Iginiit ng opisyal ng Radio Veritas 846 at Caritas Manila na mahalagang magtulungan ang pamahalaan at simbahan sa kabila ng pag-iral ng ‘separation of church and state’ sa Saligang Batas.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng social arm ng Archdiocese of Manila, nararapat lamang na may ugnayan ang simbahan sa pamahalaan sapagkat kapwa ito naglilingkod para sa ikabubuti ng nakararami.
“There should be collaboration always and dialogue. Church relationship with State is what we call CRITICAL COLLABORATION!,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ito ang tugon ng pari sa pahayag ni Presidential Chief legal counsel Salvador Panelo kung saan sinabing labag sa konstitusyon ang pagpuna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan.
Tinukoy ni Panelo ang liham pastoral ng CBCP na nananawagan ng pananalangin at pagiging mapagmatyag ng publiko sa pagpapatupad ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Law of 2020 sa kabila ng kawalan ng Implementing Rules and Regulations.
Ipinaliwanag ni Fr. Pascual na totoong may pagkakaiba ang simbahan at estado sa larangan at konteksto ng organisasyon at pamumuno ngunit sa usapin ng paglilingkod para sa kabutihang panlahat ay dapat nagtutulungan ang dalawang institusyon.
“Sec. Panelo said there is separation of church and state daw. That’s true is the context of: Organization? Yes; Leadership? Yes; Resources? Yes; but no separation in the context of: People that we BOTH serve especially the POOR; Common Good, & Environment,” dagdag pa ni Fr. Pascual.
Unang hinamon ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo si Panelo na maghain ng reklamo laban sa CBCP kung tunay itong nakalalabag sa konstitusyon.
Sinabi ni Bishop Pabillo na ang pagsasalita at pakikibahagi ng simbahan sa usaping panlipunan ay naglalayong gabayan ang mamamayan upang makita ang mga pangyayari sa maka-Kristiyanong pananaw.