• December 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 14th, 2020

DOJ, hindi na kailangan pang bigyan ng direktiba ni PDu30 ukol sa gangwar sa NBP

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PARA sa Malakanyang, hindi na kailangan pang magbigay ng direktiba pa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte  kay Justice Secretary  Menardo Guevarra hinggil sa nangyaring gangwar sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

 

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tiwala si Pangulong Duterte sa kung ano ang   dapat gawin ni Sec. Guevarra  sa nangyaring gang war sa New Bilibid Prison na ikinasawi ng ilang katao.

 

Alam ng Kalihim  ang mga nararapat na aksyong kailangang ipatupad sa nasabing insidente.

 

Sa kasalukuyan ay  kasado na ang ipinag-utos na imbestigasyon ni Sec. Guevarra hinggil sa nangyaring  madugong gangwar sa loob ng NBP.

 

Iginiit pa ni Sec. Roque,na hangga’t hindi pa nagkakaroon ng investigation report ang mga otoridad ay hindi muna siya magkokomento sa nasabing  pangyayari.

 

Nakatitiyak naman si Sec. Roque na agad na magpapatupad ng nararapat na aksyon si Sec. Guevarra sakaling matapos na ang ipinatawag nitong imbestigasyon sa NBP gangwar incident. (Daris Jose)

Crawford hinamon si Pacquiao matapos ang panalo kay Brook

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Umaasa si WBO welterweight champion Terence Crawford na matutuloy na ang laban ni Manny Pacquiao.

 

Ito ay matapos na magwagi si Crawford sa pamamagitan ng knockout laban kay Kell Brook.

 

Dahil sa panalo ay mayroon na itong 37 panalo na walang talo na mayroong 28 knockouts.

 

Sinabi ni Crawford na matagal na niyang hinihintay ang panahon na makaharap ang Filipino boxing champion.

 

Dagdag pa nito na kung hindi lamang sa coronavirus pandemic ay natuloy na ang laban. Mayroon ng 95 percent na natapos ang usapan na gagawin ito sa Middle East.

Tiniyak naman ni Top Rank bigboss Bob Arum na itutuloy ang laban ng dalawa sa 2021.

Bulacan, tumanggap ng P175M na ayuda mula sa DA para sa binhi at pataba

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS– Inihatid ni Kalihim William D. Dar ang sertipiko ng tulong pinansyal para sa binhi at pataba na nagkakahalaga ng P175,923,000 sa lalawigan ng Bulacan sa isinagawang Rapid Damage Assessment on Agriculture and Fisheries na dulot ng Bagyong Ulysses sa Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.

 

Ito ay matapos personal na bisitahin ang mga apektadong bukirin partikular na sa Pulilan-Baliwag Bypass Road kasama sina Gob. Daniel R. Fernando, DA Asec. Noel Reyes, DA Regional Director Crispulo Bautista, RFO-III, Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo, Panlalawigang Agrikulturista Ma. Gloria SF. Carrillo, mga agrikulturista ng mga bayan at pinuno ng mga magsasaka.

 

“We are giving the province this assistance pero posible pa itong madagdagan depende sa magiging resulta ng assessment sa mga susunod na araw. Aside from this, may ayuda rin tayo, maagang pamaskong handog na P5,000 cash sa lahat ng rice farmers na nagsasaka ng isang ektarya pababa, gayundin sa mga non-rice farmers, ito ‘yung mga nagtatanim ng mais, niyog, tubo at mga mangingisda mula sa Bayanihan 2,” ani Dar.

 

Sinabi rin ng kalihim sa mga magsasaka na maaari pa rin silang mangutang ng halagang P25,000 na walang tubo at pwedeng bayarang sa loob ng 10 taon.

 

Mula sa inisyal na pagtataya, ibinahagi ni Fernando na sa kasalukuyan, bagaman apektado ng Bagyong Ulysses ang lahat ng bayan at lungsod sa lalawigan, ang mga bukirin sa una at ikalawang distrito ang pinaka nasalanta.

 

“Marami po ang nasira at itong mga nasirang ito ay malaking bagay para sa mga Bulakenyo, pagkain po ito ng Bulacan. Sabi ng ating PDDRMO may mga bagyo pang darating, talaga pong sabay-sabay, nandyan pa ang pandemya.

 

This is a challenge for us pero naniniwala ako na makakaahon tayo basta tulung-tulong,” ani Fernando. Idinetalye naman ni Carrillo na ayon sa mga tala, ang standing crop para sa palay ay tinatayang nasa 10k hanggang 12k ektarya na nasa reproductive at maturity stage para sa wet season at tinatayang nasa 5k ektarya na mga bagong tanim para sa dry season.

