TINIYAK ni Mayor Toby Tiangco sa publiko na nananatiling ligtas ang Navotas mula sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), dating kilala bilang novel Coronavirus (nCov).
“Walang kumpirmadong kaso ng nCov sa ating lungsod. Ang Task Force nCov, na pinangungunahan ng ating City Health Office, ang namumuno sa pagtugon sa isyung ito. Mamuhay po tayo nang normal pero mag-ingat at protektahan ang sarili laban sa sakit na ito,” aniya.
Sinabi ni Tiangco na itinalaga ng pamahalaang lungsod ang 8281-1111 bilang hotline para sa anumang tanong o paglilinaw tungkol sa nasabing sakit. Sa mga walang landline, maaari silang magpadala ng mensahe sa Text JRT (Johnrey oR Toby).
Dagdag pa niya, may nakahandang mga triage area sa Navotas City Hospital at sa lahat ng 11 na mga health center kung saan ang mga residente na posibleng may sakit ay sasailalim sa pangunang pagsusuri.
“Iwasang magpalaganap ng mga espekulasyon dahil nagdudulot lang ito ng pagkabahala at pagkalito. Ibahagi ang impormasyon na galing lamang sa mga awtorisadong source tulad ng Department of Health, Navoteño Ako, at ang Facebook fanpage ko o ni Cong. John Rey Tiangco,” saad niya.
Samantala, kinumpirma ni City Health Officer Dr. Christia Padolina na mula Pebrero 3-12, may 16 persons under monitoring (PUM) ang Navotas, tatlo rito ay negatibo sa naturang virus.
Ang mga PUM ay mga indibidwal na bumisita sa China o nagkaroon ng contact sa isang kumpirmadong may nCov ngunit hindi nagpapakita ng mga sintomas. Sila ay pinapayuhang sumailalim sa 14 na araw ng self-quarantine.
Sa kabilang banda, ang mga persons under investigation (PUI) ay mga indibidwal na nagpapakita ng mga sintomas, nakabisita sa China o nagkaroon ng exposure sa virus. Kailangan nilang ihiwalay sa iba.
Pinayuhan ni Padolina ang mga Navoteño na sundin ang proper hygiene at healthy lifestyle para maiwasan ang sakit.
“Parating maghugas ng mga kamay, sundin ang wastong paraan ng pag-ubo, iwasan ang mga taong may sakit, at siguraduhing naluto nang mabuti ang kakaining isda at karne. Maaari rin nating palakasin ang ating immune system sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig, pagkaroon ng sapat na tulog, at pag-inom ng vitamins,” aniya. (Richard Mesa)