isang tindahan na malapit sa dating karerahan sa Maynila.

 

Para kay Arguelles, patok aniya ang kabayong si Beli Bell dahil wala pang talo lalo pa’t si star jockey Jonathan Hernandez ang magdadala sa renda nito.

 

Binara siya ni Quiltan, na kinainisan ni Crisostomo dahil may halong angas ang mga pananalita.

 

Giniit ni Quiltan na lahat ng super horse sa karerahan ay nakatikim ng pagkabigo bago nagpapanalo. At hinirit niyang si Bishop Blue na ang tatalo sa Beli Bell.

 

Dahilan para magkasigawan ang dalawa, pero naawat naman agad ng mga nakikinig sa kanila, huminahon lang ang nagdedebate nang susisain sila ng isa pang karerista kung napanood na ang dalawang kabayo sa ensayo.

 

Pareho ang sagot nina Arguelles at Quiltan, hindi pa.

 

Makakalaban ng dalawa sina Carttierruo, Cat’s Magic, Drummer Girl, Laguardia, Sky Commander, Top Czar at Zibarawana sa may guaranteed prize na P1.2M racing event na may distansyang 1,500 meters.

 

Mabibiyaan ng P720,000 ang may-ari ng unang kabayong tatawid sa meta, P270,000 ang hahamigin ng pangalawa habang may P150,000 at P60,000 ang mga tetersera at pang-apat. (REC)

Private at public, walang pasok sa Maynila ng isang linggo

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

IDINEKLARA na walang pasok sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong eskuwelahan sa Maynila sa gitna ng banta ng COVID-19.

 

Sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kanyang Special Report, na kasalukuyang nasa London ngayon na inadopt na rin ng pamahalaang lungsod ang state of public health emergency base sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng kumpirmasyon ng Department of Health na may sampu nang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan idineklara ang Code Red Sub Level 1.

 

Tinatawagan naman ng alkalde ang lahat ng principal sa lahat ng antas ng paaralan sa Maynila na wala munang pasok ng isang linggo simula Marso 9 hanggang Marso 15.

 

Hinikayat naman ng alkalde ang lahat ng barangay officials sa Maynila na makipag-ugnayan sa city government upang mag-tulungan laban sa Covid-19.

 

Ito ay bilang pag-iingat na rin sa posibleng pagkalat ng virus.

 

Nakiusap naman si Domagoso sa mga batang mag-aaral na limitahan ang social interaction at importanteng manatili muna sa kani-kanilang mga bahay at doon na lamang mag self-study dahil puwede naman ang online education.

 

Samantala, sinuspende na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang klase sa lahat ng antas sa buong National Capital Region mula bukas Marso 10 hanggang Marso 14 dahil sa Covid-19.
(Daris Jose)

Ads March 10, 2020

Posted on: March 10th, 2020 by @peoplesbalita No Comments