 

Ang standing crop para sa lowland na mga gulay ay tinatayang nasa 1,000 ektarya. “These are initial data as damage reports are still underway and actual situation will be seen after 3 to 4 days when floods have subsided,” paliwanag ni Carrillo.

 

Gayundin, sinabi ni RD Bautista na maaaring ipagbigay alam sa kanilang tanggapan kung may mga alagang livestock na namatay dahil sa bagyo upang maisama sa kanilang recovery plan.

 

Samantala, ibinalita naman ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Director Wilfredo Cruz, RO-III na sa Rehiyon III, tinatayang nasa 7,500 metric tons ng bangus na nagkakahalaga ng P600M ang nasalanta habang halagang P100M ng bangus fingerlings ang namatay. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Sampaguita vendor sinaksak ng 2 kapitbahay

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Nasa kritikal na kalagayan ang isang sampaguita vendor matapos pasukin at saksakin ng dalawang kalugar habang kainuman ng biktima ang dalawang kaibigan sa loob ng kanyang bahay sa Malabon City, Miyerkules ng gabi.

 

Inoobserbahan sa Valenzuela General Hospital sanhi ng tinamong saksak sa dibdib ang biktimang si Mark clarence Garcia, 23 ng no. 21 Camia St. Brgy Maysilo habang pinaghahanap naman ang mga suspek na kinilalang si Jomel Cedillo, 22, at Sargie Flores, 27.

 

Sa report nina police investigators PMSg Julius Mabasa at PSSg Ernie Baroy kay Malabon police chief Col. Angela Rejano, dakong 11:25 ng gabi, kainuman ng biktima ang dalawang kaibigan na si “John John: at “Anot” sa loob ng kanyang bahay nang pumasok ang mga suspek.

 

Sa hindi malaman na dahilan, inundayan ni Cedillo ng dalawang saksak sa dibdib ang biktima bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

 

Isinugod ang biktima sa Women’s Children Hospital at kalaunan ay inilipat sa VGH habang narekober naman ng mga rumespondeng barangay sa insidente ang ginamit na patalim sa pananaksak. (Richard Mesa)

PDU30, ibinahagi sa ASEAN na masyado nang bugbog ang Pilipinas sa kalamidad dahil sa climate change…

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

MARIING Iginiit ni Pangulong Rodrigo Roa  Duterte sa Association of Southeast Asian Nations  (ASEAN)  ang pagkakaisa para matugunan ang  peligrong idinudulot ng mga kalamidad bunga na rin ng climate change.

 

Sinabi ng Pangulo sa Plenary Session hinggil sa isinagawang 37th ASEAN Summit,  na masyado nang bugbog  ang Pilipinas sa sunud- sunod na mga delubyong dulot ng bagyo na ang iniwan ay grabeng pinsala sa komunidad.

 

Importante rin na magkaroon ng nagkakaisang tinig para  hingin ang aniya’y climate justice laban sa mga responsable at may kinalaman sa paglala ng climate change.

 

Kaya dapat  lamang  maihinto na ang paggamit  ng carbon emission na karaniwan aniyang nakikita sa hanay ng mga developed countries.

 

Bukod dito, naibahagi rin naman ng Chief Executive sa kasagsagan ng Summit ang dinaranas ng bansa mula sa lupit ni Ulysses kaya’t matatandaang humingi ito ng permiso na pansamantalang bumitiw at mula doon ay nagbigay ng kanyang public address, nag aerial inspection at bumalik din sa summit. (Daris Jose)

Pagpapatupad na hakbangin ng MMDA para maibsan ang trapik sa EDSA

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

HUMIRIT ang Malakanyang at hiningi ang kooperasyon ng publiko sa mga ginagawang hakbangin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang masolusyunan ang problema ng trapik sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (Edsa).

 

Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay matapos na magreklamo ang ilang motorista sa ginawang pagsasara ng MMDA sa mga U-turn slot sa Edsa na nagresulta sa napakahabang trapik at  pagtaas ng konsumo ng gasolina o krudo ng mga sasakyan.

 

Kaya ang pakiusap ni Sec. Roque ay bigyan muna ng pagkakataong masubukan ang mga pagbabagong ipinatutupad ng MMDA sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

 

Kung hindi naman kasi ito gagana ay siguradong  ititigil  ng MMDA ang implementasyon nito.

 

Sa kasalukuyan, nakasisiguro si  Sec. Roque na nagsasagawa pa ng pag-aaral ang ahensya hinggil sa naging desisyon nitong isara ang mga U-turn slot sa EDSA. (Daris Jose)

P4.2 BILYONG PISO HALAGA NG IMPRASTRAKTURA, WINASIWAS NG BAGYONG ULYSSES

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT na sa P4.2 bilyon piso halaga ng imprastraktura ang nasira ng bagyong Ulysses.

