• November 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 31st, 2020

2 TIMBOG SA HIGIT P200K SHABU

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

DALAWANG hinihinalang sangkot sa ilegal kabilang ang isang 16-anyos na binatilyo ang arestado sa magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Caloocan at Navotas Cities.

 

Ayon kay Caloocan police chief Col. Dario Menor, alas-3:40 ng madaling araw, nakatanggap ng tawag ang Caloocan Police Sub-Station 5 mula sa concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal drug trade sa Malasuerte St. Brgy. 146.

 

Nang respondehan ng mga pulis, naabutan ng nila ang dalawang indibidwal kaya’t kinumpronta ng mga ito dahil lumabag sa curfew hours subalit, mabilis nagpulasan ang dalawa.

 

Hinabol sila ng mga pulis hanggang sa makorner ang 16-anyos na binatilyo at nakumpiska sa kanya ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng 1.68 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P11,424 ang halaga.

 

Nauna rito, alas-11:40 ng gabi nang masakote din ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU team sa pangunguna ni PLT Genere Sanchez ang tulak umano ng droga na si Ronnie Altirado, 50, ng Grace Park Brgy. 120, Caloocan sa buy-bust operation sa R-10 Brgy. NBBN, Navotas city.

 

Ayon kay Col. Rolando Balasabas, nakumpiska kay Altirado ang aabot 32 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P217,600 ang halaga at P300 buy-bust money. (Richard Mesa)

P46 bilyong 2nd round ng SAP naipamahagi

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang may P46.5 bilyong pondo na ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP) fund ng pamahalaan sa panahon ng COVID-19 pandemic.

 

Ayon sa DSWD, may kabuuang 6,951,049 pamilya ang tumanggap ng cash aid kasama na dito ang may 1.3 milyong Pantawid Pamilyang Pilipino Program bene­ficiaries, 3.7 milyong low-income at non-4Ps families gayundin sa halos 1.9 milyong dagdag na pamilya.

 

Inamin naman ng DSWD na nagkaroon ng pagbagal ang pamamahagi ng ayuda sa mga qualified beneficiaries sa pamamagitan ng manual at digital payouts pero tatapusin ang pagbibigay ng pondo hanggang katapusan ng Hulyo.

 

Hanggang sa ikalawang linggo naman ng Agosto matatanggap ng mga benepisyaryo ng SAP na nakatira sa malalayo at liblib na barangay. (Daris Jose)

Mega quarantine facilities para sa COVID-19 cases nasa ‘danger zone’ na – DOH

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Nasa warning zone na rin daw ang estado ng bed capacity sa mga temporary treatment and monitoring facilities sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

 

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, katumbas ito ng 30 hanggang 70-percent occupancy rate sa kama ng naturang mga pasilidad na hawak ng local government units.

 


Aabot sa 81,636 ang total bed capacity ng mga treatment and monitoring facilities, pero sa kaso ng mga pasilidad sa National Capital Region, Ilocos region, Central Visayas, Northern Mindanao at Soccsksargen, lahat sila ay warning zone na raw.

 

Ang hiwalay namang Mega quarantine facilities sa loob ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan na hawak ng national governement ay nasa danger zone.

 

Ibig sabihin, higit 70-percent na ang occupancy rate sa kama ng Ultra Stadium, Quezon Institute, Rizal Memorial Stadium, Philippine Arena at ASEAN Convention Center na kinonvert nga bilang mega quarantine facility.

 

Kaugnay nito patuloy ang panawagan ng DOH at pamahalaan sa iba pang medical professionals na mag-apply sa kanilang health human resource program dahil nangangailanga din talaga ng karagdagang health care staff ang mga pagamutan.

 

“We reiterate the government’s continuing need to augment our human resources for health. The call for more health care heroes is very evident. To avoid burdening our health facilities, health care workers and our community, we ask the public to be the solusyon. ‘Wag tayong maging kampante, sa halip ay maging responsable.”

