Binantaan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang mga manlalaro na sikretong nakikipag-usap at nakikipagnegosasyon sa mga foreign clubs matapos ang balitang maraming manlalaro ang target kuhanin ng Japanese B.League squads bilang Asian import.
Kahapon, pinaalalahanan ni Commissioner Willie Marcial ang mga player kaugnay na kanilang live contracts sa kani-kanilang mga PBA ballclub kaya hindi sila dapat nakikipagnegosasyon sa mga foreign team.
Binalaan din ni Marcial ang mga player sa pagpasok nito sa sikretong negosasyon sa kahit anong Japanese club lalo pa at nakakontrata pa sila sa kanilang mother team.
Pero sinabi ni Marcial na ang mga manlalarong may expired na kontrata ay pwedeng pumasok sa B.League at ibang pang liga sa Asya basta may consent ng kanilang mother teams at PBA board.
“Expired ka na, ayaw mo na sa team mo, mag-paalam ka sa team mo tapos pag-uusapan namin sa board kung okay,” ani Marcial.
Ayon kay Marcial, sa ganitong kaso, titimbangin ng board kung dapat pa bang panatiliin ng mother team ang karapatan sa manlalaro sakaling i-release ito at ng manlalaro na maglaro sa ibang PBA team o sa liga abroad.
Ayon sa ulat, isa ang Japanese league na potensiyal destinasyon ng mga Filipino players kungsaan may salary na aabot sa 16.1 million yen o P7.4 million para sa 2018-19 season.
Mula nang pumirma sa Japanese league si amateur Thirdy Ravena, napabalitang sinimulan na rin ng Japanese league ang paghahanap ng Asian imports at isa ang mga PBA player sa kanilang tinatarget.
Ayon sa ulat, maging ang suspendidong Phoenix forward na si Calvin Abueva ay tinatarget ng Japanese league.
Isiniwalat ni Marcial na wala pa silang nababalitaan o natatanggap na opisyal report mula sa offer kay Abueva o kahit sinong PBA player o maging sa offer na ibinigay kay Terrence Romeo ng San Miguel Beer.
Matatandaang nag-post si Abueva sa kanyang Instagram account ng offer sa kanya ng mga interested na foreign B.League team.
Pero sinabi ni Phoenix coach Louie Alas na ayon kay Abueva ay mas gusto nitong maglaro sa PBA.
Inamin din ni Raymond Almazan ng Meralco na tumanggap siya ng direktang mensahe kay Japanese American-Japanese guard Samuel Sawaji ng Tokyo Cinq Rêves noong isang buwan pero magalang umano niya itong tinanggihan.