 

Sa idinaos na  Special Presidential briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council,  sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na pumalo na sa  aabot sa 52  road sections ang sarado pa ngayon at hindi pa madaanan ng mga sasakyan dahil sa bagyong Ulysses.

 

Binigyang diin ng Kalihim na sarado ang mga kalsada dahil sa landslide, makapal na putik, mga natumba na puno at baha.

 

Sa nasabing bilang, may 14 na kalsada ang mula sa Cordillera Administrative Region; isa sa Region 1; 13 sa Region II ; 8 sa region III, 7  sa region 4-a;  8 sa region 5 at isa sa region 8.

 

Sinabi ng Kalihim na, 19 ang national road na may limited access habang 92 naman ang naisarang kalsada pero dahil sa mabilis na pag- aksyon ng DPWH ay 40 ang agad na  na-clear.

 

Samantala, nasa P1.19 billion ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura partikular sa region 1, 2, 3, Calabarzon, region 5 at Cordillera region.

 

Umabot na sa P469.7 million ang pinsala sa imprastraktura sa region 1,Mimaropa at region 5.

 

Nasa 25,852 naman na mga kabahayan ang nasira dahil sa hagupit ng bagyo.

 

Ito ay base sa isinagawang damage assessment ng ahensiya sa mga rehiyon na lubhang hinagupit ng Bagyong Ulysses.

 

Nilinaw naman ng NDRRMC na walang discrepancy sa kanilang mga figures dahil sumailalim na ito sa validation.

 

” There is no discrepancy po sa figures. The figures provided by the good Secretary ng DPWH is their agency’s estimate of the possible damages to infrastructure incurred in all affected areas,” paliwanag ni Timbal.

 

Sinabi ni Timbal ang datos o figures na inilalabas ng NDRRMC ay ang actual computed damages na iniulat ng mga regional DRRMCs batay sa isinagawa nilang damage assessment.

 

Dagdag pa ni Timbal, hinihintay pa rin nila ang ulat ng iba pang mga DRRMCs para sa kanilang report kaugnay sa naging epekto ng bagyo. (Daris Jose)

Sylvia, nangatog at nanumbalik ang trauma sa ‘Bagyong Ondoy’

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NANUMBALIK ang trauma na naramdaman ni Sylvia Sanchez nang rumagasa ang napakalakas na bagyong Ulysses nitong November 11 sa buong Luzon kung saan maraming nawalan ng bahay ang mga kakabayan natin sa Bikol, Quezon, Montalban at Marikina City.

 

Kaya hindi napigilang mag- post ang premayadong aktres sa kanyang Facebook page noong Huwebes, November 12.

 

Sabi niya, “Akala ko wala na ang trauma ko sa Ondoy, na ok na ako sa nangyari sa amin noong 2009. Ngayon ko lang nalaman na di pa pala ako totally naka-get over sa nangyari sa amin noon.

 

“Mula paggising ko kaninang umaga hanggang ngayon, nangangatog pa din ang buong kalamnan ko sa lahat ng mga nakita’t narinig ko. Ang bigat sa dibdib.

 

“Alam ko kung gaano kahirap ang sitwasyon na ‘yan at kung gaano kabilis rumagasa ang tubig. Naranasan namin yan. Nakakatakot!

 

“Ang tanging maitutulong ko lang ay ang ipagdasal kayong lahat at gumawa ng paraan na makatulong pag humupa na ang lahat ng ito.

 

“Panginoong JESUS, patnubayan nyo po kaming lahat. Kayo lang po higit sa lahat ang tanging makakatulong sa amin. LORD, your will be done po.”

 

Eleven years na pala ang nakalilipas nang mabiktima ng Bagyong Ondoy ang pamilya ni Sylvia na dating nakatira pa sa Riverside Village Ortigas, Pasig City.

 

Talagang na-trauma ang buong pamilya Atayde nang maganap ang nakakikilabot na kalamidad na nagpalubog sa marami ang lugar sa Metro Manila na kung saan anim na buwang buntis noon si Sylvia sa bunsong anak na si Xavi.

 

Dahil sa mabilis atbmatinding pagbaha, inabot ang bahay nila sa ikalawang palapag kaya agad na nagdesisyon ang mag-anak na lumikas na at nagkita-kita na lang ng mga anak na sina Arjo, Ria at Gela sa isang meeting place na kung saan magkakahiwalay silang ni-rescue ng rubber boat.

 

At sa bahay ng magulang ng asawang si Art Atayde sa isang subdivision sa Quezon City sila pansamantalang nanirahan.

 

Hanggang sa makahanap sila ng lupa sa White Plains at pinatayuan ng bahay na ilang taon na nilang masayang tinitirahan.

