MAAARING bumuo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng isang independent task force para bunutin at walisin ang di umano’y korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nauna nang bumuo si Public Works Secretary Mark Villar ng task force na kinabibilangan ng mga DPWH officials para imbestigahan ang anomalya sa departamento kasunod ng pahayag ni Pangulong Duterte na may korapsyon sa DPWH.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na bagama’t ang pagbuo ng DPWH ng task force ay “a good beginning,” ay marami naman ang nagpahayag ng pagdududa kung magtatagumpay ito dahil “it’s the same people investigating one another.”
“We would prefer an independent body, but let’s face it, in an organization, you need a mechanism for internal accountability. I can’t see any reason why the DPWH shouldn’t have one,” ayon kay Sec. Roque.
“That’s why we say it’s a step toward the right direction. But this initial step is without prejudice to whatever the President may order in the near future. It is not inconceivable that another task force for the DPWH may be formed by the President in the same way he formed one for PhilHealth,” dagdag na pahayag nito.
Sa ulat, suportado ng Malakanyang ang pagbuo ng anti-corruption unit sa DPWH. Mabibigyan ng pagkakataon ang anti-corruption unit na gawin ang trabaho nito. Noong nakaraang linggo ay ipinag-utos ni Sec. Villar ang pagbuo sa Task Force Against Graft and Corruption (TAG) matapos na maitala ng Commission on Audit ang P101.7 bilyong halaga ng 2,000 na proyekto na delay at hindi naimplementa para sa nagdaang taon.
Ang kautusan ay matapos rin na banggitin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang corrupt practices na nag-uugnay sa implementasyon ng mga proyekto gaya ng right-of-way acquisition.
“Siguro po paunang hakbang lamang ‘yan na ginawa ng DPWH para nga i-address ‘yung problema ng korapsyon na inilabas ng ating Presidente,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
“Let’s give them a chance dahil sa aking pagkakaalam eh talagang this is one of the rare moments na ina-address natin ang korapsyon diyan sa DPWH na sabi nga ni Presidente ay lantaran at parang systemic,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Aniya, maaaring magsumite ang task force ng findings nito sa Office of the President. Nauna rito, sinabi ni Pangulong Duterte na malabong maging corrupt si Sec. Villar dahil mayaman na siya.
Naniniwala si Pangulong Duterte na ang nasa mababang posisyon sa ahensya ang sangkot sa katiwalian.
“Si Villar, mayaman. Maraming pera. Hindi niya kailangang mangurakot. Ang problema, sa baba. Malakas pa rin hanggang ngayon. Sa mga projects sa baba, ‘yon ang laro diyan,” dagdag pa ng Pangulo.
Matatandaang binanatan din ni Pangulong Duterte sa nakaraan niyang public address ang DPWH dahil sa laganap na korapsyon sa ahensya.
Nais ni Pangulong Duterte na isapubliko ang mga bidding procedures.
Una nang sinabi ng Malacañang na patuloy na nagtitiwala at kumpiyansa ni Pangulong Duterte kay Secretary Villar. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)