 

“Laging magma-mask, phsyical distancing at sumunod sa tamang cough etiquette at sanitation protocols.”

Rizal Memorial pansamantlang isasara dahil sa isasagawang decontamination

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Pansamantalang isasara ang Rizal Memorial Sports Complex ngayong sa loob ng isang araw para sa isasagawang decontamination.

 

Sa isang panayam, sinabi ni ‘Hatid Tulong” initiative head Asec. Joseph Encabo, isasailalim sa lockdown simula alas-9:00 ng umaga ngayong Hulyo 30, 2020 ang buong complex.

 

Ito ay matapos na mamalagi doon sa mga nakalipas na linggo ang mahigit 6,500 locally stranded individuals (LSIs).

 

Sinabi ni Encabo na pansamantalang pinalisan din muna nila ang iba pang mga taong nagtatrabaho sa loob at palibot ng sports complex kabilang na ang mga empleyado ng Philippine Sports Commission at Manila Department of Public Services.

 

Sa ngayon, sinabi ni Encabo na wala nang LSIs sa mga stadiums ng complex matapos na makasakay sa barko papuntang Zamboanga Peninsula ang last batch ng 1,017 stranded passengers.

 

Magmula noong Sabado, 6,583 katao ang nag-avail ng travel assistance sa mga probinsya bilang bahagi ng ikalawang batch ng Hatid Tulong initiative.

 

Pero 48 rito ang nagpositibo sa rapid tests na isinagawa sa mga pasahero bago payagan makauwi ng kanya-kanyang probinsya.

 

Sa ngayon, hinihintay pa ng mga ito ang resulta naman ng isinagawang swab test sa kanila.

 

Nananatili ang mga ito sa kasalukuyan sa iba’t ibang quarantine facilities sa Manila. (ARA ROMERO)

Pilipinas may sariling 3-on-3 basketball league na

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Mayroon ng sariling professional 3-on-3 basketball league ang Pilipinas.

 

Ito ay matapos na bigyan ng Games and Amusement Board ang Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 League sa bansa.

 

Ayon kay GAB Chairman Baham Mitra, na tinanggap nila ang interest ng Chooks-to-Go 3×3 na maging professional.

 

Pinasalamatan naman ni Chooks-to-Go league commissioner Eric Altamirano ang GAB dahil sa pinayagan nila ang kanilang sports organization.

 

Inilunsad ang nasabing liga noong nakaraang taon para makasali ang bansa sa Tokyo Olympics kung saan doon gagawin ang unang 3×3 event.

 

Pasok na rin ang Pilipinas sa Olympic Qualifying Tournament matapos na makakuha ng sapat na puntos para sa Vienna, Austria, sa susunod na taon.

 

Umaasa si Altamirano na magtagumpay ang Pilipinas sa 3×3 basketball pagdating sa Olympics.

 

Binubuo nina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Dylan Ababou, Karl Dehesa, Santi Santillan, Jaypee Belencion, Chris De Chavez, Ryan Monteclaro, Gab Banal, at Leo De Vera ang ilang manlalaro ng 3×3 basketball.

Presyo ng swab o PCR test, bagsak-presyo Malakanyang

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ng Malakanyang na ibaba ang presyo ng COVID swab test sa ilalim ng bagong approach na inilalatag ng pamahalaan laban sa Corona virus.

Ito’y bunsod na rin ng ikakasang pool testing na kung saan, ang isang PCR testing kit ay kayang paghati- hatian at gamitin ng sampu hanggang 20 indibidwal.

Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, mula sa dating P3,000 kada salang sa swab test, ito ay maaari na lang bumaba sa P300.00.

“P300.00. Kasi there will be ten people using one test kit. So, it’s divided by ten, so it will be P300.00. So, now anyone can afford to have a test,” aniya pa rin.

Ang bagong hakbang na ito ani Sec. Roque ay bahagi na din aniya ng major changes at bagong istilo na ipatutupad ng gobyerno sa harap ng palalakasin nitong massive testing efforts.