 

Samantala, muling makakasama si Sylvia ang anak na si Arjo Atayde para sa first new episode ng Maalaala Mo Kaya pagkaraan ng walong buwan.

 

Kasama rin sa two-part anniversary episode ng MMK sina Jane de Leon Sanchez, Hero Angeles, Aldrin Angeles at Rommel Padilla.

 

Sa Instagram post pinakita ang behind-the-scenes ng episode na may caption na, “Abangan ang muling pagbabalik ng mga bagong kwento ng pag-asa na makakasama ng bawat Pilipino sa pagbangon.”

 

Tatalakayin sa two-part special ang life story ng Bayaning Frontliner na si Dr. Israel Bactol na gagampanan ni Arjo, na namatay dahil sa COVID-19.

 

Mula sa anulat nina Arah Jell Badayos at Mary Rose Colindres, sa ilalim ng direksyon ni Dado C. Lumibao.

 

Abangan ngayong darating na Nov. 21 at Nov. 28 sa A2Z Channel 11, Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, at iWant TFC. (ROHN ROMULO)

PVF nanawagan sa POC; LVPI idiskwalipika sa eleksyon

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Muling nanawagan at umapela ang Philippine Volleyball Federation (PVF) kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino na rebisahin ang isyu sa volleyball at idiskwalipika ang Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) sa gaganaping POC election sa Nobyembre 27.

Sa sulat ni PVF President Edgardo “Tito Boy” Cantada na may petsang Nobyembre 5, 2020, umapela ang PVF sa POC na hindi dapat mapabilang sa regular voting member ang LVPI.

“First, LVPI is not affiliated to its International Federation (IF). Its affiliation to FIVB, in fact, was rejected by no less than the FIVB General Assembly during the 36th FIVB World Congress in Cancun, Mexico. It is PVF that remains a member of FIVB from the Philippines. Affiliation to a corresponding IF, as you very well know, is a requirement for POC membership.

“Second, PVF was never expelled from the POC by the POC General Assembly. Thus, the membership of PVF remains valid and active. Hence, LVPI cannot be recognized as the NSA for volleyball with PVF’s POC membership still active.

“And last, the legality of PVF’s “expulsion” from POC is still subject to litigation at the Pasig RTC,” pahayag ng dati ring pangulo ng Junior Golf Association.

“We hope that with your lead and firm resolve, LVPI will be disqualified from casting its vote in the coming POC election. We hope that you will champion truth and justice to preserve the integrity and credibility of the election,” ayon kay Cantada.

Mahabang panahon nang ipinaglalaban ni Cantada ang aniya’y illegal na pag-alis sa PVF nang noo’y pangulo ng POC na si Jose ‘Peping’ Cojuangco noong 2015.

Iginiit ni Cantada na kahit walang formal na reklamo laban sa PVF sa POC at walang basbas ng General Assembly, nagbuo ng bagong asosasyon sa volleyball na LVPI. Sa pagpapatalsik kay Cojuangco nitong 2018, umaasa ang PVF na mareresolba ang kanilang isyu, ngunit naiwan ito sa ere sa biglang pagbibitiw ni Ricky Vargas.

“Naniniwala po kami sa liderato ni Rep. Bambol Tolentino at umaasang maaksyunan ang aming hinaing,” sambit ni Cantada.

Sinas, handang patunayan na karapat-dapat siya sa posisyong ibinigay sa kanya ng Pangulong Duterte

Posted on: November 14th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

HANDANG patunayan ni bagong Philippine National Police chief Major General Debold Sinas na karapat-dapat siyang maging pinuno ng PNP.

 

Ito’y sa kabila ng kaliwa’t kanang kritisismo sa kanyang pagkakatalaga bilang pinuno ng Pambansang pulisya.

 

Sinabi ni Sinas sa Laging Handa press briefing na marami na siyang napagdaanang posisyon bago marating ang pinaka mataas na puwesto sa PNP.

 

Sa katunayan, kabilang na rito ang pagiging hepe ng Central Visayas police office, naging Deputy Regional Director for Administration din siya sa Police Regional Office 12, nagsilbing secretary to the Directorial Staff sa Camp Crame, direktor ng PNP Crime Laboratory at naging Police Chief Superintendent noong 2017.

 

Aniya, kahit hindi kumpiyansa ang karamihan sa kanyang liderato ay wala na siyang magagawa hinggil dito dahil mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang pumili sa kanya.

 

Binigyang-diin nito na patutunayan na lamang niya na karapat dapat siya na maging PNP Chief at tiniyak na ipatutupad ang direktiba sa kanya ni Pangulong Duterte kabilang ang pagsugpo sa ilegal na droga, sa koraspyon at sa terorismo. (Daris Jose)