At dahil sigurado na ang magiging abot kaya na ang pagpapa COVID test, kumbinsido aniya silang bababa na ang case reproduction rate gayundin ang case doubling rate.

Mas magiging mabilis na aniya ngayon ang pag a- isolate sa mga nagpositibo at negatibo sa swab test.

“And can you imagine the results, if they are tested, who wants to be tested, we can isolate the positive, as soon we isolate the positive in a massive targeted testing that we are about to embark, you can see that the R-naught (R0), the case reproduction rate, as well as the case doubling rate will go down dramatically,” pahayag ni Sec. Roque. (Daris Jose)

48 LSIs sa Rizal Stadium may COVID-19

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Umabot na sa 48 na mga locally stranded individuals o LSIs na na namalagi sa Rizal Memorial Stadium ang nagpositibo sa rapid test sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

 

Dahil dito, nakatakdang isailalim sa isang araw na lockdown ang stadium upang magsagawa ng decontamination o disinfection sa buong lugar.

 

Matatandaan na umabot sa libu-libong mga LSIs ang dumagsa sa stadium upang na layong nakapagparapid test at makauwi na sa kani-kanilang mga rehiyon.

 

Sa tulong naman ng Hatid Tulong program ay unti-unti na ring naihatid ang mga LSIs sa kanilang mga probinsya katuwang ang Philipine Coast Guard (PCG).

 

Ayon kay Asec Joseph Encabo ng Hatid Tulong Program, kabilang sa sasailalim sa decontamination ang buong complex kabilang ang baseball at track stadium.

 

Sa ngayon ay wala nang mga LSIs sa stadium matapos makaalis na rin ang huling batch na nasa 1,017 kaninang umaga pauwing Zamboanga Peninsula.

 

Maging ang mga empleyado ng Philippine Sports Commission na nagtratrabaho sa complex at personnel ng Manila Department of Public Services ay kailangan din munang lisanin ang lugar para sa gagawing sanitation.

 

Sa ngayon ay naghihintay pa ng resulta ng kanilang mga swab test ang mga nagpositibo sa rapid anti-body test. (Daris Jose)

Tatanggi sa COVID-19 testing sa Malabon huhulihin, kakasuhan

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Huhulihin at kakasuhan ang mga indibiduwal na tatanggi sa mass testing na ipinatutupad ng Malabon City.

 

Batay sa napagkasunduan ng Malabon City Task Force on the Management of Emerging Infectious Di­seases (MCTF-MEID) huhulihin at ikukulong ang mga ayaw magpa-test particular ang mga kasama sa contact tracing at natukoy ng mga Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).

 

Ayon kay City Administrator at MCTF-MEID Member Atty. Voltaire dela Cruz, dalawang batas ang gagamitin upang istriktong ipatupad ang mass testing. Isa ay ‘Disobedience to a Person in Authority’ o pagsuway sa awtoridad sa ilalim ng Revised Penal Code.

 

Maaari ring kasuhan ang sinumang tatangging magpa-test ng ‘Non-cooperation’ ayon sa Republic Act No. 11332 o ‘Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act’.

 

Ani dela Cruz, kailangan na nilang higpitan ang implementasyon sa COVID testing upang malabanan ang pagkalat ng nasabing virus.

 

Sa ilalim ng mga nasabing batas, hindi maaaring tumangging makipag-tulu­ngan sa mga kinauukulan ang mga taong natukoy na apektado ng sakit.

 

Aniya, hindi maaaring gamiting depensa ang “Data Privacy Act of 2012” upang tumangging magpa-test, dahil pinapayagan ng batas ang paggamit ng personal na impormasyon upang tugunan ang isang national emergency, sumunod sa mga pangangailangan ng kaayusan at kaligtasan, o tuparin ng awtoridad ang kanilang tungkulin.

 

Isa ang mass testing sa mga natukoy na epektibong gawin upang masugpo ang pagkalat ng COVID-19. Kasama nito ang contact tracing, isolation, at treatment. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

CBCP, nais magkaroon ng public consultation ukol sa ‘revival calls’ ng death penalty reimposition

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Nais ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magkaroon ng public consultation kaugnay sa muling pagpapanumbalik ng parusang kamatayan.

 

Reaksyon ito ng CBCP makaraang manawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address kahapon na magpasa ng batas para maibalik ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection sa mga drug-related cases.

 

Ayon kay CBCP spokesperson Fr. Jerome Secillano, naninindigan ang Simbahang Katolika sa kanilang pagtutol sa death penalty at umaasa silang irerekonsidera ng Pangulong Duterte ang nasabing isyu.

 

Sinabi pa ni Secillano, dapat magsagawa ng public consultation ang mga mambabatas upang malaman ang pulso ng masa sa naturang paksa.

 

Una rito, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na malaki na raw ang tsansa na maipasa sa 18th Congress ang pagbuhay sa death penalty para sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

 

Ngunit sa panig ng ilang mga mambabatas maging ng ilang mga sektor, imbis na death penalty ang atupagin, dapat na mas ayusin ng pamahalaan ang justice system ng bansa.

Marami pang maitutulong ang sports

Posted on: July 31st, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MAY mga kakilala po akong taga-sports,  mga atleta, businessman-sportsman, recreational athletes at iba ang tumutulong sa ating mga kababayan sa panahon ng may mahigit apat ng quarantine sanhi ng coronavirus disease 2019 pandemic.

 

Nakakausap ko po sila sa social media (socmed) sa pamamagitan ng Facebook messenger, nakikita sa ilang post sa Instagram, Twitter at FB.

 

Ilan po sa kanila ayaw ng ipabanggit o ipasulat ang kanilang mga ginagawa. Dahil mga kaibigan ko sila. Sumusunod lang po ako.

 

Nakakatuwa naman po dahil totoo sila sa kanilang mga ginagawa. Ang makatulong po sa ating kapuwa na mga nangangailangan sa panahon ng krisis.

 

Hindi naman na po ako nagtataka dahil likas naman talaga sa ating mga Pilipino ang pagiging matulungin lalo na sa oras ng mga kahirapan, kagipitan, trahedya at iba pang mga kalamidad,

 

Nariyan si San Miguel Corporation Vice-Chairman, President at Chief Executive Officer Ramon S. Ang na siyang may ari ng San Miguel Beer, Barangay Ginebra San Miguel at Magnolia Chicken sa Philippine Basketball Association (PBA), na nangunguna sa mga good samaritan na higit P13B na ang pinaluwal bilang ayuda sa ating mga kababayan.

 

Si First Pacific Company Limited Managing Director & CEO Manuel V. Pangilinan na nagpapatakbo rin ng North Luzon Expressway, Manila Electric Company at Talk ‘N Text sa nasabing unang propesyonal na liga sa Asia at bansa.

 

Sina cage stars June Mar Fajardo, Terrence Romeo, Christopher Ross, Arwind Santos, Japeth Aguilar, Lewis Alfred Tenorio, Jean Marc Pingris, Ian Sangalangm Christian Jaymar Perez, Calvin Abueva, Vic Manuel, Beau Belga, Ryan Arana, Kiefer Isaac Ravena, Ferdinand Ravena III, volleyball stars Alyssa Valdez,Julia Melissa Morado at marami pang iba.

 

Ang tingin ko po marami pang mga iaayuda sa ating mga kababayan ang buhat sports sa sandaling matapos din ang lockdown. Aligaga rin kasi ang marami dahil sa limitadong pagkilos lang kaya tinatapos lang muna ang lockdown.

 

***

 

Kung may nais po kayong itanong o gusto po ninyong magkomento, mag-mail lang po sa jeffersonogriman@gmail.com.

 

Manalangin din po tayong lahat na sana’y matapos na po ang pandemiya. Hanggang bukas po uli mga Ka-People’s BALITA.